Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: Alamat ng Saging
Showing posts with label Alamat ng Saging. Show all posts
Showing posts with label Alamat ng Saging. Show all posts

Sunday, 17 July 2016

Alamat ng Saging

Naglalaba si Maring sa tabing ilog, at umaawit habang kinukusot ang mga damit, nang mapansin niyang may binatang nasa likuran niya.

"Kay ganda ng boses mo," bati ng binata.

Hindi agad nakasagot ang nabiglang dalaga, ngunit maya-maya'y ngumiti at nagsabi, "Hindi naman po. Nililibang ko lang po ang aking sarili para hindi gaanong mapagod."

Umupo ang binata sa malaking bato sa tabi ng tubig at binantayan ang paglalaba ng dalaga. Mula noon ay madalas na silang nagkikita. Hinihintay ng binata habang ang dalaga'y naglalaba at dinadala ang palanggana ng damit sa paghahatid sa kanya.

Di nga naglaon, naging magkasintahan ang dalawa. Ilang buwan din silang nagmahalan. Isang umaga, malungkot na sinalubong ng binata si Maring.

"Maring, mahal ko," sabi niya, "Aalis ako ngayon.Uuwi at may pasabi sa akin na pinapatawag daw ako ng aking ama."

"Saan?" tanong ng balisang dalaga. "Saan ka uuwi? Sasama ako."

"Babalik din ako. Hindi ka maaring sumama dahil iba ang mundo ko."

"Bakit iba? Tagasaan ka ba?"



"Engkantado ako. Hindi ka makakapasok sa tinitirahan ko. Sige, aalis na ako."

Hinawakan ni Maring ang kamay ng lalaki. "Huwag mo akong iwan. Paano ako?" sa pagpigil niya sa kamay ng lalaki, biglang natanggal ito at naiwang hawak niya. Ang binata ay naglaho sa kanyang paningin.

"Naku, ano ba ito?" Halos nawala sa ulirat si Maring. "Anong gagawin ko sa kamay na ito?"

Naisipan niyang ibaon sa tabi ng batong laging inuupuan ng mahal niya. Kinakukasan, nang tingnan niya kung ano ang nangyari sa ibinaong kamay, ang nakita niya ay isang mataas nang halaman. May mga bunga na tila mga galamay ng tao.

Hindi na niya muli pang nakita ang kasintahan. Ang tanging nagpapaalala nalang sa naunsiyaming pag-ibig ay ang puno na naglaon ay tinawag nang saging. At iyon nga ang alamat ng saging.