Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Wednesday, 31 March 2021

Alamat ng Okra

Sa isang palasyo ay may anak ang hari na nagngangalang Oka. Ang batang ito ay sadyang napakasinungaling at napakapilyo. Wala siyang kasundo kahit na isa man sa mga alagad ng hari. Ang lahat sa kanya ay nanggagalaiti sa galit sapagkat ang mga ito ay nakaranas na ng kapilyuhan ni Oka.


Minsan ay nagkaroon ng sakit ang hari at ang lahat ay nag-alala sa kanyang sitwasyon. Subalit ang batang si Oka ay walang pakialam at patuloy lamang sa paglalaro sa labas ng palasyo. Nagpatuloy si Oka sa paglalaro hanggang sa siya ay makarating sa gitna ng kagubatan. Sa kagubatan ay nakita niya ang dyosa ng kagubatan na matagal na palang nakamasid sa kanya. Kinausap ng enkantada si Oka na kinakailangan na niyang magbago sapagkat kung hindi siya magbabago ay parurusahan siya nito.




Pagkatapos niyon ay biglang naglaho ang engkantada at hindi malaman ni Oka kung saan ito nagpunta. Sa kabila ng pagpapaalala ng engkantada kay Oka ay wala itong ginawa kundi magpatuloy pa rin sa kanyang nakasanayan.


Ang mga araw ay lumipas at ang hari ay lumakas at nanumbalik ang kaniyang kaniyang sigla. Subalit ganoon pa rin ang pag-uugali ni Oka. Isa parin siyang batang pilyo at sinungaling. Lingid sa kaalaman ni Oka ang engkantada na kaniyang nakausap sa kagubatan ay ang kaniyang ama rin pala. Ito ay nagpanggap lamang na isang engkantada upang takutin ang kaniyang anak subalit nagkamali siya sa kaniyang akala na magbabago nga ito.


Kaya’t walang nagawa ang hari kundi ang patawan ito ng parusa. Ginawa ng hari si Oka na isang halamang gulay na may madulas at makating mga katangian. 


Tinawag niya itong Okra ang anak na hindi marunong magtanda at walang pagnanais na magbago.

Sunday, 5 July 2020

Alamat ng Unggoy


Noong unag panahon, ang mag-inang Mara at Karim ay naninirahan sa isang nayon malapit sa gubat. Si Karim ay sampung taon gulang na at ito’y may kakaibang ugali. Sutil siya, matakaw, maninira, mang-uumit, anumang bagay na kanyang mahawakan ay nasisira matapos butingtingin. Kahit gaano karaming pagkain ang itago ng kanyang ina ay inuumit at inuubos niya. Si Karim ay maharut, magulang at may katusuhan. Iniiwan siya ng mga bata. Madals makikita mo siyang nasa taas ng puno na may kinakain na saging o mabulo.

Dahil sa nag-iisang anak, kahit anuman ang gawin ni Karim’y mahal pa siya ng ina ang katunayan si Mara lang ang gumagawa sa loob ng bahay. Si Karim ay hindi niya inuutusan dahil maghapon siyang wala. Naroon siya sa bakuran, kung di naman ay sa loob ng gubat at naglalambitin sa mga baging. Si Karim ay kinamumuhian ng kanilang kanayon dahil puro kabuwisitan ang ginagawa niya. May nagsasabing inubos daw ni Karim ang bunga ng kanilang saging. May nagsusumbong na kinagat daw at kinalmot ni Karim ang kanyang anak.





Isang araw ay si Mara ay nagtungo sa kaingin upang humukay ng kamote. Bago siya umalis ay pinagbilinan ang anak na magsaing ng kanilang pananghalian. “Huwag mong lalakasan ang apoy, mahirap na ang masunugan.” Bilin ng ina. Pag-alis ng ina’y nagsaing na si Karim. Habang binabantayan nang iniluluto, siya’y nakatulog. Nasunog ang kanin. Isang kapirasong gatong ang natikwas at nalaglag sa sahig at ito’y nagliyab at nagsimulang masunog ang bahay. Nagising si Karim at tumakbo patungo sa loob ng gubat. Hindi makapaniwala si Mara nang makita ang nangyari sa bahay. Nagtungo siya sa gubat subalit talagang wala si Karim. Sa matinding galit ay naisumpa niya ang anak.

“Karim, dahil sa kasamaan mo’y isinusumpa kita! Sanay maging isang hayop ka.” Samantala’y unti-unting nagbago ang anyo ni Karim. Ang buong katawan niya’y tinubuan ng mababang balahibo. At nagkaroon siya ng buntot. Pagkalipas ng ilang oras ay nagising si Mara at laking gulat niya ng makita niyang isa nang unggoy si Karim. Nagsisi at napaluha siya subalit huli na ang lahat.