Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Friday, 2 September 2016

Ang Alamat ng Ulan

Si Dakula, isang napalaking higante, ay nakatira sa madilim na yungib. Sa tabi ng yungib ay may bukal na dinadaluyan ng dalisay at matamis na tubig. Hindi mangyaring makakuhang madalas dito ang mga tao dahil bantay na bantay itong bukal ng matapang na higante.

Madalas kumukuha na lamang ang mga tao ng tubig sa dagat para magamit nila. Paminsan-minsan nasusubukan nilang tulog si Dakula, kaya panakaw na nakakasahod sila ng tubig sa bukal.

Isang hatinggabi, maraming mga tao ang pumaroon sa bukal para sumalok ng tubig. Hindi nila alam na gising pala ang madamot na higante. Walang anu-ano'y naramdaman ng mga tao na naikulong na pala sila nito sa isang malaking lambat.

Dinala ni Dakula ang lambat na puno ng tao sa kaitaasan, at ibinilanggo sa ulap.

"Diyan na kayo manirahan, gusto rin lang ninyo ng tubig."

Ang mga taong nakakulong sa ulap ay nalungkot at nagsitulo ang masaganang luha. Bumagsak sa lupa ang luha at nagsilbing unang ulan.

Mula noon, tuwing iiyak ang mga taong iyon, umuulan sa lupa.

At iyon nga ang alamat ng ulan at kung bakit tila napakalungkot ng langit tuwing umuulan na parang lumuluha.

Sunday, 14 August 2016

Ang Alamat ng Bawang

May isang dalagang dahil sa kagandahan ay nakaaakit ng maraming manliligaw. Para makamit ang kamay ng magandang binibini, may mga nag-aaway, nagsasakitan, at mayroong pang nagpapatayan.

Upang maiwasan ang ganitong kasaklap na pangyayari, umakyat ang dalaga sa isang mahiwagang bundok at nanalangin.

"O, Bathala, sana po'y mawala na itong maganda kong mukha na nagiging dahilan lamang ng kalungkutan at iba pang kasamaan."

Biglang nabuwal ang dalaga at tuluyan nang pumanaw. Inilibing siya ng kanyang ina at sa laki ng dalamhati ay umiyak nang umiyak sa tabi ng puntod niya.

Ilang araw ang lumipas. May tumubong bagong halaman sa paligid ng pinaglibingan. Sa akalang ito ay damo lamang, binunot ng ina ang halaman.

Sa dulo ng mga ugat ay nakita niya ang tila mga ngipin ng anak. Naisip niya na padamihin ang mga halamang iyon para laging maalala ang kawawang anak.

Nagtanim pa ang ina sa maraming lugar ng halamang nagpapagunita sa mahal na anak. At dumami na nga ang halamang bawang.

Maalala ninyong tiyak ang kwentong ito na tungkol sa alamat ng bawang kapag kayo ay nag-adobo o naggisa ng kahit na ano.