Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: Audio Story Telling Video Alamat
Showing posts with label Audio Story Telling Video Alamat. Show all posts
Showing posts with label Audio Story Telling Video Alamat. Show all posts

Friday, 12 September 2025

Audio Story Telling - Alamat ng Bigas

 


 Alamat ng Bigas

Sa gitna ng kanilang paghihirap, may isang dalagang nagngangalang Amihan. Siya ay may pusong busilak at laging naghahanap ng paraan upang matulungan ang kanyang mga kababayan.

Isang araw, habang naglalakad si Amihan sa kakahuyan, nakarinig siya ng isang malambing na tinig na umaawit. Sinundan niya ang tinig hanggang sa makarating siya sa isang lihim na sapa.

Doon, sa tabi ng sapa, nakita niya ang isang diwata. Ang diwata ay kumikinang sa liwanag, at ang kanyang buhok ay tila mga dahon na ginto. Siya si Diwata Luningning.

"Bakit ka nalulungkot, Amihan?" tanong ni Diwata Luningning sa malambing na tinig. Ikinuwento ni Amihan ang paghihirap ng kanyang mga kababayan dahil sa kakulangan ng pagkain.

Ngumiti si Diwata Luningning. "Mayroon akong regalo para sa inyo, isang butil na magpapawi ng inyong gutom," sabi niya. Ibinigay niya kay Amihan ang isang dakot ng maliliit, puting butil."Ito ang bigas," paliwanag ng diwata. "Itanim ninyo ito sa lupa, alagaan, at ito ay magbibigay ng saganang ani. Ito ang magiging pagkain na magpapakain sa inyong buong angkan." 

Masayang bumalik si Amihan sa kanyang nayon. Agad niyang ibinahagi ang mga butil ng bigas sa kanyang mga kababayan at itinuro kung paano ito itanim at alagaan.

Hindi nagtagal, ang dating tigang na lupa ay napuno ng luntiang bukirin. Ang mga uhay ng bigas ay unti-unting lumago, at ang mga tao ay nagdiwang sa kanilang unang masaganang ani.

Mula noon, ang bigas ay naging pangunahing pagkain ng mga Pilipino. Ito ay paalala ng kabutihan ni Amihan at ng regalo ni Diwata Luningning, isang alamat na nagpapakita ng pag-asa at kasaganaan.

Friday, 28 October 2022

Audio Story Telling - Alamat Kung Bakit Sa Gabi Lumilipad Ang Paniki

 


Kung Bakit sa Gabi Lumilipad ang Paniki

Dati raw, mahigpit na magkagalit ang mga ibon at mga hayop na nakatira sa lupa. Mabangis silang pare-pareho at kapag nakikita ang isa sa mga kaaway ay pinagtutulungan.

Sa kabilang dako, ang paniki ay isang hayop na mahiyain at hindi sumasali sa awayan. Iniiwasan niya ang ibon at pati ang mga hayop na nakatira sa lupa. Ngunit isang umaga hindi nya naiwasan ang isang leon. Sa pamamasyal niya sa malapit sa kweba, biglang may lumabas na leon.

Akma na siyang papatayin nang nagsalita siya. "Huwag! Huwag mo akong patayin. Hindi mo ako kaaway. Ako'y tulad mo. Tingnan mo, pareho mo akong dalawa ang taynga at isa ang nguso."

Tiningnang mabuti ng leon ang paniki, at tunay nga, may taynga at ngusong katulad niya. "Sige, umalis kana. Pag nakakita ka ng ibon, tawagin mo ako," bilin nya sa paniki.

Isang hapon, nasalubong naman ng ibon ang agila. Hinawakan siya nito ng malalaking kuko. "Huwag mo akong saktan,"  iyak nya. "Ako'y ibong tulad mo. Masdan mo't may pakpak rin ako."

"Ah.." sabi ng agila. "Isa ka rin palang ibon. May pakpak at nakalilipad. Magkakampi pala tayo."

At mula noon, takot na ang paniki na lumabas nang maliwanag pa. Baka kasi may makasalubong siyang hayop sa lupa , o di kaya ay ibong lumilipad. Lagi na lamang sa gabi siya lumalabas sa kanyang pinananatilihang lugar.

At iyon ang dahilan kung bakit sa gabi lumilipad ang paniki.

Wednesday, 12 October 2022

Audio Story Telling - Ang Alamat ng Kwago

 

Audio Story Telling - Ang Alamat ng Kwago


Ang Alamat ng Kwago

Si Tandang Kadyong, hari ng karamutan ay nag-iisang naninirahan sa gitna ng bakurang puno ng halaman. Madalas ay hitik ng bunga ang kanyang puno ngunit walang maaaring humingi dito dahil ubod ng damot ang matanda.

"Ipinagbibili ang mga bunga dito, hindi ipinamimigay." Iyan lagi ang sabi ni Tandang Kadyong kapag may nagkamaling humingi.

Isang umaga, may isang matandang babae na hindi taga-nayon na naligaw doon. Habang naglalakad siya ay napadako sa may harapan ng bahay ni Tandang Kadyong. Nagkataong nakakaramdam narin ang babae ng gutom at pagod dahil sa mahabang paglalakad.

"Kay dami ng bunga ng bayabas! Mura lang naman ito, palagay ko'y maaari akong humingi ng kahit isa o dalawa sa may-ari."

"Hindi! Hindi ipinamimigay ito. Bukas lang ay darating na ang suki kong tagabayan at bibilhing lahat ang mga bayabas na ito."

"Kahit na sana isa lamang." pakiusap ng babae

"Sinabing hindi! Wala! Pinaghirapan ko iyan at hindi ko ipinamimigay sa iba." Sabay talikod ang lalaki at umakyat na sa kanyang bahay.

Noon na ang huling pagkakita ng mga tao kay Tandang Kadyong.

Pagkaraan ng ilang araw ng pagtataka dahil sa walang nakakakita sa matanda, sinubukan ng isang bata na pumitas ng nakalawit na bayabas. Walang nagalit.

Binuksan nila ang pinto ng bahay. Biglang lumipad na palabas ang isang ibon. Napansin ng mga bata na malalaki ang mata at tila naghahanap o di kaya ay nagbabantay.

"Anong ibon iyon?" Tanong nila.

"Kamukha ni Tandang Kadyong."

Naging Kuwago nga si Kadyong ngunit hanggang ngayon ay binabantayan parin ang mga bunga na ipinagmamaramot niya.

At iyon ang alamat ng Kuwago.


Tuesday, 11 October 2022

Story Telling Audio - Ang Alamat ng Paru Paro

 Story Telling Audio - Ang Alamat ng Paru Paro



Ang Alamat ng Paru paro

Magkapatid sina Rona at Lisa ngunit magkaibang-magkaiba ang ugali nila. Masipag si Rona ngunit si Lisa ay walang inaatupag kundi ang magpaganda.

Habang naglilinis ng bahay, nagluluto o naglalaba si Rona, si Lisa ay nasa harap ng salamin, nagsusuklay, at nag-aayos lagi ng sarili.

"Ate, tulungan mo naman ako. Ang dami kong labahing damit. Karamihan naman ay sa iyo," sabi ni Rona sa kapatid isang umaga.

"May gagawin pa ako. Kayang kaya mo naman iyan." Naisip ni Lisa na pipitas na siya sa hardin ng bulaklak na maipapalamuti sa kanyang buhok.

Pumunta na nga si Rona na mag-isa sa tabing ilog para maglaba.

Si Lisa ay bumaba sa kanilang hardin sa harapan ng bahay.

Habang pinipili niya kung aling bulaklak ang magandang iipit sa buhok, may matandang babae na lumapit sa tarangkahan.

"Ineng, maari mo ba akong malimusan?" samo ng matanda.

"Wala! Wala akong maililimos," pakli ni Lisa na patuloy sa paghahanap ng mailalagay sa buhok.

"Kahit na kapirasong tinapay. Ako lamang ay gutom na gutom na."

"Sinabi nang wala!" sigaw ni Lisa, sabay pagpitas sa isang bulaklak na maganda ang kulay.

Nagalit ang matanda "Hindi ka lang pala tamad, maramot ka pa at walang galang sa matanda. Gagawin kitang tulad niyang hawak mong bulaklak ngunit isang kulisap."

Engkantada pala ang matandang babae.

Nang bumalik sa bahay si Rona, hinanap niya ang kapatid.

Pumunta siya sa hardin dahil alam niyang mahilig ito sa mga bulaklak. Subalit wala si Lisa. Ang napansin ni Rona ay ang paruparong lumilipad-lipad sa ibabaw ng mga bulaklak.

 

At iyon ang alamat ng paru paro.