Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Tuesday, 2 December 2025

Ang Alamat ng Pinakamaliit Isda (Sinarapan)

Ang Alamat ng Pinakamaliit Isda (Sinarapan)

Ang mag-asawang hari at reyna sa pampang ng kilalang lawa ng Buhi ay nagtayo ng isang magandang palasyong kinaiinggitan ng ibang hari. Ang reyna ay mahal ng hari kaya anuman ang mahiling nito ay pilit na sinusunod.

Pagkaraan ng ilang panahon ng kanilang matamis na pagsasama ay naglihi ang reyna. Kung anu-anong pagkain ang hiniling at idinulot naman ng hari, subalit pagkaharap ay ipinalalayo sapagkat hindi niya maibigan. Sa gayon nang gayon ay nangayayat ang reyna at nagkasakit. Ang hari ay halos masiraan ng bait. Inutusan ang lahat na kumuha ng lahat ng uring pagkain at mga bungangkahoy. Ang utos ay tinupad ng mga kawal at ng buong kaharian upang baka sakaling magustuhan ng maysakit.


Napangiti ang reyna nang makita ang bunton ng suhang naninilaw ang balat. Nagpatalop ang hari. Nang mabuksan, nakita ng reyna ang mga butil ng suha. Siya'y natakam at kumain. Nasarapan siya sa katas nito.


Gumaling ang reyna at nasiyahan ang hari. Umasa ang hari na bukas-makalawa ay magkakaroon din ng tagapagmana.


Isang gabi ay lumakas ang ulan at hangin. May kidlat at kulog. Lumaki ang tubig at sinundan pa ng malalakas na lindol. Gayon na lamang ang takot ng mga tao. Ilang araw ding masungit ang panahon. Umapaw ang tubig sa palagid ng palasyo. Akala nila'y delubyo na.


Nang tumigil ang bagyo, ang mga tao ay nagtaka nang gayon na lamang nang makita nila na ang Lawang Buhi ay punung-puno ng maliliit na isda na noon lamang nila nakita sa tanang buhay nila. Ipinagbigay-alam sa mag-asawang hari at reyna ang kanilang nakita.


"Natatandaan ninyo," ang sabi ng hari na natatawa, "noong mga nagdaang buwan, bago pa bumagyo at lumindol, ay inutusan ko ang lahat ng kawal upang maghanap ng pagkain at bungangkahoy para sa aking asawa?"


"Totoo po," ang sagot ng mga tao. "Hindi po lamang ang mga kawal ang naghanap kundi buong bayan. Nalalaman naming naglilihi ang Kamahal-mahalang Reyna."


"Puwes," ang nakangiting sabi ng hari, "isa sa mga bungangkahoy na nagustuhan ng reyna ay suha. Kinain niya ito, sinipsip ang masarap at matamis na katas at ang sapal ay dito sa lawa na ito itinapon. Nang bumaha at lumindol ay walang salang nagbinhi ang mga sapal ng suha. Iyan ang dahilan kung bakit sumingaw ang napakaliit na isdang ito. Masdan ninyo," ang sabi ng hari. "Suriin ninyo ng mabuti at makikitang ang maliit na katawan ng isda ay kahugis ng butil ng suha."


Mula noon ang maliit na isdang nagbuhat sa sapal ng suha ay nakilala sa tawag na "sinarapan" na ngayon ay naglipana sa lawa ng Buhi, Camarines Sur.


Monday, 1 December 2025

Ang Alamat ng Maria Kapra

Ang Alamat ng Maria Kapra

Bihira sa mga tao ang walang adhika, lunggati o pangarap. Pag wala nito hindi uunlad ang kabihasnan. Subalit sa magandang samahan at batas ng langit, isang kabaliwan ang paghahangad nang labis. Ang lahat ng lumalampas sa guhit ay dapat kalusin ng baras ng matuwid.

Hindi kayang supilin ng karalitaan ang matayog na pangarap ni Maria. Matindi ang kanyang pananalig na makakamtan niya ang kariwasaang minimithi. Kundangang siya'y ipinanganak na mahirap. Sana'y hindi niya kinainggitan ang mga bulaklak na sinusuyo ng paruparo. Sana'y hindi siya nanaghili sa mga dahong ipinaghehele ng masuyong paspas ng amihan.

Sinisi ni Maria ang kanyang mga magulang kung bakit pa siya isinilang. Sinisi niya ang Diyos sa pagkakaloob sa kanya ng buhay. Kinasuklaman niya ang buong nayon ng Sunog-Apog na kanyang sinilangan.

Isang gabi, sa laot ng kanyang paninimdim, kanyang nasambit na parang hamon, "Ihahandog ko ang aking puso't kaluluwa sa sinumang nilikha o kapangyarihang makapagdudulot sa akin ng mga hangarin ko sa buhay!" At pasalampak na humiga sa munting papag at ilang sandali pa'y nakatulog.

Brooommm...! Dumagundong sa kalawakan ang nakabibinging kulog. Lumakas ang pagaspas ng hangin at namatay ang munting ilawan sa loob ng silid. Sa pagtulog ng dalaga'y waring narinig niya ang isang mahiwagang tinig, "Maria, tungkol sa iyong panambitan, tutulungan kita! Tutulungan kita! Tutulungan kita!..."

Gayon na lamang ang pagtataka ni Maria nang magising siya kinaumagahan. Sa gitna ng kanyang dampa ay may isang malaking kahon. Sa ibabaw nito'y maliwanag na nakasulat ang "Para sa iyo, Maria" Walang sinayang na sandali ang dalaga! Binuksan ang kahon. Tumambad sa kanyang paningin ang mga bungkos ng salapi at salansan ng mamahaling mga hiyas! "Mayaman na ako ngayon...!" bulalas ni Maria. "Sa wakas ay kuyom ng aking palad ang buong daigdig...!"

Nilisan ni Maria ang dukhang nayon ng Sunod-Apog. Ang karangyaan ay balaning humigop sa kanyang katauhan. Ganap niyang nilimot ang maralitang nayong sinilangan. Maligayang-maligaya si Maria!

Nagdaos si Maria ng isang maharlikang piging sa kanyang malapalasyong tahanan. Dumalo ang mga piling panauhin. Halos walang tigil ang tugtugan at sayawan. Walang anu-ano'y biglang kumulog! Isang mahiwagang panauhin ang dumating. Siya'y nakatuksedong itim. Lumapit kay Maria ang mahiwagang panauhin at sila'y nagsayaw. Bagay na bagay ang magkapareha. Sa kanila natuon ang pagtingin ng lahat. Maraming ulit silang nagsayaw sa gitna ng kasiyahan ng dalaga.

"Pagkatapos ng huling tugtog, isasama kita, Maria, sa aking pag-alis," bulong ng mahiwagang lalaki.

Napapitlag ang dalaga. Paano siya makakasama sa isang hindi pa niya kilala? Subalit ang tinig na iyon ay dati na niyang narinig!

"Oras na, Maria, halina..." at biglang pinangko ang dalaga.

"Huwag...! Huwag, Ginoo...!" malakas napalahaw ni Maria. Biglang nagulo ang kasayahan. Tinangkang iligtas ang dalaga ng kalalakihan subalit sa isang tabig lamang ng mahiwagang lalaki ay sabay-sabay bumarandal sa dingding! Pambihira ang lakas na taglay ng lalaking iyon. Papalabas na ng bulwagan ang mahiwagang lalaking pangko si Maria, nang sa darating ang isa pang panauhing nakasisilaw na puti ang kasuotan.

"Bitiwan mo ang babaing iyan!" makapangyarihang utos ng bagong dating

"At sino kang nag-uutos sa akin?" ang sagot-tanong ng nakatuksedong itim.

"Lucifer, pagmasdan mo ang espadang ito ng kabanalan!"

"Huwag, huwag, Miguel! Nasisilaw ako!" at nabitiwan niya si Maria.

Brooommm...! Biglang nawala ang hari ng karimlan!

Hinarap ni Miguel Arkanghel si Maria at pinagsabihan, "Ikaw, babaing talipandas! Higit na makabubuti sa iyo ang gawin kitang isang ibon kaysa mapasa impiyerno ang iyong kaluluwa!" at biglang nawala ang butihing alagad ng kaligtasan.

Unti-unting nagbago ang anyo ni Maria. Siya ay naging munting ibon. Pinagalaw ang katawan at pinalindi-lindi ang kilos. Mula noon ay ating makikita ang ibong ito na iindak-indak at sasayaw-sayaw sa mga sanga ng kahoy habang umaawit ng:


Ako'y si Maria Kapra

Isang ibong nagdurusa

Isinanla ang kalul'wa

Nang sa ginto'y guminhawa!