Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Wednesday, 31 March 2021

Alamat ng Unang Matsing


Maraming taon na ang nakaraan, may isang munting baranggay sa paanan ng isang bundok. Isang maliit na kubo ang nakatayo sa itaas ng baranggay, sa tagiliran mismo ng bundok na balot ng makapal na gubat. Duon nakatira ang isang matandang babae at ang kanyang apo, isang binatilyo.


Masipag ang lola. Hanap-buhay niya ang himayin ang mga buto mula sa bulak at gawing sinulid ang bulak. Laging may buslo ng bulak sa tabi ang lola, at isang mahabang patpat na kidkiran (huso, spindle) ng sinulid. Samang-palad, tamad ang binatilyong apo, ayaw tumulong sa lola at, araw-araw, bumababa sa baranggay upang makipag-barkada at magsugal. Isang araw, umuwing mainit ang ulo ng binatilyong apo dahil natalo sa sugal. Nagsisigaw siya nang makitang wala pang hapunan.


“Maghintay ka nang kaunti,” sagot ng lola habang abalang nagta-trabaho, “at minamadali kong himayin itong bulak. Pagkatapos kong ipagbili ito, bibili ako ng pagkain natin.”


Lalong nagalit ang binatilyong apo. Pumulot siya ng mga bao ng niyog, gamit na panggatong sa apoy, at hinagis sa lola. Nasaktan, nagalit din ang lola at gumanti. Hinampas niya ng hinampas ng kidkiran ang binatilyong apo.


Kagila-gilalas! Biglang nagbago ang anyo ng apo - isang pangit na hayop na balot ng bulak na naging balahibo, at kumabit ang kidkiran sa kanyang tumbong at naging buntot. Nang matuklasan ng binatilyong apo na siya ay isang pangit na hayop na, kumarimot siya patakas sa baranggay.


Hinanap niya lahat ng kabarkada niya sa sugal at sinisi sa nangyari sa kanya. Pinaghahataw niya ng kanyang buntot at isa-isang nagbago rin ang mga ito at naging hayop tulad niya - ang tinatawag ngayong matsing o tsonggo (mono, monkey).


Nang makita ng mga taga-baranggay ang mga pangit, maingay at magulong mga hayop, itinaboy nila ang mga ito at hindi na pinayagang pumasok uli sa baranggay. Mula nuon, sa gubat namuhay ang mga matsing.

Alamat ng Hipon


Noong unang panahon, ang mundo ay sagana sa likas na yaman. Walang puno ang hindi hitik sa bunga. Walang ilog ang hindi puno ng isda. Ang mga hayop sa gubat ay naglipana din. Dahil dito ang mga tao ay laging may mga piging. Ito ay alay nila bilang pasasalamat kay Bathala. Lahat ng tao, bata man o matanda, lalake at babae, ay tumaba. Tumaba sila ng tumaba hanggang sa tuwing maliligo kahit na pa tatlong tao lang sa sapa ay umaapaw agad tubig.


Ngunit may isang bata ang may bulate kaya lagi siyang walang gana. Habang lumolobo ang mga binti ng ate nya at nagkakagilit-gilit ang leeg ng kuya niya, siya ay lumaking seksi. Ang pangalan niya ay Ipong.


Maganda si Ipong. Huwag lang haharap. Dahil kung anong ganda ng katawan ay siya namang pagkaimpakto ng mukha. Ang labi niya ay isang dipang kapal. Ang ilong nya ay matangos naman ngunit bukaka ang mga butas. Ang mga mata niyang banlag ay animo'y laging gulat.


Isang araw naglalakad si Ipong papuntang piging ng may bigla siyang nakasalubong na babaeng humihingi ng limos. Ito na yata ang pinakamatabang babae na nakilala niya. Dahil sa pandidiri ay nilayuan niya ito pero ang pulubi ay humabol at nagmakaawa.


"Aba'y lintek na babaeng ito! Ang langis mo! Paano na ako magugustuhan ni Pedro nyan!" ani ni Ipong sabay hawi ng buhok.


Nang biglang lumindol at nawala ang matabang babae, isang diwatang ubod ng ganda ang lumitaw sa harap niya.


"Ako si Minervie! Ang dyosa ng dagat! Dahil sa kasamaan mo, parurusahan kita! Simula ngayon, hindi ka na maglalakad sa lupa. Ikaw ay magiging isang nilalang sa karagatan.."


Biglang lumiwanag ang paligid at si Ipong ay naging hipon. Hanggang ngayon, makikita sa likod ng hipon ang bulate na nagmistulang sumpa nung hibi pa si Ipong.