May isang babae na kumuha ng isang salop na palay sa sako para bayuhin at gawing bigas. Ibinuhos ang palay sa lusong at handang babayuhin na nang maalalang tanggalin muna ang kanyang pulseras, kuwintas at mga singsing. Pati suklay na may mga batong makinang ay tinanggal rin. Isinabit niya ang mga alahas sa mababang alapaap at nagsimulang magbayo.
Sa bawat pagtaas niya ng pagbayo, nauumpog niya ang langit. "Sana nama'y mataas ang langit para hindi laging nauumpog kapag nagbabayo ako ng palay."
Katanghaliang tapat ng sinabi niya ito, at may paniniwala ang mga tao noon na sa oras na ganoon, ang lahat na naisin ninuman ay mangyayari.
Naalala ng babae ang isinabit niyang alahas ngunit huli na, kasama na ng langit sa pagtaas.
Hindi na niya nakuhang muli. Ang mga alahas na iyon ay nasa langit pa hanggang ngayon dahil naging maningning na buwan at mga bituwin.
Iyon ang sinasabing alamat ng buwan at bituwin.