Noong unang panahon sa isang kahariang matatagpuan sa may dagat ng Mindanao, may isang makisig at matapang na sultang nagngangalang Rajah Solaiman. Dahil sa kaniyang galing at tapang sa digmaan siya’y nakilala bilang isang kilabot sa iba’t ibang kaharian. Pinaniniwalaang nasa kaniyang pag-aari ang isang mahiwagang sundang, ang Sundang Lenantatyon. Ibinigay ito kay Solaiman ni Bal-Lido, ang diyosa ng digmaan.
Ipinagkaloob ito sa kaniya dahil sa mahusay niyang taktika sa pakikipagdigma. Malaki ang pasasalamat sa kaniya ng mga taga-Mindanao dahil sa patuloy na pagtatanggol ng Rajah. Isa sa mga digmaang kinasangkutan ng Rajah ang digmaan sa Seta Tem-mon. Nagwagi siya sa labanang ito, subalit iyon lamang ay naging posible sa tulong ni Bal-Lido. Sa labanang ito siya niregaluhn ng sundang. Subalit bago pa man ito napasakaniya, dumaan muna siya sa isang pagsubok.
“Kunin mo ang itak,” sabi ni Bal-Lido. Sa pagtingala ni Solaiman nakita niya ang isang lumulutang na itak. “Gamitin mo iyan at putulin mo ang iyong kaliwang braso,” Di nagdalawang-isip si Solaiman, sa utos ng diyosa ay kinuha niya ang espada at iniakmang puputulin ang kaniyang sariling braso. Sa pagtama ng itak sa kaniyang braso nagulatna lamang siya nang mapansing walang dugong dumanak ni balat na napilas mula sa kaniyang katawan.
“Mula sa puntong ito Solaiman, hindi ka na magagalaw ng kahit anong sandata pa man.” Sabi ni Bal-Lido. “Ikaw ay papanaw lamang sa aking utos, sa oras na iyon siguraduin mong isusuko mo ang ibinigay kong sundang sa lugar na ito. Kung hindi ka makararating, siguraduhin mong may isang taong mapagkakatiwalaang magbabalik ng sundang sa akin.”
Kung gaano kabagsik si Solaiman sa digmaan, ganoon rin siya kabagsik sa pag-ibig. Dahil sa ganitong katangian, kinamumuhian at kinatatakutan siya hindi lamang ng kaniyang mga kaaway kung hindi pati na rin ng kaniyang mga tagasunod. Sa mga kalye pa lamang, rinig na ang mga bulungan ng mga tao. Umaalingawngaw ang mga babala sa lahat ng sulok ng kaharian, “Itago ang asawa’t mga anak na babae dahil si Solaiman ay paparating.”
Nag-uumapaw na ang mga babae sa harem niya subalit, hindi pa rin siya tumitigil sa pangongolekta nito. Para sa isang maharlikang tulad niya, walang dalang bigat ang naguumapaw na babae sa kaniyang buhay. Kung may isang aalis, may tatlong darating, kung gaano siya kahusay sa paggamit ng kaniyang sundang, tila mas matalim ang kaniyang mga salita pagdating sa pag-ibig.
Sa dulo ng kaniyang kaharian, may naninirahang isang mangingisda. Kasama nito ang kaniyang anak na babae sa bahay na siyang nag-aalaga sa kaniya. Isang tapat na tagapaglingkod ang mangingisdang ito kay Rajah Solaiman. Subalit, dahil sa pag-aalala sa posibleng kahinatnan ng kaniyang anak na si Waling-Waling, itinago niya ito sa gitna ng gubat. Umaasang walang mga matang makatatanaw sa kaniyang anak, lalo pa ang mga mata ni Rajah Solaiman. Alam niyang hinding hindi siya makatatanggi sa kung ano mang sabihin ng kaniyang Rajah.
Tumira si Waling-Waling sa itaas ng isang punong lauan. Napaliligiran ito ng mga ilang-ilang at ilang halamang gubat. Walang nakaaalam ng paraan upang makaakyat dito kung hindi ang mapag-arugang mangingisda lamang. Pati ang mga pagbisita niya ay planadong-planado. Sa umaga, siya’y nagdadala ng pagkain at sa gabi nama’y sinisiguradong ligtas at maayos ang kaniyang anak. Isang di pangkaraniwang kagandahan nga talaga itong si Waling-Waling. Singkinis ng sutla ang kaniyang balat, singdilim ng uling ang buhok, ang kaniyang mga pisngi ay parang dinampian ng rosas, mga matang sing tingkad ng mga alitaptap sa gitna ng dilim, at ang kaniyang mga pilik mata’y tila mga alon sa pagkakurbada. Madali sana para sa dalaga ang ipakasal sa kahit na sino kung isa lamang siyang dugong-maharlika. Subalit, nagiging mahirap ang lahat dahil isa lamang siyang pangkaraniwang mamamayan.
Isang araw habang nangangaso si Solaiman sa gubat, napansin niyang may isang tirahan sa itaas ng mga puno. Sa gitna ng mga puno, nasulyapan niya ang bahay ni Waling-Waling. Sa kaniyang paglingon nakita nito ang isang kakaibang kagandahang noon pa lamang niya nakita.
Napasigaw si Rajah Solaiman, “Sino ang ama mo? Sigurado akong itinatago ka lamang niya sa akin!” Hindi sumagot sa Waling-Waling sa takot na baka kung anong gawin ng Rajah sa kaniyang ama.
Sa kaniyang pagtulog, nanaginip ang mangingisda ng mga karimarimarim na ideya. Nang magising ito mula sa masasamang panaginip, kumaripas siya ng takbo upang tunguhin ang tirahan ni Waling-Waling sa gubat. Laking gulat niya nang maabutan niya ang isang nagngingitngit na Rajah.
“Paano mo nagawang itago sa akin ang isang nilalang na singganda ng iyong anak? Sabihin mo sa kaniyang bumaba upang makita ko siya ng mas maayos.” Utos ng Rajah sa mangingisda. “Gawin mo ito kung ayaw mong mahati ng aking sundang.”
Sa utos ng kaniyang ama, bumaba naman si Waling-Waling. Nang umabot siya sa kalahati ng puno, nadampian siya ng ilaw mula sa buwan na lalong nagbigay liwanag sa kaniyang ganda. “Hindi kita papatayin,” sabi ni Solaiman sa mangingisda, “subalit, nais ko sanang pakasalan ang iyong anak. Ipinapangako kong pakakawalan lahat ng babae sa aking harem at siya ang gagawin kong asa…”
Bago pa man tuluyang matapos ni Solaiman ang kaniyang sasabihin at bago pa man makababa si Waling-Waling, nanigas ang katawan ng Rajah at ng mangingisda. Isang liwanag ang bumalot sa buong gubat. Nakita nila ang isang imahen na papaliit nang papaliit. Ang dating katawan ni Waling-Waling ay tila sumabit sa mga sanga ng puno. Habang paunti-unting nawala ang liwanag tila naging mas malinaw sa dalawa ang imahen ng isang bulaklak. Isang bulaklak na may lila’t pulang batik sa kaniyang mga talulot.
Hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan subalit, walang nagawa si Solaiman at ang mangingisda. Pagbalik sa palasyo, inatasan niya ang mga kawal niya na kumuha ng bulaklak ng Waling-Waling sa gubat at ipalamuti ito sa mga puno sa harapan ng palasyo. Isang pag-alaala sa pag-ibig na tila abot kamay na niya ngunit naglaho ng parang bula.