Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Friday, 24 August 2018

Ang Alamat ng Pipino

Noong araw, sa Lumang Taal, Balangay ng Batangan, ay may mag-asawang may anak na lalaki. Ang pangalan ng ama ay Rupino, ang ina ay Paula, at ang anak naman ay Tirso. Sa halip na maging maalaala at mapagmahal sa aswa't anak si Rupino ay totoong pabaya. Siya ay napakatamad at napakasugarol pa.Kaya upang sila ay mabuhay, si Paula ang siyang naghahanap-buhay.

Isang araw, si Paula ay nagluto ng pananghalian. Si Rupino ay pinakiusapan ni Paula na magsibak ng kahoy upang may maigatong sa niluluto. Si Paula ay matagal ding nakiusap bago napasunod si Rupino. Datapwa't hindi pa halos nangangalahati ng pagsibak si Rupino ay huminto ito.

"Paula, Paula, " ang sigaw ni Rupino buhat sa ibaba, "Napakasakit ng ulo ko. Para bang mabibiyak. Bigyan mo nga ako ng piso at bibili ako ng gamot."

Nalalaman ni Paula na si Rupino at nagdadahilan lamang sapagka't marahil ay tinatamad at sinusumpong ng pagsususgal.

"Saan ba ako kukuha ng oiso?" ang sagot ni Paula. "At saka anong sakit ng ulo ang sinasabi mo? Ang totoo'y ibig mo lang magsugal. Sulong! Kung ayaw mong magsibak ngkahoy ay umalis ka at ako ang magsisibak."

Si Rupino ay umalis na ngingiti-ngiti pa. Hindi siya nagbalik kundi nang inaakala niyang luto na ang pagkain.

"Paula, maghain ka nga," ang utos niya sa asawa. "Nagugutom ako."

Si Paula naman na nakalimot na sa kanyang galit ay madaling sumunod.

"Tirhan mo ng kaunting kanin at kaunting ulam si Tirso," ani Paula. "Siya'y hindi pa kumakain sapagka't inutusan ko."

Ngunit nasarapan si Rupino sa pagkain. Nang maalala niya ang pagtitira sa kaunting kanin at ulam kay Tirso ay naubos na niyang lahat ang kanin at ulam.

Nang dumating si Tirso at maghalungkat sa paminggahan ay nakita niyang ubos na ang lahat ng ulam at kanin.

"Inay, wala na pong ulam at kanin a," ang maiyak-iyak na sumbong ni Tirso. "Simot na simot po ang mga palayok."

"Rupino hindi mo ba tinirhan ng pagkain ang anak mo?" ang usisa naman ni Paula.

"Aba tinirhan ko," ang pagsisisnungaling ni Rupino. "Baka kinain ng hayop." At si Rupino ay lumabas at hinanap angpusa at aso. Ang hayop ay pinagpapalo ni Rupino hanggang ang puno at aso ay magtalunan sa batalan.




Lumipas ang mga araw. Noon ay tag-ani ng palay. Upang mayroon silang makain ang mag-inang Paula at Tirso ay tumutulong sa pag-aani ng palay sa kanilang mga kapit-bahay na may palayan. Ang mga palay na inuupa sa kanila ng kanilang mga tinutulungan ay itinatago nila sa kanilang bangang malaki sa kanilang silid.

Isang araw, sa paghahalungkat ni Rupino sa loob ng silid ay natagpuan niya ang banga ng palay. Nang Makita niya na mapupuno na halos ang banga ay napangiti ng lihim. Alam na niya ang kanyang gagawin. Mapaglalangan na naman niya si Paula.

Nang dumating ang mag-ina buhat sa bukid ay dinatnan nila si Rupino na naghihimas ng manok. Si Rupino ay mukhang malungkot na malungkot.

"Aba, ano ang nangyari sa iyo?" ang usisa ni Paula. "Baki parang Biyernes Santo ang mukha mo?"

"Masama ang nagyari, e, ang simulan ni Rupino. "Natalo ako sa tupada."

"Oo, e ikaw ba naman ay nanalo na?" ang ika ni Paula. "Ang pinagtataka ko saiyo ay kung saan ka kumukuha ng ipinatatalo."

"Iyon nga ang sasabihin ko sa iyo, e. Nakita ang palay na tinitipon ninyo sa banga at ipinagbili ko.

"Ang iniisip ko ay kung yung pinagbilan ay maparami ko ay gugulatin kita. Nguni't talaga yatang minamalas ako lahat ng pinagbilan ko ay natalo."

Si Paula at Tirso ay hindi nakakibo. Si Paula ay nanlambot na lamang at nangilid na ang luha. Pumanhik sila ng bhay na malatang- malata ang katawan.

Si Rupino ay maliksing tumayo ng si Paula at Tirso ay pumanhik na sa itaas. Tuwang-tuwa siya samantalang siya ay nagbibihis. Ang totoo'y hindi pa natatalo ang sampungpisong pinagbilan niya ng palay. Ang limang piso ay nasa bulsa niyaat ang lima pa ay nasa lambat na nakasuksok sa kanilang silong. Ang limang pisong nasa bulsa niya ay dadalhin niya sa sugalan. Kung sakaling matalo ay maaari pa siyang umuwi at kumuha ng puhunan.

"Inay, paano ang gagawin natin ngayon?" ang tanong ni Tirso ng nakaalis na si Rupino. "Nasayang lamang ang pagod natin."

"Bayaan mo na anak, at ako'y maghahanap ng maipagbibili," ang wika ni Paula. "Makakaraos din tayo sa awa ng Dios."

Si Paula ay naghalungkat ng anumang maipagbibili sa loob ng bahay ngunit wala siyang makita. Nanaog siya at baka sakali sa silong aymay Makita siya.. At hindi nga siya nagkamali sapagka't at namataan niya ang lambat na nakasabit sa isang haligi.Ang lambat ay kinuha ni Paula at madaling ipinagbili sa Intsik. Ang pinagbilan ay madaling binili ni Paula ng kalahating kabang bigas at ng maiulam na nila ng marami-raming araw.

Si Paula ay kasalukuyang naluluto ng si Rupino ay dumating na humahangos.

"Kakain ka na ba?" ang tanong ni Paula. "malapit ng maluto ang ulam."

"Huwag mo akong abalahin," ang payamot na sigaw ni Rupino at nanaog uli. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa silong.

Walang anu-ano ay mabilis na umakyat sa hagdan si Rupino.

"Ang lambat?" Nasaan ang lambat?" ang humahangos niyang usisa. "Ano ang ginawa mo sa lambat?"

"Ha? Lambat?" ang walang tutong sagot ni Paula. "A, ang lambat. Ipinagbili ko at ang pinagbilan ay binili ko ng kalahating kabang bigasat ng maraming ulam."

"Ipinagbili mo! Ipinagbili mo ay may lamang limang piso iyon!" Si Rupino ay nanginginig na lumpit sa asawa. Sinampal niya ito ng ubod-lakas, sinuntok at sinipa. Hindi pa yata nakasiya roon ay hinawakan niya sa ulo si Paula at ipinukpok ng ipinukpok ang ulo nito sa dinding ng bahay. "Hindi mo nalamang itinago ko sa lambat ang kalahati ng pinagbilan ko sa palay?"

"Diyos ko!" ang panangis ni Paula ng lubayan na siya ng kagulgulpi ni Rupino. "Labis labis na po ang mga pagtitiis naming ng anak ko sa taong ito. Diyos ko, kaawaan mo po kami! Maano pong Mo na ang taong ito at ng kami ng anak mo ko ay makatikim na ginhawa!"

At anong laking himala angnangyari. Isang napakatalim na kidlat ang biglanggumuhit, kidlat na sinundan ng kulog na nakatutulig. Si Paula at Rupino ay nawalan ng malay-tao.

Nang si Paula ay pagsaulan ng hininga ay nakita niyng si Rupino ay maitim na maitim at patay na. Si Rupino pala ay tinamaan ng kidlat. Samantalang pinagmasdan niya ang mukha ni Rupino ay may narinig siyang isang tinig na nagsasabi ng ganito: "Ibaon mo sa inyong halmanan ang bangkay ng iyong asawa. Sa puntod ng kanyang libingan ay may sisiot ng isang halaman. Alagaan mong mabuti ang halamanang iyansapagka'y iyay pakikinabangan ninyo. Si Rupino ay di nakatulong sa inyo noong siya y nabubuhay. Ngayong siya'y patay na ay makatulong sana siya sa inyo"

Hindi naman naglaon at isang baging na maganda at malusog ang sumulpot sa puntod ng libingan ni Rupino Ang baging madaling lumaki at namunga, at nang anihin ni Paula ang bunga ng baging at kanilang kainin ay anong sarap ang mga bungang iyon sa panlasa. Ang baging na iyon ay ang unang pipino sa daigdig. At sapagka't ang baging ay sumipot sa puntod ni Rupino, tinawag itong pipino.

Alamat ng Pasig

Sa Taal nakamalas ng unang liwanag ang magkaibigang Lakan Tindalo at Magat Mandapat. Ang una ay mariwasa samantalang ang huli ay isang dukhang magsasaka.

Si Mandapat ay lumaki sa kalinga ni Datu Balkote na nag-aruga sa kanya nang siya'y maulila.

Laging magkasamang parang kambal ang magkaibigan lalo kung nagbubungkal ng lupa at nangangaso ng usa at baboy-ramo sa kagubatan.

Napabalita sa kanilang balangay ang tungkol sa nawawalang kaharian. Ang magkaibiga'y nagkaisang hanapin ito. Kanilang ginalugad ang kalawakan ng dagat. Sila'y napadpad sa isang pulo nang abutan ng malakas na bagyo.

Sila'y inusig ng maykapangyarihan sa pulo. Nagmatuwid sila na sila'y mangingisdang itinaboy roon ng masamang panahon. Lingid sa kanilang kaalaman ang pulo palang iyong kanilang kinapadparan ay ang hinahanap nilang nawawalang kaharian.

Ang puno ng pulo ay haring malupit kaya masasabing ang pook na iyo'y bayang walang Diyos.

Ang magkaibiga'y idinulog kay Datu Pasig bilang mga bihag. "Inyong Kamahalan, narito po ang aking natuptop na mga espiyang nagmamanman sa ating tanggulan nang malaman ang ating lihim. Sa gayo'y madali nilang malulusob ang ating kaharian bilang mga kaaway."

Iniutos ng hari sa berdugo, "Dalhin sa bartolina at parusahan. Hampasin ng latigo nang makasanlibong ulit!"

Narinig ni Dayang Sumilang ang utos ng ama. Siya'y nagsalita, "Maawa ka po sa kanila! Wala silang kasalanan. Kung sila'y parurusahan, sakaling ang ating mga kampon ay maglakbay sa kanilang kaharian, ganyan din ang gagawin sa ating mga kabig!"

"Mahusay ang iyong pangangatwiran, Anak. Babaguhin ko ang aking utos. Sila'y akin palalayain. Ituturingko silang panauhin natin."

Gayon na lamang ang pasasalamat ng dalawang magkaibigan. Si Magat Mandapat ay naging tagahanga ng prinsesa mula noon.




Pagkalipas ng mga araw nabatid ng magkaibigan ang mga kalupitan at kabuktutang nagaganap sa kaharian. Ibang-iba ang lakdaw ng buhay na kanilang namasdan sa Pasig. Dito'y walang kalayaan, di tulad sa Taal na kanilang sinilangan at pinagmulan.

Kaawa-awa ang mga magsasaka. Sila'y patay-gutom at hindi makatikim ng sapit sa kanilang pinagpaguran. Sinisikil ng Datu ang karapatan ng mga mamamayan. Ang mayayaman ay siyang nagtatamasa ng kasaganaang hindi nila pinagpawisan at ang mga dukha ay sakmal ng gutom at pagsasalat. Ang hindi sumusunod sa utos ng hari ay ipinalalamon sa apoy.

Ipinagtapat ni Magat Mandapat kay Dayang Sumilang ang mga kaapihan ng mga magbubukid at ang panggigipit sa kanila ng mga nagmamay-ari ng lupa. Sinabi ni Magat sa Prinsesa, "Dito'y ang taong masipag ang siyang pulubi! Ang sakim at sukaban ang pinagpapala sa kabila ng kanilang katamaran!"

Sumagot ang Prinsesa, "Ano ang aking gagawin? Kung ako'y tututol kay Ama, baka ako parusahan. Siya'y hindi makatwiran.' Nangako na lamang ang Prinsesa na pag-aaralan niya ang lunas na dapat ipagkaloob sa mga magsasaka. "Unti-unti kong aamukin si Ama nang magkaroon ng pagbabago!"

Nagsupling sa puso ni Magat Mandapat ang pagmamahal sa Prinsesa. Kung minsan pati ang katotong si Tindalo ay pinagseselosan niya kung makitang kaniig ang kanyang minamahal.

Minsa'y nabanggit ni Mandapat sa Prinsesa na ang bayan ay tutubusin niya at ito'y gagawing isang paraisong tulad ng Taal. "Ang bayang ito ay aking ililigtas sa kaalipinan," ang huling pangungusap.

Nagkaroon ng kasunduan na pinasimunuan nina Magat at Tindalo subalit may bahagi ng kahariang tumutol. Ang hindi sumang-ayon ay naghimagsik. Nilusob nila ang kaharian at nagkaroon ng madugong labanan.

Sina Mandapat at Tindalo ay nagapi. Si Tindalo ay itinapon sa dagat. Si Magat ay susunugin sana subalit mahiwang nailigtas ng Prinsesa.

Dahil sa kalupitan ng hari, siya'y pinarusahan ng Diyos. Nagkaroon ng malaking baha at ang buong kaharian ay nagunaw. Ang hari'y nalunod sa taas ng tubig. May isang mahiwagang vinta na sumagip kina Magat at Dayang Sumilang.

Matapos ang baha, mabilis na nagbalik sa Pasig ang pag-unlad nito sa ilalim ng pangungulo ni Magat. Siya ang naging puno ng Pasig pagkat nakataling-puso niya si Sumilang.

Mula noon umiral sa kaharian ang pagkakapatiran ng puhunan at paggawa. Naisakatuparan nang buong sigla ang Katarungang Pangmadla.

Lumigaya ang mga mamamayan. Sina Mandapat at Sumilang ay iginalang ng mga mamamayan at sila'y nabuhay nang matiwasay at maligaya nang mahabang panahon.