Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: Dalawang Bersiyon ng Kwento ng Alamat ng Palay
Showing posts with label Dalawang Bersiyon ng Kwento ng Alamat ng Palay. Show all posts
Showing posts with label Dalawang Bersiyon ng Kwento ng Alamat ng Palay. Show all posts

Saturday, 30 September 2017

Dalawang Bersiyon ng Kwento ng Alamat ng Palay


Alamat ng Palay Version 1

Ang ating mga ninuno ay may sariling paraan ng pamumuhay noong unang panahon. Wala silang sariling mga bahay. Palipat-lipat sila ng tirahan. Kung saan sagana ang pagkain ay doon sila titigil. Tumitira sila sa loob ng mga kweba. Ang iba ay gumawa ng bahay sa itaas ng malalaking puno. Ang iba ay nagtirik ng bahay na yari sa kugon.

Kabilang sa grupong nagtatayo ng bahay na kugon sina Burnik at Paway. Iisang taon pa lang silang mag-asawa at pinagdadalantao ni Paway ang kanilang unang supling.

"Tumigil na lang tayo sa isang lugar. Malapit na akong manganganak kaya kailangan natin ng pirmihang titirhan," wika ni Paway.

Naunawaan ni Burnik ang asawa kaya naghanap siya ng lugar na masagana sa mga tanim na puno at malapit sa ilog para mapangisdaan. Nagtayo siya roon ng isang maliit na kubong gawa sa kugon.

Pansamantala ay maraming nakuhang pagkain si Burnik. Sagana ang lugar sa mga prutas at nahuhuling isda. Habang tumatagal ay nauubos ang pinagkukunan ng makakain ni Burnik.

Isang araw, sa paghahanap ng pagkain ni Burnik ay nakarating siya sa lugar na maraming tumutubong damo. Kulay ginto ang bunga niyon.

Isang katutubo ang nagsabi na manguha siya ng mga butil niyon, bayuhin hanggang lumabas ang kulay puting bunga at pagkatapos ay iluto. Palay daw ang tawag doon.

Tuwang-tuwa si Burnik. Ngayon ay may tiyak na silang pagkukunan ng pagkain. Nagtanim siya ng maraming palay at pagkatapos ay itinuro sa ibang katutubo kung paano iyon pararamihin.

Hanggang ngayon ang pagtatanim ng palay ang hanapbuhay ng karamihan sa mga magsasaka.








Alamat ng Palay Version 2

Noong unang panahon ang mga tao ay walang palay. Ang kanilang kinakain ay gulay, bungang-kahoy, isda, at mga hayop. Sila ay nangangaso sa gubat at nangunguha ng bungang-kahoy sa parang. Sila ay maligaya roon.

Nawala na ang mga hayop sa gubat at iilan na lamang ang mga bungang-kahoy. Ang mga tao ay nalungkot.

Ang mga lalaki ay nangaso sa bundok. Sila'y pagod na pagod at gutom na gutom. Sila'y nagpapahinga ng dumating ang magagandang dalaga. Ang mga ito ay engkantada pala. Sila ay makapangyarihan subalit magagalang.

Ang mga mngangaso ay kinumbida ng mga engkantada. Sila'y nagpunta sa yungib. Dito ay napakarami pala ang engkantada. Sila'y may reyna. Sila'y nagsaya noon, nag-awitan, at nagsayaw.

Nagkaroon ng kainan. Nakita ng mga mangangaso ang malalaking tagayan. Ang mga ito ay punong-puno ng pagkain na puting-puti. Noon lamang sila nakakita ng putting pagkain.

Matapos ang kainan at ang mga lalaki ay naging bata. Sila ay kumakas. Sila'y pinainom ng puting alak at sila'y at naging matalino.

Gusto ng umuwi ng mangangaso. Ang reyna ay nagsalita, " Kayo'y bibigyan ko ng butil. Ito'y itanim ninyo sa tag-ulan. Alam kong kayo aymabubuti kaya iyan ay sisibol. Iyan ay mamumunga. Aanihin ninyo ang bunga."

"Ang mga butil na inani ay bayuhin at linisin. Ang butyl ay magiging bigas. Ito ay lutuin. Iyan ang inyong pagkain. Iyan ang kaloob ko sa mga tao. Hala, umuwi na kayo."

Sumunod sa bilin ang mga tao. Ang bigas na niluto ang kauna-unahang kanin sa daigdig.