Noong unang panahon, sa isang malayong bayan ay may nakatirang dalagang nagngangalang Maria. Maliban sa pagiging maganda ay kilala rin si Maria sa dalawa pang katangian. Una, siya ay sobrang mahiyain at pangalawa, siya ay mapagmahal sa mga halaman.
Hindi umaalis ng bahay si Maria. Kung lumalabas man ay sa bakuran lang para alagaan ang kanyang mga halaman.
"Iyang si Maria ay maganda at masipag ngunit napakamahiyain," sabi ng kapitbahay na si Aling Trining.
"Oo nga. Nang minsang madaanan ko at batiin ay biglang nagtago sa loob ng bahay," sang-ayon naman ni Aling Delia.
Walang naging kaibigan si Maria dahil hindi siya nakikipag-usap ngunit sila ng kanyang mga halaman ay tila nagkakaintindihan. Napakaganda lagi ng mga bulaklak sa kanilang hardin. Minsan, may ilang malilikot na batang pumasok sa kanyang bakuran at nanira ng mga halaman. Sa unang pagkakataon ay sumigaw si Maria. Ayaw na ayaw niyang may sumisira sa kanyang halaman. Pagkatapos nito'y naglagay siya ng mga tinik sa paligid ng bakuran para mapigilang pumasok ang mga batang malilikot.
Isang araw ay hindi na nakita ng mga kapitbahay si Maria sa hardin. Sa ikalawa at ikatlong araw ay nag-alala na ang mga kapitbahay.
"Bakit kaya hindi na lumalabas si Maria? hindi kaya siya ay nagkasakit?" tanungan ng mga ito sa isa't isa.
Dahil sa pag-aalala ay pumasok ang mga kapitbahay sa bakuran ni Maria.
"Maria! Maria! Nasaan ka ba" sigaw nina Aling Trining at Aling Delia. Walang sumasagot kaya't pumasok sila sa loob ng kubo.
Maliit lang ang kubo at makikita kaagad kung may tao sa loob o wala. Maayos ang loob nito ngunit wala si Maria.
Lumabas sila sa hardin nang biglang mapasigaw si Aling Trining.
"Aray! Ang sakit naman ng tinik na ito? Ano ba ito?" sabi niya sabay yuko upang tingnan ang natinik na paa. Napayuko rin ang iba niyang kasamahan at nagulat sila sa nakita. Isang halamang halos nakadikit sa lupa at may pinumpinong dahon ang kanilang nakita. May pinong tinik din ito na nakapalibot sa kanyang mga sanga. Nang madikit ang paa ni Aling Trining ay biglang tumiklop ang mga dahon ng halaman,
"Ngayon lang ako nakakita ng ganitong uri ng halaman. Napakamahiyain naman nito. Nasanggi ko lang ay tumiklop na. At parang ayaw palapitin ang mga tao sa mga halaman dahil sa mga tinik nito. Parang si Maria," sabi ni Aling Trining.
Hindi na muli nakita sa nayon si Maria. ang mahiyaing halamang tumubo sa palibot ng kanyang halamanan ay lumago pa kaya lalong naniwala ang mga kapitbahay na ito na nga si Maria.
Pinangalanan nilang makahiya ang halamang ito mula sa unang pantig ng pangalang Maria at idinugtong ang salitang kahiya dahil sa kanyang sobrang pagkamahiyain.