Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: Kung Bakit Matinik ang Halamang Rosas
Showing posts with label Kung Bakit Matinik ang Halamang Rosas. Show all posts
Showing posts with label Kung Bakit Matinik ang Halamang Rosas. Show all posts

Wednesday, 16 November 2016

Kung Bakit Matinik ang Halamang Rosas

Noong araw daw tuwang-tuwa ang mga tao sa bulaklak na rosas. Bukod sa pagiging maganda, ito ay napakabango pa. At walang tinik. Ikinakabit ang bulaklak sa dibdib ng baro o di kaya ay isinusuksok sa buhok na di kinatatakutang makasakit.

Kaya naman ganoon na lamang kung halbutin nila sa puno ito. Dahil mababa lang ang halaman, pati mga bata ay kayang-kayang pumitas nito. Hablot ng hablot - bawat naglalakad na makakita sa rosas sa madadaanan ay dagling nakakapitas nito.

Madalas nga, pati halaman ay nasisira dahil sa karahasan ng pagkuha nila sa bulaklak. Dahil nagalit na ang engkantada na nag-aalaga sa halaman, umisip ito ng paraan para huwag maabuso ito ng mga tao.

"Paano kaya, para hindi magiging marahas ang pagpitas nila sa bulaklak?" tanong nya sa sarili.

Hindi naman nya nais na ipagkait nang tuluyan itong maganda at mabangong  handog ng kalikasan.

"Alam ko na," biglang nasiyahan ang engkantada sa naisip niya. Pinaglalagyan nya ng tinik ang mga tangkay ng halaman, pati iyong malapit sa bulaklak.



"Tingnan natin," banta niya, "Kung mahahablot pa ninyo."

Tama nga ang engkantada. Nang marahas na hinahablot ng mga tao ang bulaklak, nagkasugat-sugat ang mga daliri nila dahil sa matutulis na tinik ng tangkay.

"Aray! Masakit at may dugo!"

Mula noon, kapag nais pitasin ang bulaklak ng rosas, kailangan dahan-dahanin para hindi masaktan ang mga kamay.