Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Wednesday, 31 March 2021

Alamat ng Kalabasa


Si Kuwala ay anak ni Aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ang ina ang nagpalaki sa kanya.

Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan.

Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy siyang Kuwalang basa nang basa.

Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral.

Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni Aling Disyang sa doktor ang anak. Nang masuri ito ng doktor ay malala na ang kondisyon.

Paralytic poliomyelitis ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala. Naging mabilis ang pagpasok nito sa katawan niya at agad siyang naparalisa. Ilang linggo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang bata.

Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay.

May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Aling Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata.

May isang nagtanong kung saan galing ang halamang iyon. Ang sabi ng tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa.


Alamat ng Kamatis

Noong unang panahon sa isang malayong bayan, ay may isang babae na masasabing walang suwerte sa buhay. Siya ay si Kamalia. May asawa't mga anak si Kamalia ngunit siya'y nagtiis ng katakut-takot na hirap.


Marami bisyo ang asawa ni Kamalia. Bukod sa hindi na siya nabibigyan ng pera ay sinasaktan pang madalas.


Dahil sa halos walatng ibili ng pagkain, naisipan ni Kamalia na pumasok na labandera sa kalapit bahay. Nagtiis siyang maglaba sa buong Maghapon. Hindi niya maatim na makitang ang kanyang mga anak ay nag-iiyakan sa gutom.


Nang malaman ng kanyang asawa ang paglala-bandera niya ay palaging kinukuha ang kinikita niya. Yao'y inuubos lamang sa alak at sugal. Pag hindi naman niya ibinibigay ay sinasaktan siya.


May mga kapitbahay na naaawa kay Kamalia. Madalas ay binibigyan ang mag-iina ng pagkain at mga lumang damit.


Gayon na lamang ang galit ng asawa ni Kamalia nang mabatid ang tungkol sa pagbibigay-tulong. Kundangan'y ayaw nitong tatanggap ang asawa't mga anak ng anumang tulong sa mga kapitbahay.


Pinagsabihan si Kamalia na pag tumanggap pa ng mga bigay ng kanilang kapitbahay ay siguradong masasaktan siya.


Bunga niyon, hindi na binigyan si Kamalia ng kahit na anong tulong ng mga mababait niyang kapitbahay. Ayaw nilang masaktan pa ang kaawa-awang babae. Nahabag ang panganay na anak ni Kamalia sa kanya, Kaya napilitang magtrabaho ito. Paglilinis ng sapatos doon sa bayan ang kanyang hinarap.


Nang matuklasan ama na kumikita ang anak sa paglilimpiyabota, katulad ng ginawa sa kanyang ina ay kinuha rin niya ang kinikita. At gaya ng dapat-asahan, inuubos din sa sugal at alak. Sa gayon, madalas na hindi kumakain ang mag—iina.


Dahil sa patung-patong na kahirapan at labis na panghihina dala ng kakulangan sa sustansiyang kailangan ng katawan, nagkasakit si Kamalia. Hindi nag tagal ay namatay siya. Bago nalagutan ng hininga ang kahabag-habag na may nasabi sa mga anak.


Ang bangkay ni Kamalia ay inilibing sa likuran ng kanilang bahay. Hindi nagtagal, may tumubo roon isang halamang ang bunga'y mapupula. Nagtaka ang lahat sa nasabing halaman, At nang kanilang subuking tikman ang bunga ay nasarapan sila.


Dumami ng dumami ang nasabing halaman. Ang bunga niyon ay naipagbibili ng magkakapatid sa mga tagabayan. At bumuti nga ang kanilang buhay, katulad ng sinabi ng kanilang ina bago ito namayapa. Nagkatotoo rin na nagbago ang ugali ng kanilang ama. Nagsisi ito sa mga nagawang pagkukulang. Minahal na niyang mabuti ang mga anak.


Ang halamang nagbigay ng bagong buhay sa mga anak ni Kamalia ay tinawag na Kamatis. Ito'y kuha sa pangalan ni Kamalia at sa kanyang pagtitiis sa buhay - Kamalia...pagtitiis. At magmula noon, ang Kamatis ay nakilala bilang isang masarap na pagkain at pampalasa sa ulam.