Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: Ang Alamat Kung Bakit May Araw at May Gabi
Showing posts with label Ang Alamat Kung Bakit May Araw at May Gabi. Show all posts
Showing posts with label Ang Alamat Kung Bakit May Araw at May Gabi. Show all posts

Tuesday, 1 November 2016

Ang Alamat Kung Bakit May Araw at May Gabi

Lumikha ng mga tao si Bathala para may makasama siya. Ngunit ang mundo'y malamig at madilim. Nang tingnan ni Bathala ang mga nilikha niya, nakita niyang ang mga ito ay nanginginig sa ginaw. Naawa siya. Ginawa niya ang araw, maliwanag at mainit. Inilagay ito sa langit para ang mundo'y mapuno ng liwanag at init.

Ngunit dahil ang mundo ay bilog, kalahati lamang nito ang nakakaharap sa araw. Ang kalahati ay madilim at malamig parin. Di nagtagal, naging labis na ang kainitang naramdaman ng mga taong nasa kalahating naarawan.

"Nasusunog po kami, Bathala. Tulungan ninyo kami!" sigaw at samo nila.



Sa kabila ng mundo, na malamig at madilim, ang mga tao ay nangangaligkig naman sa ginaw.

"Ano kaya ang dapat kong gawin?" tanong sa sarili ni Bathala. At siya'y nag-isip ng nag-isip.

Sa katagalan, nagkaroon siya ng magandang plano.

"Gagawa ako ng araw at gabi."

Hinawakan ang bilog na mundo. Pinaikot-ikot ito. Sa ganito, magkakaroon ng init at liwanag ang kalahati habang ang kalahati ay malamig at madilim. Sa pag-ikot naman ng mundo ay mababaligtad ang pangyayari. Sa ganoong paraan, lahat nga ng bahagi ng mundo ay nakakaranas ng liwanag at init, lamig at dilim, hindi nga lamang sabay.

Malaki ang kaligayahan ng mga tao sa ginawa ni Bathala.

"Salamat po, Amang Bathala," sabi nila, "at papuri po sa inyo."

At iyon ang alamat kung bakit may araw at may gabi.