Panahon noon ng mga Kastila ng maging mang-aawit sa simbahan ang dalagang si Meluya. Maganda at kaaya-ayang pakinggan ang boses ni Meluya kaya naman kayrami niyang tagahanga.
Maganda si Meluya kaya maraming kababaryo ang nanliligaw sa kanya. Pero ang lahat ay binigo niya.
"Ang pangarap ko ay maka-pagsilbi sa Diyos," madalas ay sina-sabi niya sa mga kaibigan. "Binigyan niya ako ng magandang tinig kaya naman iaalay ko ito sa kanya."
Dahil sa magandang tinig ay hindi na gaanong pinansin ang kapintasan ni Meluya. Mayroon kasi siyang mabibilog na mga paa na bukul-bukol pa.
Araw-araw ay nasa simbahan ang dalaga. Nang lumaon ay hindi na siya kumakanta lang sa banal na misa kung di nagtuturo narin ng mga batang aawit kasama niya.
Marami ang natuwa kay Meluya dahil karamihan sa mga dalaga ng panahong iyon ay mas nakapokus ang atensiyon na makapag-asawa ng Kastila.
Nagtaka ang mga tao ng ilang araw na ay hindi pa rin nagpapakita si Meluya sa simbahan. Nag-alala sila kaya pinuntahan ang dalaga sa bahay nito. Dinatnan nilang nagdi-deliryo na ang dalaga. Walang naka-batid sa pagkakasakit ni Meluya kaya lahat ay nalungkot nang puma-naw ang dalaga.
Lumipas ang mga araw na damang-dama ng mga tao ang pagkawala ng kanilang cantora o mang-aawit.
Minsan ay dinalaw ang puntod ni Meluya ng mga batang tinuruan niyang umawit. Napansin agad ng mga bata ang kakaibang halamang tumubo sa tabi ng puntod ni Meluya.
"Ano kaya ang halamang iyan? Ngayon lang ako nakakita ng ganyan," anang isang bata.
Ikinwento ng mga bata sa kani-lang mga ama't ina ang tungkol sa halaman.
Nang ganap nang magulang ang halaman ay hinukay nila ito at namangha sila sa bunga nitong nasa ilalim ng lupa.
Paano ay parang mga paa ni Meluya ang itsura ng bunga niyon.
Natuklasan din ng mga tao na nakapagpapaluwag ng lalamunan ang sabaw ng bunga kapag inilaga. Lumaon ay natuklasan pa nilang maganda sa boses ang pag-inom sa sabaw ng bunga.
Dahil doon ay tinawag na meluya ang bunga para sa alaala ni Meluya. Nang lumipas ang maraming mga taon ay naging luya na ang pangalan nito.