"Salamat, napakabait mo," anang matanda. "Siyanga pala, napansin kong maraming ibon at isda sa lugar na ito. Manghuli tayo para masarap ang ulam natin mamaya. "
"Naku, huwag po. Sila po ang mga kaibigan ko rito," magalang na tanggol ng binata.
"Totoo palang napakabait mo," usal ng matanda.
Nalaman din ng matanda na bigay ng mga tagabukid ang nga damit ng binata dahil tinutulungan niya sa pagtatanim at pag-aani ang mga ito. Lalong tumibay ang paghanga ng matanda sa kanya. Marami namang natutunan ang binata sa mga pangaral ng matanda, tulad ng:
"Kung ano ang iyong itinanim ay siya mong aanihin, "
"Tulad sa halaman, ganyan din ang sa tao."
"Ang iyong kabaitan at kabutihan ay gagantimpalaan din sa ibang araw."
"Huwag tayong aasa na ang ating inilibing ay makikipaglibing din sa atin."
"Huwag tayong dudura sa langit sapagkat laway din sa iyo ay sasapit."
Mula noon ay naging malikhain ang binata. Dahil mabait at magiliwin sa mga nilalang ng Diyos, ang binata ay tinawag na Irog. Napakinabangan ni Irog ang lahat ng tinuro ng natanda. Nagawa niyang panali ang mga baging. Nakagawa din siya ng isang bahay-kubo sa gitna ng ilog. Nagawa rin niyang higaan ang bunton ng mga water lily. Isang gabi ay mahimbing ang tulog ni Irog. Hindi niya namalayang unti-unting umuusad ang kubo na parang itinulak ng mga isda. Nakapaligid naman sa kanya ang nga ibon na nag-aawitan. Mataas na ang araw nang magising siya kinabukasan. May mga gulay at mga prutas nang nakahain na dulot ng mga ibon. Malayo na ang kanyang narating. Napadpad siya sa isang napakagandang batis. Ang batis ay kaakit-akit na tila isang paraiso.
Isang umaga, may nakitang isang grupo ng mga dilag si Irog. May pakpak ang mga ito. Kasalukuyang naliligo sa batis ang mga dilag. Naakit siyang damputin ang isang pares ng mga pakpak na nakalapag sa batuhan. Matapos maligo ang mga dilag ay malungkot na naiwan ang isa. Wala kasi itong maisuot na pakpak. Hindi ito makalilipad. Iyak nang iyak ang dilag dahil iniwan na ito ng mga kasamahan. Nagulat ito nang makita si Irog.
"Patawad po sa aking karahasan. Natuwa po ako sa mga pakpak ninyo kaya hiniram ko ng walang paalam, " hinging paumanhin ng binata. "Ako nga pala si Irog. Ulila na ako at walang kasama sa buhay. Kung mamarapatin mong mahalin kita ay pagsisilbihan kita habang buhay."
Hindi na nag-isip ng matagal ang dilag. Pumayag agad ito sa kanyang pagsamo. Tinawag itong Giliw ni Irog.
"Sige, mamahalin kita sa isang kondisyon. Huwag kang mag-uuwi ng mga hayop na mabilis lumipad. Kapag ginawa mo iyon ay mawawala ako sa iyong buhay."
Tuwang-tuwa naman si Irog dahil mapagmahal din ang dilag sa mga hayop. Nagkasundo sila ni Giliw at tuluyan nang nagsama. Biniyayaan sila ng dalawang anak makaraan ang ilang taon. Pinangalanan nila ang mga ito ng Tagumpay at Ligaya. Si Ligaya ay lumaking mabait at masunurin sa mga magulang. Si Tagumpay naman ay masipag at mabait din. Minsan ay masaya silang nag-uusap nang magtanong si Ligaya.
"Bakit kaya bihirang magsalita si Inay? Hindi naman siya pipi. Matalino naman siya at maraming alam."
Sumagot si Irog. "Huwag kang magtaka, anak. Lagi ninyong tatandaan na kapag ang dagat ay mababaw, ito ay maingay. Subalit kapag ang dagat ay malalim, ito ay tahimik. Makinig kayo sa payo ng mga nakatatanda at lagi ninyo iyong tandaan: Ang maganda ay pulutin ninyo. Itapon naman ninyo ang masamang gawain lalo na kung makasasakit ng damdamin ng inyong kapwa."
Minsan ay nagpahinga si Tagumpay sa lilim ng isang puno. Nagulat siya ng may ibong dumapo sa balikat niya. Palibhasa ay magiliwin sa mga hayop kaya hinuli ni Tagumpay ang ibon at iniuwi sa kanilang bahay. Tuwang-tuwa naman si Ligaya dahil sa iba-ibang kulay ng ibon. Agad nila itong ipinakita sa ina.
"Nakaganda niya, hindi ba, inay?" ang natutuwang sabi ni Tagumpay.
Napaluha si Giliw. "Oo, iyan si Panay, ang aming panginoon."
At mabilis na nagtungo sa silid ang babae. Dagli nitong isinuot ang mga pakpak at dagli ring lumipad palayo. Malungkot na ibinalita ng magkapatid ang paglisan ng kanilang ina. Mula noon ay naging malungkutin na si Irog. Palagi siyang nagpupunta sa batis, nagbabakasakali siyang bumalik si Giliw. Ang batis na ito ang pinagmulan ng isang magandang kasaysayan ng pag-ibig. Dito nagmula ang pangalang Panay o Iloilo.
Ngayon, ang Panay o Iloilo ay isang malaking pulo sa Kabisayaan.
No comments:
Post a Comment