Alamat ng Bulkan Taal
Mayroong isang Datu na bukod na kapita-pitagan ang kanyang
reputasyon,mabuti siyang pinuno, maayos at maganda ang pamamalakad sa kanyang
nasasakupan. Datu Balinda ang tawag sa kanya. Ang kanyang balangay ay
matatagpuan din ang balangay ng Batangan.
Isang nililiyag na anak na babae ang madalas pagtuunan ng
Datu. Bukod sa kaisa-isa lamang, magigiliw ka sa taglay nitong katangian.
Maganda, mayumi at mahinhin si Taalita at mapagmahal sa sariling tradisyon at
kultura. Prinsesa Lita o Taalita ang tawag sa kanya, na ang kahulugan ay Taal
sa Tagalog at puspos ng ugaling kinagisnan.
Dahil ang tirahan nila ay malapit sa lawa, nakahiligan ng
Prinsesa Taal ang mamangka pagmalapit ng lumubog ang araw sa Lawa ng Bunbon.
Dahil siya ay isang Prinsesa tinatanuran siya ng kanyang alipin at mga abay.
Mayroong isang pagkakataon, pagkatapos mamangka ay luhaang
humarap si Prinsesa Taal sa kanyang ama na si Haring Balinda:
“Ama kong Datu, mapatawad po sana ninyo ako. Mayroon po
akong kasalanan na nagawa. Pagkagalit ay huwag mo sanang magawa.”
“Anak, bakit ka umiiyak ano ba ang nagawa mong pagkakamali?”
“Mahal kong ama, nahulog po ang singsing ko sa lawa habang
ako’y namamangka,” sagot ni Prinsesa Taal, na animo’y nahihintakutan.
“Ano! Dapat ay naging maingat ka. Iyan na lamang ang bagay
na nagpapaalala sa amin ng iyong ina ng aming pagmamahalan. Ilan ninuno na
natin ang napasali-salin sa singsing na iyan. Saksi iyan ng aming sumpaang
binigkis ng nasira mong ina.”
“Alam ko pong napakahalaga ng singsing na iyon. Minahal at
pinakaingat-ingatan ko ang singsing na iyon gaya ng pagmamahal ko sa aking ina,”
sagot ni Prinsesa Taalna lumuluha.
Lumuhod si Prinsesa Taal sa harap ng ama.
“Anak, tumayo ka at huwag ng lumuha. Naguguluhan lamang ako
sa narinig kong balita mula sa iyo. Alam mo bang ang singsing na iyon ay
ibinilin pa sa akin ng iyong ina bago siya namatay. Sinabi nya sa akin na
ipagkaloob ko sa iyo tanda ng kanyang pagmamahal at pag-alala sa iyo!”
“Tumahan kana anak at ang pagkakagalit ko’y kinalimutan ko
na,” paamong wika ng Datu.
Niyakap ng Datu si Taal, na halos maiyak sa sandaling iyon.
“Huwag kang mabalisa, hahanap tayo ng magagaling lumangoy
upang sisirin ang nahulog mong singsing. Maibabalik rin ang singsing at
maisusuot sa daliri mo,” paliwanag ng Datu.
“Salamat ng marami po, Ama ko. Ako po’y nagagalak sa
pang-unawa ninyo.”
Ilang sandali pa ang lumipas. “Anak, hindi ba dapat ikaw ay
mag-asawa na. Nasa tamang edad kana para lumagay sa tahimik. Matanda na rin ako
at kailangan ko ang isang matapang na Datu na siyang hahalili sa akin.
Kailangan mo rin ng makakasama kapag ako ay lumisan na,” pakiusap ng Datu.
“Siya pong mangyayari Ama ko,” Sagot ng Prinsesa.
Nagpaanunsyo kaagad ang Datu saan mang dako upang ipahayag
ang kanyang nilalayon. Ipinaalam sa madla na kung sino ang makakakuha sa
singsing na nahulog sa lawa ng Bunbon ay siyang mapapangasawa ng mayuming
prinsesa. Ang balitang ito ay agad kumalat saan mang dako ng kapuluan. Maraming
dugong bughaw ang dumating mula sa iba’t ibang lugar. Kasama rito ang mga
Morong Datu mula sa Jolo at Tawi-tawi. Hindi rin nagpahuli ang angkan ni
Bukaneng mula sa Kabisayaan at Kabikulan. Hindi rin nagpadaig ang Kapampangan
at dumating si Datu Pisot upang subukan ang kapalaran. Sa sinamang palad walang
sinuman ang nagtagumpay upang maibalik
ang singsing ng prinsesa.
Marami ang araw na lumipas sa paghihintay ng mag-ama.
Pagkainip ang kanilang naramdaman.
Di kalaunan ay may isang Datu ang humingi ng tulong sa mga
anito. Panalanging tulungan siyang masisid ang nawawalang singsing mula sa
Prinsesa. Datu Mulawin ang ngalan ng lalaki at nagmula siya sa Nasugbo.
Matiyaga niyang nilusong ang Lawa ng Bunbon. Mula umaga
hanggang hapon. Walang tigil sa paglangoy.
Habang sa pagsisid ni Datu Mulawin ay may nahuli siyang
buteteng laot na malaki ang tiyan. Nagtaka ang lalaki dahil sa maliit na butete
ay malaki na agad ang tiyan nito. Ginawa niyang hiwain ang tiyan nito upang
malaman ang laman. Ngunit laking gulat niya ng matagpuan doon ang nawawalang
singsing ng prinsesa.
“Isang himala ito!” laking tuwa ni Datu Mulawin. “Ito kaya
ang tugon sa panalangin ko at magandang hangarin sa Prinsesa Taal?”
Kaya’t ang pangako ng Pinunong Datu ay nangyari. Agad
ipinakasal si Prinsesa Taal kay Mulawin. Nagdiwang ang buong balangay. Mayroon
sayawan at kantahan. Lahat maligaya sa nangyaring okasyon. Ang pagsasama ng
mag-asawa ay nasaksihan ng buong balangay at ang magandang pamamalakad ni Datu
Mulawin. Masayang masaya si Prinsesa Taal sa piling ng asawa.
Subali’t ang pagsasama ay hindi laging masaya. Madalas ay
may problema ring dumadating na siyang nagiging balakid sa pagsasama.
Isang gabi, maliwanag ang sikat ng buwan,namasyal ang
mag-asawa. Ang gabing iyon ang simula ng gulo sa kanilang pagsasama.
Mayroong isang matandang nuno pala ang nagmamay-ari ng Lawa
ng Bundon. Matagal niyang sinusubaybayan ang takbo at pangyayari sa palasyo at
ang masayang pagsasama nina Datu Mulawin at Prinsesa Taal. Ang matandang nuno
pala ay naiinggit sa sarap ng buhay sa palasyo at masayang pagsasama ng
mag-asawa.
Nang gabi ring iyon ay namangka ang mag-asawa sa lawa.
Habang sumasagwan si Datu Mulawin, siya namang kumakanta ang Prinsesa kasabay
ang tugtog ng kumintang.
Nang makita ng Prinsesa ang magandang bulaklak ng lotus, dahil
nabighani ito, pilit niyang inabot. Sa Kasamaang-palad ang prinsesa ay nahulog
at lumubog. Mabilis namang tinalon ni Datu Mulawin ang asawa upang sagipin.
Subalit, kapwa sila lumubog. Lumubog sila dahil sa kapangyarihan ng matandang
nuno na binalak silang mapinsala.
Ang mga alipin na nakakita sa pangyayari ay agad ibinalita
sa mga tagaroon. Marami ang nagtangkang sisirin ang dalawa upang makita ang
bangkay. Ngunit nabigo silang lahat.
Mula noon, may isang pulo ang lumitaw sa gitna ng Lawa
Bunbon. Ang tawag nila rito ay Bulkan Taal. Pangalang ibinigay ng Datung
pumalit kay Mulawin. Tanda na rin ito para laging maalala sina Mulawin at
Prinsesa Taal.