Mabait at matulungin ang higante. Tinutulungan niya ang mga tao roon na magtanim at mag-alaga ng hayop. Pinuputol din niya ang mga punong gagamitin para magtayo ng mga bahay. Kaibigan siya ng mga tao.
Dahil sa matabang lupa nito, binalak ng mga Kastila na sakupin ang bayan. Gusto nilang lusubin at angkinin ang lugar. Kaya humingi ng tulong sa kaibigang higante ang mga tao.
"Tulungan mo kami, kaibigang higante! Wala kaming laban sa mga Kastila! Ibig nilang sakupin ang lugar namin!" ang pakiusap ng mga tao.
"Huwag kayong matakot! Ako ang haharap sa kanila. Lalabanan ko sila!" ang tugon ng mabait na higante.
Sinabi ng higante sa mga tao na magtago sila sa malaking kweba. Dumating ang mga Kastila na may dalang mga armas. Handang-handa sila upang sakupin at angkinin ang lugar. Ngunit nahirapan sila dahil sa higante. Lumaban ito para ipagtanggol ang lupain. Binaril at nasugatan ng mga Kastila ang higante, pero hindi ito sumuko. Pinukol niya ng malaking tipak at tumpok na lupa ang mga kalaban gamit ang kanyang palakol.
Natakot ang mga Kastila! Umurong sila! Marami sa kanila ang namatay at natabunan ng malalaking tipak at tumpok ng lupa. Namatay din ang higante. Nalungkot at napaiyak ang buong bayan. Nawalan sila ng isang mabait at matulunging kaibigan. Inialay nito ang sariling buhay para sa kanila.
Ang mga tipak at tumpok na lupa na ipinukol ng higante sa mga kalaban ay naging maliit na burol sa Buhol. Ang lugar na ito ay tinatawag natin ngayong "Chocolate Hills."