"Kay gagandang tingnan sa puno. Puting - puti at mabibilog ngunit lason," sabi ng mga tumitingin sa mga kumpol ng lansones na nakalawit sa puno. "Pampalamuti lang sila sa bakuran. Sayang!"
Wala ngang nais magtanim ng lansones. Madalas naman ay tumutubo na lang ito dahil nga sa nalalaglag sa lupa ang ang mga bunga.
Ngunit walang tumikim na kumain uli nito dahil sa alaala ng batang namatay. "Lason! Hindi dapat kainin." iyan ang sabi ng mga matanda tungkol sa kumpol kumpol na bungang tila nang-aakit na sila ay kainin.
Isang araw, may dumating na napakagandang dalaga sa bayan. May mga taong sumusunod sa kanya habang minamasdan niya ang mga punong hitik ng bunga.
"Bakit hindi ninyo kinakain itong handog sa inyo ng kalikasan? Nalalaglag na lang sila sa lupa at nasasayang," sabi ng dalaga.
"Lason po iyon" sagot ng isang mamamayan. "Namatay daw po ang batang kumain niyan sabi ng matatanda."
Pumitas ang dalaga ng isang bunga, pinirot at inalisan ng balat, saka isinubo. "Tingnan ninyo, nalason ba ako? Kayo, tikman din ninyo."
Namangha ang mga tao. May ilang naglakas loob. "Ang tamis! Ang linamnam!" sambit nila.
Nagsipitas din ang mga naroroon. "Oo nga! Ang sarap ng laman. O, hindi naman tayo nalalason."
Mula noon ang lansones ay kinagigiliwan nang kainin ng mga tao. Inaakalang ang pagkawala ng lason ng prutas ay gawa ng dalaga na pinaniniwalaan nilang isang engkantada. Lalo pa't nababakas daw sa bunga ang pagpisil ng mga daliri ng mahiwagang babae.
Doon na nagsimula na kainin ng mga tao ang dating kinatatakutang bunga ng lansones. At iyon ang tinaguriang alamat ng lansones.
No comments:
Post a Comment