Noong unang panahon ay may tatlong dalagang magkakapatid na pawang nag-gagandahan. Ang kanilang mga kanayon ay lubhang nagtataka kung bakit mamula-mula ang kutis nga magkakapatid at manilaw-nilaw naman ang mahahaba nilang buhok, gayong mula pagkabata ay katulong na sila sa mga gawaing bukid ng kanilang ama na si Ramon.
Hindi iniinda ng magkakapatid na Lala, Dada at Sasa ang nakapapasong init ng araw sapagkat ito ay nagpapakinis pa nga ng kanilang kutis.
Namamangha at nananaghili sa ganda ng magkakapatid ang mga dalaga sa kanilang nayon. Humahanga at lihim namang umiibig ang maraming kabinataan sa tatlong dalaga. Ang kabaitan at kasipagan ng mga anak nina Tarcila at Ramon ay puring-puri ng mga kanayon, at dahil sila’y anak ng magbubukid kaya binansagan nila ang magkakapatid ng “mga dalagang-bukid”.
Kung mababatid lang ng mga tagaroon ang katotohanan, marahil hindi na sila magtataka kung bakit namumukod-tangi ang kagandahan nina Lala, Dada at Sasa. Lingid sa lahat, si Tarcila ay isang diwata. Nang umibig siya sa taga-lupang si Ramon, ang kanyang pagka-diwata’y tinalikdan niyang lubos upang mamuhay bilang ganap na tao. Bagama’t nawalan ng kapangyarihan ay naging maligaya naman ito sa piling ni Ramon at ng kanilang mga anak.
Subalit ang mapayapa at matiwasay na pamumuhay ng mga taga-nayon ay biglang binulabog ng masasamang-loob. Nahintakutan ang lahat at hindi magawang lumaban sa magbabagsik na tulisang-dagat. Nilimas ang kanilang kabuhayan at sapilitang dinala sa tabing dagat ang kadalagahang napili. Kabilang na roon sina Lala, Dada at Sasa. Habang hinihintay ang bangkang sasakyan ng mga bihag upang makarating sa sasakyang-dagat na nasa laot ay walang tigil ang pag-iiyakan at pagmamakaawa ng mga ina.
Tanging si Tarcila lang ang walang imik ngunit malalim ang iniisip. Bagama’t walang kapangyarihan ay nagsikap pa rin itong makipag-ugnayan sa dati niyang daigdig… sukdulang hininga niya ay mapatid, mailigtas lamang ang mga mahal na anak gayundin ang nayon na kanya ngayong tahanan! Hindi naman nabigo ang dating diwata sapagkat ang nawalang kapangyarihan ay muling ibinalik sa kanya.
Sa pamamagitan ng isip ay pinaglagablab ni Tarcila ang barko ng mga pirata. Sa bilis ng pangyayari, ang mga tulisan naman ngayon ang nasindak at sa pagsabog ng mga bala na nakasabit sa kanilang katawan, sila ay naubos nang wala namang kalaban. Ngunit isang sugatang pirata ang nagkaroon pa ng pagkakataong mamaril bago ito binawian ng buhay. Sa kasawiang-palad ay tinamaan ang magkakapatid at agaw-buhay na bumagsak sa tubig.
Napasigaw ang naghihnagpis na ina! Hindi nito maatim ang nakikitang paghihingalo ng mga anak. Bilang diwata ay wala siyang kapangyarihang magdugtong ng buhay, datapuwa ang magbigay ng panibagong buhay sa bagong anyo ay kanyang magagawa. Tumingin muna si Tarcila sa asawa at…
“Ramon, nanaisin ko pa na sila’y magbagong-anyo kaysa tuluyang mawala na sa atin.”
“Nasa iyo ang kapasyahan. Gawin mo ang nararapat.”
Nabigkas ni Tarcila ang mahiwagang kataga bago nalagutan ng hininga sina Lala, Dada at Sasa kaya sa isang kisapmata ang tatlong dalaga ay naging ISDA!
Matapos masaksihan ang kababalaghang iyon ay saka pa lang nalaman ng mga kanayon ang pagiging “diwata” ni Tarcila. Lahat ay nagpasalamat sa nagawang tulong ni Tarcila at nakiramay rin sila sa sinapit ng mga anak nito. Nagilalas ang lahat at napatingin sa mga isda, sa kahanga-hanga nitong kulay na wari’y mamula-mula kaya sa halip na malungkot ay kagalakan ang kanilang nadama.
Sa huling pagkakataon ang mga isda ay nagsalita.
“INA, AMA, HUWAG KAYONG MALULUNGKOT, NARIRITO LAMANG KAMI SA DAGAT. AMING INA, IPINAGMAMALAKI KA NAMIN. IKAW PALA AY ISANG DIWATA. MAHAL NAMIN KAYO NI AMA…”
“Paalam na sa inyong lahat, mga kanayon,” ang sabay na wika nina Lala, Dada at Sasa – at marahan silang lumangoy patungong laot.
“Paalam na rin sa inyo mga dalagang-bukid…!” ang sagot ng kanilang mga kanayon habang kumakaway.
Ito ang dahilan kung bakit nasa dagat ang mga “dalagang-bukid”.