Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Wednesday 28 April 2021

Alamat ng Waling-Waling

Noong unang panahon sa isang kahariang matatagpuan sa may dagat ng Mindanao, may isang makisig at matapang na sultang nagngangalang Rajah Solaiman. Dahil sa kaniyang galing at tapang sa digmaan siya’y nakilala bilang isang kilabot sa iba’t ibang kaharian. Pinaniniwalaang nasa kaniyang pag-aari ang isang mahiwagang sundang, ang Sundang Lenantatyon. Ibinigay ito kay Solaiman ni Bal-Lido, ang diyosa ng digmaan.


Ipinagkaloob ito sa kaniya dahil sa mahusay niyang taktika sa pakikipagdigma. Malaki ang pasasalamat sa kaniya ng mga taga-Mindanao dahil sa patuloy na pagtatanggol ng Rajah. Isa sa mga digmaang kinasangkutan ng Rajah ang digmaan sa Seta Tem-mon. Nagwagi siya sa labanang ito, subalit iyon lamang ay naging posible sa tulong ni Bal-Lido. Sa labanang ito siya niregaluhn ng sundang. Subalit bago pa man ito napasakaniya, dumaan muna siya sa isang pagsubok.


“Kunin mo ang itak,” sabi ni Bal-Lido. Sa pagtingala ni Solaiman nakita niya ang isang lumulutang na itak. “Gamitin mo iyan at putulin mo ang iyong kaliwang braso,” Di nagdalawang-isip si Solaiman, sa utos ng diyosa ay kinuha niya ang espada at iniakmang puputulin ang kaniyang sariling braso. Sa pagtama ng itak sa kaniyang braso nagulatna lamang siya nang mapansing walang dugong dumanak ni balat na napilas mula sa kaniyang katawan.


“Mula sa puntong ito Solaiman, hindi ka na magagalaw ng kahit anong sandata pa man.” Sabi ni Bal-Lido. “Ikaw ay papanaw lamang sa aking utos, sa oras na iyon siguraduin mong isusuko mo ang ibinigay kong sundang sa lugar na ito. Kung hindi ka makararating, siguraduhin mong may isang taong mapagkakatiwalaang magbabalik ng sundang sa akin.”


Kung gaano kabagsik si Solaiman sa digmaan, ganoon rin siya kabagsik sa pag-ibig. Dahil sa ganitong katangian, kinamumuhian at kinatatakutan siya hindi lamang ng kaniyang mga kaaway kung hindi pati na rin ng kaniyang mga tagasunod. Sa mga kalye pa lamang, rinig na ang mga bulungan ng mga tao. Umaalingawngaw ang mga babala sa lahat ng sulok ng kaharian, “Itago ang asawa’t mga anak na babae dahil si Solaiman ay paparating.”


Nag-uumapaw na ang mga babae sa harem niya subalit, hindi pa rin siya tumitigil sa pangongolekta nito. Para sa isang maharlikang tulad niya, walang dalang bigat ang naguumapaw na babae sa kaniyang buhay. Kung may isang aalis, may tatlong darating, kung gaano siya kahusay sa paggamit ng kaniyang sundang, tila mas matalim ang kaniyang mga salita pagdating sa pag-ibig.


Sa dulo ng kaniyang kaharian, may naninirahang isang mangingisda. Kasama nito ang kaniyang anak na babae sa bahay na siyang nag-aalaga sa kaniya. Isang tapat na tagapaglingkod ang mangingisdang ito kay Rajah Solaiman. Subalit, dahil sa pag-aalala sa posibleng kahinatnan ng kaniyang anak na si Waling-Waling, itinago niya ito sa gitna ng gubat. Umaasang walang mga matang makatatanaw sa kaniyang anak, lalo pa ang mga mata ni Rajah Solaiman. Alam niyang hinding hindi siya makatatanggi sa kung ano mang sabihin ng kaniyang Rajah.


Tumira si Waling-Waling sa itaas ng isang punong lauan. Napaliligiran ito ng mga ilang-ilang at ilang halamang gubat. Walang nakaaalam ng paraan upang makaakyat dito kung hindi ang mapag-arugang mangingisda lamang. Pati ang mga pagbisita niya ay planadong-planado. Sa umaga, siya’y nagdadala ng pagkain at sa gabi nama’y sinisiguradong ligtas at maayos ang kaniyang anak. Isang di pangkaraniwang kagandahan nga talaga itong si Waling-Waling. Singkinis ng sutla ang kaniyang balat, singdilim ng uling ang buhok, ang kaniyang mga pisngi ay parang dinampian ng rosas, mga matang sing tingkad ng mga alitaptap sa gitna ng dilim, at ang kaniyang mga pilik mata’y tila mga alon sa pagkakurbada. Madali sana para sa dalaga ang ipakasal sa kahit na sino kung isa lamang siyang dugong-maharlika. Subalit, nagiging mahirap ang lahat dahil isa lamang siyang pangkaraniwang mamamayan.


Isang araw habang nangangaso si Solaiman sa gubat, napansin niyang may isang tirahan sa itaas ng mga puno. Sa gitna ng mga puno, nasulyapan niya ang bahay ni Waling-Waling. Sa kaniyang paglingon nakita nito ang isang kakaibang kagandahang noon pa lamang niya nakita.


Napasigaw si Rajah Solaiman, “Sino ang ama mo? Sigurado akong itinatago ka lamang niya sa akin!” Hindi sumagot sa Waling-Waling sa takot na baka kung anong gawin ng Rajah sa kaniyang ama.


Sa kaniyang pagtulog, nanaginip ang mangingisda ng mga karimarimarim na ideya. Nang magising ito mula sa masasamang panaginip, kumaripas siya ng takbo upang tunguhin ang tirahan ni Waling-Waling sa gubat. Laking gulat niya nang maabutan niya ang isang nagngingitngit na Rajah.


“Paano mo nagawang itago sa akin ang isang nilalang na singganda ng iyong anak? Sabihin mo sa kaniyang bumaba upang makita ko siya ng mas maayos.” Utos ng Rajah sa mangingisda. “Gawin mo ito kung ayaw mong mahati ng aking sundang.”


Sa utos ng kaniyang ama, bumaba naman si Waling-Waling. Nang umabot siya sa kalahati ng puno, nadampian siya ng ilaw mula sa buwan na lalong nagbigay liwanag sa kaniyang ganda. “Hindi kita papatayin,” sabi ni Solaiman sa mangingisda, “subalit, nais ko sanang pakasalan ang iyong anak. Ipinapangako kong pakakawalan lahat ng babae sa aking harem at siya ang gagawin kong asa…”


Bago pa man tuluyang matapos ni Solaiman ang kaniyang sasabihin at bago pa man makababa si Waling-Waling, nanigas ang katawan ng Rajah at ng mangingisda. Isang liwanag ang bumalot sa buong gubat. Nakita nila ang isang imahen na papaliit nang papaliit. Ang dating katawan ni Waling-Waling ay tila sumabit sa mga sanga ng puno. Habang paunti-unting nawala ang liwanag tila naging mas malinaw sa dalawa ang imahen ng isang bulaklak. Isang bulaklak na may lila’t pulang batik sa kaniyang mga talulot.


Hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan subalit, walang nagawa si Solaiman at ang mangingisda. Pagbalik sa palasyo, inatasan niya ang mga kawal niya na kumuha ng bulaklak ng Waling-Waling sa gubat at ipalamuti ito sa mga puno sa harapan ng palasyo. Isang pag-alaala sa pag-ibig na tila abot kamay na niya ngunit naglaho ng parang bula.


Alamat ng Sili

Sa isang malayong lugar sa Bicol, may isang napakalaking kaharian na pinamumunuan ng isang hari at reyna at ng kanilang anak na si Prinsipe Siling. Masaya silang namumuhay sa kaharian, ginagalang at may mataas na pagtingin ang mga tao sa nasasakupan ng hari at reyna dahil na rin sa kanilang angkin na kabaitan sa mga mahihirap. Tumutulong sila sa bawat taong kumakatok sa kanilang kaharian kaya ganoon na lamang ang pagmamahal sa kanila ng mga tao roon.


Samantalang, isang araw naisipan ng mag-asawang Haring Iling at Reyna Cecilia na magbakasyon sa Europa upang ipagdiwang ang kanilang tatlumpong anibersaryo ng kanilang pagmamahalan. “Mahal kong Reyna, kailangan po ba talagang sa Europa pa kayo magbakasyon ni Amang hari?” pagpipigil ni Prinsipe Siling. “ Anak, hindi naman kami magtatagal ng iyong amang hari roon, nais lang ng iyong ama na pumunta sa ibang lugar para maiba naman” sagot ni reyna Cecilia . “ Oo nga naman prinsipe, huwag mo kaming alalahanin, palagi kami roon mag-iingat ng reyna nang sa ganun matutunan mo na rin pamunuan ang ating kaharian upang pag nawala na kami ng iyong ina, handang-handa ka na maging isang hari. “ Huwag ninyong sabihin iyan dahil walang papalit sainyo sa pagiging magaling na hari sa lahat” pagpupuri ng Prinsipe.


Pagkatapos magpaalam ng mag-asawa sa buong kaharian, lumakad na ito sakay ng kanilang barko patungong Europa. Mahigit kalahating buwan ang pagpapalaot ng barko patungong Europa. Pagkaraan ng tatlong araw, isang malakas na bagyo ang dumating. Alalang-alala ang Prinsipe sa kanyang amang hari at inang reyna. Alam niyang labis na lalakas ang alon dulot ng bagyo at hindi malayong maapektuhan ang barkong sinasakyan nila. Matapos ang bagyo, agad na lumabas ang Prinsipe upang mag ikot-ikot sa buong komunidad upang kumustahin ang mga nasasakupan. Nais nya rin makibalita sa barkong sinasakyan ng kanyang mga magulang. Habang naghihintay siya sa pantalan,kitang-kita sa kanya ang labis na takot at pag-aalala. Paparating na ang isa sa mga kawal na siya lamang ang nailigtas ng kanyang mga inutusang mga kawal sa paghahanap sa barkong sakay ng amang hari at reyna. Nagbigay muna ito ng galang sa pamamagitan ng pagyuko bago nagpahayag, “ mahal na prinsipe, ipagpaumanhin po ninyo ngunit wala na po ang inyong mga magulang. Nagkahiwalay po kami ng palakas na ng palakas ang bagyo at sa sobrang lakas po ng hagupit ng bagyo lumubog ang sinasakyan namin na barko. Nagising na lamang po ako na napadpad po ako sa isang isla kung saan natagpuan ako ng mga inatasan ninyo sa paghahanap”.


Namugto ang mga mata ng prinsipe at kumaripas ito pabalik ng kaharian. Nagulat na lamang ang karamihan sa biglaang pagtakbo nito. Halos ilang araw siyang nagkulong sa kanyang silid dahil na lamang sa labis na hinagpis na sinapit ng kanyang mga magulang. Alalang-alala na ang mga tao kay Prinsipe Siling dahil hindi ito kumakain. Nabalot ng kalungkutan ang kaharian, kaya’t ng matapos ang seremonya na ginanap sa karagatan na pinaglubugan ng labi ng mag-asawa hindi pa rin iniwan ng mga tao ang prinsipe kaya inintindi na lamang nila ito. Isang araw gulat na gulat ang mga tao sa kaharian sa muling pagbalik ng sigla nito na tila’y handang harapin ang lahat. Ngunit ng makaraan ang ilang buwan unti-unting nagbago si Prinsipe Siling. Nagiging masungit, mainitin ang ulo at hindi na rin ito nakikihalubilo sa mga tao. Nagiging malupit siya sa mga tagasilbi at mga kawal ng kaharian, malayo sa dating prinsipe na kanilang kilala noon.


“Patawad po kamahalan, hindi ko po sinasadya,papalitan ko na lamang po ang aking mga napinsalang mga kagamitan”. “ Umalis ka riyan sa harapan ko! Baguhan ka ba dito? Pagdala lang ng mga kagamitan hindi mo pa magawa! galit na sabi ni Prinsipe Siling. “Paumanhin po hindi na po mauulit”, mangiyak-ngiyak na sabi ng tagasilbi. Talagang hindi na mauulit dahil makakaalis ka na ng kaharian ko! Umalis na ang kasambahay pagkatapos siyang palayasin ng prinsipe. Nagpatuloy si Prinsipe Siling sa pagmamalupit sa mga tao sa kaharian. Kaya naman paunti-unti ng nagsisialisan ang mga tagsilbi dahil sa takot sa prinsipe. Hindi maikubli na nagbago na nga ang prinsipe simula ng mamatay ang kanyang mga magulang. Isang diwata ang pinapanood ang prinsipe sa kanyang pagmamalupit sa mga tao na minsan ay naranasan niya rin sa isang prinsipe. “ Hindi siya karapat-dapat sa kaharian na ipinagkaloob ko sa kanyang mga magulang. Kailangan siyang parusahan dahil labis-labis na ang paghihirap ng mga tao dahil sa kanya” bulong ng diwata sa kanyang sarili.


Isang araw, nagpasya ang prinsipe na mamasyal ng mag-isa,ilang araw na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin siya bumabalik ng kaharian. Nagtaka ang mga tao at bigla na lamang namangha at nagulat dahil sa kanilang nakita sa hardin na paboritong pasyalan ni Prinsipe Siling. Isang halaman na namumunga ng kulay luntian at pula na hugis pahaba at paublong na may makinis na balat. Naalala ng mga tao roon si Prinsipe Siling na may pagkakahalintulad sa balat ng namumula nitong pisngi. Sinumpa ng diwata si Prinsipe Siling na maging isang halaman na may katangian ng pagigigng maanghang dahil sa ugali nitong kalupitan.


Mula noon, hindi na nakita ang prinsipe sa kaharian at tanging halaman na lamang ang natagpuan ng mga tao na maihahalintulad kay Prinsipe Siling kaya naman inalagaan nila ito at pinangalanan na Sili.