Isang araw, pagkagaling ni Maria sa laruan, nakita niyang nagbabayo ng palay ang ina. Pinanood niyang sandali ang pagbabayo.
Pagkakabayo, ang bigas ay inilalagay ng ina sa isang malaking bigasan at tinatakpan ng bilao.
Nang nakatalikod ang ina, inangat ni Maria ang bilao at pumasok siya sa malaking bigasan. Hindi namalayan ng ina kaya nakakain siyang mabuti ng bigas sa loob ng lalagyan.
Natapos ang ina sa pagbabayo. "Nasaan na naman kaya si Maria?" ang kanyang tanong.
"Siguro ay bumalik na naman sa laruang lugar. Mabuti pa'y magsaing na muna ako at makakain kami ng maaga."
Nang buksan niya ang bigasan, may lumipad na palabas na munting ibon. Ang kulay ng balahibo ay katulad sa baro ng anak.
Si Maria ay hindi na nakita at hinaka ng mga tao na ang ibong galing sa lalagyan ng bigas ay siya at wala ng iba pa.
Ang itinawag sa ibon ay maya, galing sa pangalang Maria.
At iyon ang alamat ng Ibong Maya.