Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Saturday, 24 November 2018

Ang Alamat ng Buwaya

Noong unang panahon ay may isang babaeng nabubuhay na wala nang ginawa kundi kumain nang kumain at likumin ang kayamanan ng mga tao. Inuubos niya ang mga ani, salapi at ginto ng mga tao sa bawat nayong kanyang pinupuntahan. Nagagawa niya iyon sa pamamagitan ng pagbabalatkayo bilang isang pulubi. Pagkatapos niyon ay tuwang-tuwang iiwan niya ang lugar. At bago pa may makatuklas sa ginawa niya ay huli na ang lahat. Naghihirap at nagkakasakit na ang mga tao.

Isang nayon na lamang ang hindi niya napupuntahan. Matatagpuan iyon sa kabilang bundok. Tahimik na nagtungo siya roon dala ang saku-sakong kayamanang nalikom niya sa mga nayong napuntahan na niya.

Sa gubat na malapit sa isang lawa ay nagtayo siya ng kubo. Doon niya iniba ang kanyang anyo: pinalitan niya ang kanyang damit, nagsuot siya ng peluka at dinungisan niya ang katawan para magmukha siyang pulubi. Nag-iba rin siya ng pangalan. "Aling Aya" ang pakilala niya sa mga tagaroon.

Tuwing umaga ay naglalagi siya sa harap ng simbahan upang mamalimos. Umiiyak siya upang maawa sa kanya ang mga tao. "Maawa na po kayo.. tatlong araw na po akong hindi kumakain.."

Dala ng awa, lahat ng napapadaan sa simbahan ay nagbibigay ng limos kay Aya.

Pagsikat ng araw, muling lalabas at mamamalimos si Aya. Nagtutungo siya sa mga kabahayan upang humingi ng pagkain, pera at kung anu-ano pa. Sa husay niya sa paghikayat at sa pag-iyak, napapaniwala niya ang lahat na siya ay isang pulubi.

Sarisaring kuwento ang hinahabi niya para makuha ang mga kayamanan ng mga taganayon: "Maawa ka na. Isa sa aking mga anak ang malubha ang sakit. Kailangan ko ng gamot.." sabi niya sa isa. "Hindi pa ako kumakain, ineng. Baka puwedeng bigyan mo ao ng kinakain mo kahit kaunti lang?" pagmamakaawa naman niya sa isa. "Hinipan ng nakaraang bagyo ang aking nag-iisang kubo. Palabuy-laboy ako at wala akong matirhan," kuwento niya sa isa pa. Tumutulo ang kanyang kuwad na luha.

Pati si Manong Kuwago na kanyang nadaanan isang gabi sa itaas ng puno sa plaza ay kanyang hiningan ng limos. Muli, bumuhos ang luha niya sa haap ng ibon para maawa ito sa kanya.

"Manong Kuwago, maawa ka sa isang kagaya kong nauubusan na ng lakas.."








"Kahit gutom si Manong Kuwago ay nagawa nitong ibigay ang isdang tangan nito. "Maghahanap na lang ako ng mahahapunan. May pakpak ako at kaya kong maghanap pa ng makakain." Pagkabigay nito ng kakainin na lamang na isda ay lumipad na ito. Napangisi si Aya. Nakaloko na naman ako, sabi niya sa isip.

Nang gabi ring iyon, habang kumakain ng bayabas si Manong Kuwago sa itaas ng isang puno sa gubat ay namataan niya si Aya na naglalakad na nang tuwid ang babaeng "pulubi." Isa-isang tinatanggal nito ang gula-gulanit na damit, ang dumi sa mukha at ang peluka. Sinundan niya si Aya patungo sa kubo nito. Doon niya natuklasan ang lihim nito. Nakita niya ang tunay na anyo nito, pati na ang kaban-kabang pera at kayamanang nalikom nito. Nakangisi ito habang kinakausap nito ang sarili. "Mapapasakin ang lahat ng kayamanan nila. Mga hangal sila. Nakapahusay ko talaga.'Pag naubos ko na lahat ng kanilang kayamanan, lalayas ako sa lugar na ito at magbubuhay-reyna."

Kinaumagahan, mabilis na ibinalita ni Mnong Kuwago ang kanyang nakita sa mga taganayon. "Maniwala kayo sa akin. Huwag ninyong hintaying maubos ang kayamanan ng bayang ito dahil sa masamang ugali ni Aya."

Pero iniwan lang siya ng mga tao. i isa ay walang naniwala sa kanya.

Hanggang sa magsimulang maubos ang mga pera, ginto at pagkain ng mga taganayon. Ang ilan sa mga bata ay nagkasakit dahil sa kakulangan sa pagkain at pera.

Awang-awa si Manong Kuwago sa kanyang nakikita.

Isang araw, habang patuloy sa pamamalimos si Aya sa plaza, dumating si Manong Kuwago. "Patutunayan ko sa inyong isang huwad si Aya! Na hindi siya pulubi at nagbabalatkayo lamang!"

Lumipad siya at tinanggal ang peluka ni Aya. Pinagtatanggal niya ang gula-gulanit na damit nito. Tumabad ang mga alahas na nakasabit sa katawan nito. Pinagpapagpag niya ang kanyang pakpak ang mga dumi sa mukha nito hanggang sa lumitaw ang tunay na anyo nito.

Walang nagawa si Aya.

Nagulat ang lahat. "Sino Ka?! Sino Ka?!" sigaw ng isang taganayon.

"Uubusin niya ang kayamanan natin, pagkatapos ay aalis siya. Ganyan din ang ginawa niya sa mga karatig-nayon!"

Nagawang tumakbo ni Aya bago pa siya malapitan ng mga tao. Hanggang marating niya ang kanyang kubo. Dagling kinuha niya ang saku-sakong kayamanan at mabilis na nilisan ang kubo.

Nilusong ni Aya ang lawa. Nang makarating siya sa gitna at nakita niyang napapaligiran siya ng mga tao, isinubo niya isa-isa ang laman ng mga sako: ang mga pagkain, pera, ginto at kung anu-ano pa.

Hanggang sa lumaki nang lumaki ang bibig niya at nabundat siya. Ngunit wala siyang pakialam dahil sadyang sakim siya.

Unti-unti ay lumubog ang kanyang katawan. Walang nagawa ang mga tao kundi ang mamangha sa ginawa nito. Dahil sa bigat niya, nilamon siya ng lawa. Bumula ang tubig hanggang sa magtining iyon.

Nagulat ang mga tao nang ilang sandali lamang ay isang buntot na malaki na may napakakapal na balat ang lumitaw sa lawa at bigla ring lumubog. Nagtakbuhan ang mga tao sa takot.

Mula noon, muling nanumbalik ang katahimikan sa nayon. Pero hindi na dumayo ang mga tao sa lawang iyon. May nagsasabing may isang hayop na nagpapakita sa lawa-dambuhala, malaki ang bibig at may matutulis at matatalim na ngipin. Magaspang ang balat niyon, may mahabang buntot at mistulang sa halimaw ang anyo. Minsan daw ay gumagapang iyon sa pampang. Kaya takot na ang mga tao magawi sa lawang iyon na tinatawag ng mga taganayong "Lawa ni Aya."

Lumipas ang maraming taon, nagpasalin-salin sa mga bibig ng mga tao ang kuwento ni Aya: "Si Aya sa Lawa." Kinalaunan, umikli na lamang iyon at naging "Buwaya."

Kaya sa susunod na makakita ng buwaya, huwag kayong maniwala sa kanyang mga luha. Sadya lamang lumuluha iyon pero walang lungkot na nararamdaman. Higit sa lahat, huwag lalapitan iyon dahil ang buwaya ay isang mabangis na hayop.

Alamat ng Butiki


Alamat ng Butiki

Noong araw, sa isang liblib na nayon ay may mag-ina na naninirahan sa tabi ng kakahuyan.

Ang ina; si Aling Rosa ay isang relihiyosang babae. Palagi siyang nagdarasal, at sinanay din niya ang kanyang anak na lalaki na magdasal at mag-orasyon bago sumapit ang dilim.

Ang anak; si Juan ay isang mabuti at masunuring anak. Palagi niyang sinusunod ang utos ng kanyang ina tungkol sa pagdarasal. Bago dumilim, kahit saan sya naroon ay umuuwi siya upang samahan ang ina sa pag-oorasyon sa tapat ng kanilang bahay.

Maagang namatay ang asawa ni Aling Rosa, natutuwa naman siya at naging mabait ang kanyang anak na si Juan, na nakatuwang niya sa pagtatanim at paghahanap ng mga makakain.

Sa paglipas ng panahon, mabilis na tumanda si Aling Rosa, at si Juan naman ay naging isang makisig na binata.

Si Aling Rosa an nanatili na lamang sa bahay at palaging nagpapahinga, samantalang si Juan ay siyang naghahanap ng kanilang makakain sa araw-araw. At kahit mahina na si Aling Rosa ay hindi pa rin nila nakakalimutan ni Juan ang magdasal.

Minsan, habang si Juan ay nangunguha ng bungangkahoy sa gubat, isang babae ang kanyang nakilala; si Helena.

Si Helena ay lubhang kaaki-akit, kung kaya't agad umibig dito si Juan. At dahil sa panunuyo ni Juan kay Helena, gabi na ito nang makauwi.

"O anak, ginabi ka yata ng uwi ngayon. Hindi mo na tuloy ako nasamahang mag-orasyon," ang wika ni Aling Rosa sa anak.

"Pasensiya na po, Inay! Nahirapan ho kasi akong maghanap ng mga prutas sa gubat," ang pagsisinungaling ni Juan.

Dumalas ang pagtatagpo ni Juan at Helena sa gubat. Nahulog ng husto ang damdamin ni Juan sa dalaga. Hangang minsan, nabigla si Juan sa sinabi ni Helena.

"Hanggang ngayon ay hindi ko pa nararamdaman na tunay ang pag-ibig mo sa akin, kaya nagpasya ako na ito na ang huli nating pagkikita."

"Ngunit, bakit? Sabihin mo, paano ko mapapatunayan sa iyo na tunay ang aking pag-ibig. Sabihin mo at kahit ano ay gagawin ko," ang pagsusumamo ni Juan.

"Maniniwala lamang ako sa pag-ibig mo, kung dadalhin mo sa akin ang puso ng iyong ina na nasa iyong mga palad!" ang matigas na wika ni Helena.







Hindi makapaniwala si Juan sa narinig. Malungkot itong umuwi dahil binigyan siya ng taning ni Helena. Kailangan niyang madala ang puso ni Aling Rosa bago maghatinggabi

Nang dumating si Juan sa kanilang bahay ay agad siyang niyaya ni Aling Rosa na mag-orasyon. Nagtungo ang mag-ina sa harap ng kanilang bahay. Ngunit habang nagdarasal iba ang nasa isip ni Juan. Naiisip niya ang pag-iibigan nila ni Helena. At bigla, hinugot ni Juan ang kanyang itak at inundayan si Aling Rosa sa likod. Bumagsak sa lupa ang ina ni Juan, at kahit nanghihina na ay nagsalita ito.

"Anak, bakit? Ngunit anupaman ang iyong dahilan ay napatawad na kita. Ngunit humingi ka ng tawad sa Diyos! Napakalaking kasalanan ang nagawa mo sa iyong sariling ina," ang umiiyak na wika ni Aling Rosa.

"Dios ko po, Inay! Patawarin n'yo ako!" ang nagsisising nawika ni Juan na nagbalik sa katinuan ang isip. Umiyak nang husto si Juan lalo na nang pumanaw ang kanyang ina.

Kasabay niyon ay bigla na lamang nagbago ang anyo ni Juan. Siya ay naging isang maliit na hayop na may buntot. Si Juan ay naging isang butiki; ang kauna-unahang butiki sa daigdig.

Mula sa malayo, natanaw ni Juan si Helena na papalapit. Nasindak si Juan nang makita niyang si Helena ay naging isang napakapangit-pangit na engkanto. Humalakhak itong lumapit.

Sa takot, dagling gumapang si Juan papanhik ng bahay hanggang makarating sa kisame.

Nakita rin ni Juan ang engkanto, sa labis na katuwaan ay naging iba't ibang uri ng kulisap at insekto, at naglaro sa paligid.

Agad na pinagkakain ng butiking si Juan ang mga kulisap na napagawi sa kanya. At dahil doon ay hindi na nakabalik sa dating anyo ang engkanto, at nagtago na lamang ito sa mga halamanan bilang kulisap.

Nagsisi ng husto si Juan ngunit huli na. At bilang pag-alala sa kanyang ina, sinasabing si Juan at ang sumunod pa niyang lahi ay patuloy na bumababa sa lupa bago dumilim upang mag-orasyon.

At hanggang sa ngayon nga ay patuloy pa ring pinupuksa ng mga butiki ang mga kulisap na sa paniniwala nila ay mga engkanto.