Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Tuesday, 12 July 2016

Alamat Bakit Maluwag ang Balat ng Baka?

Noong araw ay may isang lalaki na nag-aalaga ng isang baka at isang kalabaw. Katulong ang mga ito sa bukid sa pagtatanim at mga ibang gawain.

Isang araw, naisipan ng dalawang hayop ang maligo sa ilog. Inalis nila ang kanilang mga damit at lumublob sila sa tubig.
Masaya silang lumalangoy-langoy, nang matanaw nilang dumarating ang mabagsik nilang amo na may dala-dalang malaking pamalo.

Sa pagmamadali nilang makapagbihis, naisuot ng kalabaw ang baro ng baka, at naisuot naman ng baka ang baro ng kalabaw. Tumakbo sila para huwag maabutan ng among galit na galit.


Mabilis na nakalayo ang baka dahil luwag para sa kanya ang isinuot na baro. Ang kalabaw naman ay hindi nakatakbo dahil sa kasikipan ng suot.

Inabutan siya ng amo at hinampas ng hinampas.

Mula noon, maluwag na ang damit ng baka, at mas matulin siyang tumakbo kaysa kalabaw.


Monday, 11 July 2016

Alamat ng Ibong Maya

Bukod sa pagiging malikot, matigas pa ang ulo ng batang si Maria. Hindi masunurin. Hindi niya pinapansin ang mga bilin ng kanyang ina, tulad ng madalas sabihin nito, "Huwag kang kakain ng bigas. Kailangang lutuin muna iyan at magawang kanin bago kainin."

Isang araw, pagkagaling ni Maria sa laruan, nakita niyang nagbabayo ng palay ang ina. Pinanood niyang sandali ang pagbabayo.

Pagkakabayo, ang bigas ay inilalagay ng ina sa isang malaking bigasan at tinatakpan ng bilao.

Nang nakatalikod ang ina, inangat ni Maria ang bilao at pumasok siya sa malaking bigasan. Hindi namalayan ng ina kaya nakakain siyang mabuti ng bigas sa loob ng lalagyan.

Natapos ang ina sa pagbabayo. "Nasaan na naman kaya si Maria?" ang kanyang tanong.

"Siguro ay bumalik na naman sa laruang lugar. Mabuti pa'y magsaing na muna ako at makakain kami ng maaga."

Nang buksan niya ang bigasan, may lumipad na palabas na munting ibon. Ang kulay ng balahibo ay katulad sa baro ng anak.

Si Maria ay hindi na nakita at hinaka ng mga tao na ang ibong galing sa lalagyan ng bigas ay siya at wala ng iba pa.

Ang itinawag sa ibon ay maya, galing sa pangalang Maria.

At iyon ang alamat ng Ibong Maya.