Sa isang bayan sa lalawigan ng Quezon ay may nakatirang isang matanda at mayamang babae.
Napakabait at napakamatulungin niya sa kanyang kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan. Dahil sa katangian niyang ito, siya ay napamahal sa mga tao.
Bukod sa kanyang pagiging mapagkawanggawa, siya rin ay relihiyosa.
Araw-araw siyang nagsisimba upang makinig ng misa. Sa kanyang paglalakbay ay lagi siyang sakay ng paborito niyang alagang hayop, ang baka.
Nasanay na ang mga tao na nakikita siyang sakay ng baka. Sa tuwing maririnig nila ang ingay ng baka ay alam na nilang darating o nandiyan na si "Tia". Ito ang pangalang ibinansag nila sa butihing babae bilang respeto.
Lumipas pa ang mga taon, patuloy pa rin si Tia sa pagtulong sa mga nangangailangan. Dahil dito, napagkaisahan ng mga tao na pangalanang "Tia-ong" ang kanilang bayan. Ang "Tia" ay mula sa tawag nila sa matandang babae at ang "ong" ay mula naman sa huni ng bakang sinasakyan niya. At dito nagmula ang alamat ng bayan ng Tiaong sa probinsya ng Quezon.