Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: October 2017

Thursday, 5 October 2017

Ang Alamat ng Bundok Pinatubo

Masagana ang Kahariang Masinlok. Magandang maganda noon ang umaga. Maningning ang sikat ng araw. Sariwa ang hanging amihan. Luntian ang mga halaman sa paligid. Masigla ang awit ng mga ibon. Bughaw ang kabundukan. Subalit ang kagandahan ng umaga ay hindi nakasiya sa Datu. Wala siyang madamang kaligayahan sa lahat ng namamalas.

Malungkot na nakapanungaw ang Datu. Nakatuon ang mga paningin sa bughaw na kabundukan.

Nakakunot ang noo at tikom ang mga labi. Nagbuntong-hininga nang malalim.

“Malungkot na naman kayo, mahal na Datu.” Narinig nya sa may likuran.
Bumaling ang Datu. Nagtanong ang mga mata ni Tandang Limay. Isa ito sa bumubuo sa “Konseho ng Matanda.”

“Ikaw pala. Nalulungkot nga ako, Tandang Limay. Naalala ko ang aking kabataan,” at nagbuntung-hininga muli. Humawak siya sa palababahan ng bintana.

“Nakita mo ba ang bundok na iyon?” nagtaas ng paningin ang Datu.

“Oo, aking Datu, ngunit ano ang kinalaman niyon sa inyong kalungkutan?” tanong ni Tandang Limay. Napag-usapan na ng “Matatanda” ang napapansin nilang pagkamalungkutin ng Datu. Siya nga ang naatasang magsiyasat tungkol dito.

“Doon ako sa mga bundok na iyon laging nangangaso. Natatandaan mo marahil na malimit akong mag-uwi ng baboy –ramo at usa sa aking ama at mahal ko sa buhay.”

“Opo, kayo mahal na datu ang kinikilalang pinakamagaling sa pana noon. Napabantog sa ibang kaharian ang inyong katangian sa pangangaso,” sang-ayon ni Tandang Limay.

“Iyan ang suliranin ko ngayon. Para bang gustong-gusto kong magawa muli ang mga bagay na iyon, ngunit napakatanda ko upang balikan ang kabundukang iyon. Napakalayo na ang mga pook na iyon para sa mahina kong katawan,” at muling napabuntung-hininga ang Datu.

“Hindi na nga ninyo makakayanan ang maglakbay nang malayo. Ngunit maari naman kayong magkaroon ng ibang libangan,” pasimula ni Tandang Limay

“Bahagi na ng aking buhay ang pangangaso. Hindi na rin ako makadarama ng kasiyahan kung iba ang aking magiging aliwan,” malungkot na umiling ang Datu.

Naging usap-usapan sa buong kaharian ang suliranin ng Datu. Nabalita rin sa ilang bayan ang pagkamalungkutin ng pinuno ng Masinlok.

Makalipas ang ilang araw, dumating sa palasyo ang isang salamangkero. Matanda na siya at mabalasik ang mukha. Malaki ang paghahangad niya sa kamay ni Prinsesa Alindaya, prinsesa ng Masinlok ngunit malaki rin ang pag-ayaw nito sa kanya.

Nagbigay ng kaukulang paggalang ang panauhin.

“May magandang panukala ako tungkol sa inyong suliranin kung inyong mamarapatin, mahal na Datu”, saad ng salamangkero.

“Sabihin mo at handa akong magbayad sa inyong kapaguran.” Turing ng Datu.

“Magpapatubo ako ng isang bundok sa kapatagan ng Masinlok na malapit sa inyong palasyo para sa inyong pangangaso ipapakasal lamang ninyo sa akin si Prinsesa Alindaya,” pahayag ng panauhin.

“Kung matutupad mo ang iyong sinabi ay ibibigay ko sa iyo ang kamay ng aking anak,” mabilis na pasiya ng Datu.

Madaling kumuha ng isang maliit na batumbuhay ang salamangkero. Ito’y parang batong mutya. Itinanim nya itong tila isang binhi ng halaman. Biglang-bigla sumipot sa pinagtamnan ang isang maliit na puno. Tumaas ng tumaas iyon. Lumaki nang lumaki hanggang sa maging isang bundok.

“Aba, anong laking bundok! Di ba iyan tumubo sa itinanim na batong mutya ng salamangkero?” paksa ng usapan ng mga tao.

Samantala sa palasyo,gayon na lamang ang iniluha ni Prinsesa Alindaya sa naging pasya ng ama. Ipinagdamdam niya nang labis na tila siya ay isang kalakal na ipinagpalit lamang sa isang bundok. At sa lalaki pa namang kanyang kinamumuhian. Laging lumuluha ang magandang prinsesa. Nagkaroon siya ng karamdaman.  Naging malubha ang kanyang sakit. Dumating ang araw na itinakda ng Datu sa pagkuha sa kanya ng salamangkero.

“Ikinalulungkot ko na hindi ko mapasasama sa iyo ang aking anak. May sakit ang mahal na prinsesa. Magbalik ka sa ibang araw,” saad ng Datu sa salamangkero.

Umuwing masamang-masama ang loob ng matanda. Galit na galit siya sa Datu. Inisip niyang gusto na nitong sumira sa usapan. Labis na nagulo ang kanyang kalooban. Lagi niyang naiisip si Prinsesa Alindaya at ang kanyang kabiguan. Hindi nya napansin na palaki nang palaki ang bundok. Ito’y kanyang nakaligtaan.

“Mahal na Datu, halos natatakpan na po ng bundok ang buong kapatagan. Malapit na pong humangga ang bundok sa tabing- dagat. Wala na pong matitirhan ang mga tao,” sumbong ng matatanda sa Datu.

“Hulihin ngayon din ang salamangkero. Putulan siya ng ulo. Lubhang nakapipinsala sa kaharian ang bundok na pintatubo niya,” mabalasik na utos ng Datu. Natakot siya sa maaring mangyari sa kaharian.

Namatay ang salamangkero ngunit patuloy pa rin sa paglaki ang bundok. Araw-araw ay pataas ito ng pataas na lalong ikinabahala ng mga tao. Walang maisipang gawin ang Datu. Palubha nang palubha ang suliranin.







Nakaabot ang balita hanggang sa malayong kaharian. Nakarating iyon sa pandinig ni Prinsipe Malakas ng Pangasinan. Balita siya sa taglay na lakas at kabutihang loob. Agad siyang naglakbay patungong Masinlok. Humarap sa Datu ang matikas na prinsipe.

“Nakalaan sa inyo ang aking paglilingkod, mahal na Datu,” magalang na badya niya.

“Nakalaan akong magbigay ng kaukulang gantinpala. Humiling ka kahit anong bagay kapag nagtagumpay ka. Lunasan mo ang suliranin ng kaharian, Prinsepe ng Pangasinan.” Pahayag ng Datu.

“Wala po akong hinihintay na gantimpala, aking Datu. Tayo na sa labas.”

Si Alindaya na noo’y magaling na ay naganyak sa tinig ng panauhin. Sumilip siya sa siwang ng pintuan. Malakas na malakas ang pitlag ng puso ng dalaga.

Nanaog ang Datu pati ang prinsipe. Madali nilang sinapit ang paanan ng bundok.

Sa isang kisapmata, binunot ng prinsepe ang bundok. Parang pagbunot lamang ng isang maliit na punong-kahoy. At sa isang iglap din, ipinatong niya iyon sa kanyang likod na walang iniwan sa pagbalikat ng tinudlang baboy-ramo. Mabilis din siyang humakbang palayo at inihagis ang bundok sa lugar na kinaroroonan nito ngayon.

Bunalik ang prinsipe at ang Datu sa palasyo sa gitna ng pagbubunyi ng mga tao. Galak na galak ang kaharian. Pagdating sa palasyo, niyakap ng Datu ang prinsipe. Iniutos niya ang malaking pagdiriwang sa karangalan ng prinsipe noon ding gabing iyon.

Gabi ng kasiyahan, nagsasayaw noon ang prinsesa pagkat nahilingan ng amang Datu. Walang alis ang tingin ng prinsipe sa magandang mananayaw. Nabatubalani siya sa magandang prinsesa. Walang humpay ang palakpak ng prinsipe matapos ang pagsasayaw nito.

Kiming umupo ang prinsesa sa tabi ng Datu. Siya’y tahimik na nakatungo.

“Ang aking anak, si Prinsesa Alindaya, mahal na prinsipe,” nakangiting pagpapakilala ng Datu. Yumukod ang prinsipe at ang prinsesa nama’y nag-ukol ng matamis na ngiti.

Walang alis ang paningin ni Prinsipe Malakas sa dalaga. Hindi matagalan ng prinsesa ang kabigha-bighaning titig ng prinsipe.

“May sasabihin ka, Prinsipe Malakas?” tanong ng Datu upang basagin ang katahimikan.

“Hinihingi ko ang inyong pahintulot na makausap ko ang mahal na prinsesa, mahal na Datu,” ang hiling ng prinsipe.

“Higit pa sa riyan ang maibibigay ko,” sang-ayon ng Datu.

Hindi nagtagal at nasaksihan sa Masinlok ang marangyang kasal nina Prinsesa Alindaya at Prinsipe Malakas ng Pangasinan. Nagsaya ang kaharian sa loob ng anim na araw.

Samantala, ang guwang na nilikha ng pagkabunot sa bundok ay napuno ng tubig ito’y naging isang lawa.

Naging maganda at matulain ang lawang ito na tinawag ng mga tao na Lawa ni Alindaya sapagkat nagpapagunita ng kagandahan ng prinsesa at ng pag-ibig niyang siyang dahilan ng pagkakaroon ng Bundok ng Pinatubo.