Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Sunday, 14 August 2016

Ang Alamat ng Bawang

May isang dalagang dahil sa kagandahan ay nakaaakit ng maraming manliligaw. Para makamit ang kamay ng magandang binibini, may mga nag-aaway, nagsasakitan, at mayroong pang nagpapatayan.

Upang maiwasan ang ganitong kasaklap na pangyayari, umakyat ang dalaga sa isang mahiwagang bundok at nanalangin.

"O, Bathala, sana po'y mawala na itong maganda kong mukha na nagiging dahilan lamang ng kalungkutan at iba pang kasamaan."

Biglang nabuwal ang dalaga at tuluyan nang pumanaw. Inilibing siya ng kanyang ina at sa laki ng dalamhati ay umiyak nang umiyak sa tabi ng puntod niya.

Ilang araw ang lumipas. May tumubong bagong halaman sa paligid ng pinaglibingan. Sa akalang ito ay damo lamang, binunot ng ina ang halaman.

Sa dulo ng mga ugat ay nakita niya ang tila mga ngipin ng anak. Naisip niya na padamihin ang mga halamang iyon para laging maalala ang kawawang anak.

Nagtanim pa ang ina sa maraming lugar ng halamang nagpapagunita sa mahal na anak. At dumami na nga ang halamang bawang.

Maalala ninyong tiyak ang kwentong ito na tungkol sa alamat ng bawang kapag kayo ay nag-adobo o naggisa ng kahit na ano.

Ang Alamat Kung Bakit Nasa Labas ang Buto ng Kasoy

Nagkaroon minsan ng kasayahan sa kagubatan. Lahat ng mga hayop, mga ibon man at kulisap ay nagkatipon-tipon. Kay saya ng lahat!

Sa di kalayuan ay nagtataka ang puno ng kasoy. "Ano ba ang pinagkakaguluhan nila? Kay ingay," sabi ng buto sa loob ng prutas.

"Kung makalalabas sana ako sa madilim na lugar na ito, para makita ko."

Sa sandaling iyon, may isang engkantada na dumaraan. Naawa siya. Banayad niyang kinapa ang bunga, pinisil, at pinalabas ang buto.

"Naku, ang ganda pala dito sa labas," gulat na gulat na wika ng buto.

"Dito na lamang sana ako lagi. Huwag na po ninyo akong ibalik sa loob ng prutas."

Pinagbigyan ang kanyang kahilingan. Maligayang-maligaya, pinakaganda-ganda pa ang pag-upo sa prutas na kasoy.

"Kitang-kita ko ngayon ang bughaw na langit, ang sari-saring ibon at paruparong kay gaganda ng kulay, ang mga punong kahoy at bulaklak."

Natapos ang kasayahan ng mga hayop na kanyang pinapanood at pinapakinggan. Nagsiuwi na ang mga dumalo. Mayamaya ay nagdilim ang kalangitan. Umihip ang malakas na hangin. Bumagsak ang ulan. Isang nakabibinging kulog ang narinig kasabay ang matalim na kidlat.

Natakot ang buto.



"Maawaing Engkantada, ayaw ko na po dito sa labas! Ibalik na ninyo ako sa loob!"

Ngunit wala na ang engkantada at hindi na siya narinig.

"Tunay nga palang walang lubos na kaligayahan ang dito'y mararamdaman," taghoy ng kasoy.

"Kapag may saya ay may dusa ring daratal."

Kaya hanggang ngayon ang buto ng kasoy ay nasa labas ng bunga, parang prinsesa na nakaupo sa tasa.