Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Sunday, 2 October 2016

Ang Alamat ng Bayang Lumubog sa Baha - Lawa ng Paoay sa Ilocos Norte

Noong unang panahon, hindi isang lawa ang Lawa ng Paoay, kundi isang kalupaan. Maraming mga tao ang nakatira dito na mayayaman at maunlad. Magagara ang kanilang mga tahanan, at ang mga babae't lalaki ay kinakikitaan ng luho. Maraming alahas, mga adorno, at makikisig na kasuotan.

Noong una, sila'y maka-Diyos. Ngunit sa pag-angat ng buhay, nagbago ang kanilang mga ugali. Nagkahilian sila, nagpayamanan, nagpataasan. Naging mainggitin, palalo at maramot sa mga mahihirap.

Ngunit may mag-asawang hindi nagbago. Nagpatuloy sina Paulo at Rosa sa nakagawiang pamamanata sa Diyos. Nanatili silang mapagkumbaba at matulungin sa mga nangangailangan.

Isang araw, may isang matandang babae na dumating. Humingi ito ng pagkain sa mga mayaman. Siya daw ay nagugutom. Hindi lamang siya pinagdamutan, pinagtabuyan pa siya ng mga mayayamang kanyang nilapitan. Sa bahay nina Paulo at Rosa siya nakaramdam ng ginhawa.


Nang sumunod na araw, isang magarang lalaki ang napadako sa baryo. Sa bawat bahay niyang puntahan, siya'y pinatuloy at magiliw na tinanggap.

Ang pagdating pala ng mga panauhin ay huling pagsubok sa ugali ng mga tao. Biglang kumulog nang malakas, kasabay ng nakasisilaw na kidlat. Bumuhos ang malakas na ulan.

"Tayo na sa itaas ng bundok," yaya nina Paulo at Rosa sa mga kanayon. "Baka bumaha,"

May ilang mga mahihirap na tao na nakinig sa kanila. Ang mga mayayaman ay nagpatuloy sa kanilang pagsasaya. Lumipas ang mga araw, mga lingggo. Tuloy parin ang ulan. Tumaas nang tumaas ang tubig. Dahil malalaki ang mga tahanan, hindi gaanong nabahala ang mga mayayaman.

Dumaan ang ilan pang araw. Mataas nang lalo ang tubig at nalaman ng mga tao na hindi na sila makaaalis sa kanilang kinalalagyan. Naging lawa na ang pook. Di nag-laon at nangalunod ang mga taong naiwan doon. Karamihan ay ang mga palalong mayaman na di-matalikdan ang kagustuhan sa kariwasaan at aliw.

Ang lawa na iyon ay tinawag na Lawa ng Paoay ang pinakamalaking lawa sa lalawigan ng Ilocos Norte. Ang tawag ng mga naka­tira dito sa lawa ay Dacquel a Danum o malaking tubig. Idineklara itong national park sa pamamagitan ng isang batas na pinagtibay noong 1969.

Wednesday, 21 September 2016

Alamat ng Bridal Veil Falls sa Baguio

Noong unang panahon, mayroon daw isang babaeng ubod ng kasungitan sa tabi ng talon ng Ilog Bued, tapat ng magkakambal na taluktok. Ito raw babae ay kaibigan pa ng mga Ampasit, mga espiritung nagdudulot ng sakit at ibang karamdaman. Takot na takot ang mga tagaroon sa kanya.

May pamangkin daw itong matandang masungit na isang magandang dalaga, si Sam-it. Mahigpit ang matanda at hindi pinabayaang mawala sa kanyang paningin ang pamangkin, maliban lamang kung iigib ng tubig sa ilog.

Minsan nang siya'y sumasalok ng tubig, may dumating na lalaki na nais uminom. Nabihag agad siya ng kagandahan ni Sam-it. Sila'y nagbatian at nagkakilanlanan. Ang unang pagtatagpo  ay nasundan ng ilan pa, at di naglaon,naging magkasintahan ang dalawa.

Ngaunit hindi parin nila malaman kung paano sila magpapakasal. Tiyak na hindi papayag ang malupit na tiyahin.


"Ang maari lang nating gawin," sabi ng binata, "Ay ang tumanan. Gumawa ka ng mahabang tirintas ng mga baging na gagamitin natin pababa sa labing. Mag-aantay ako sa ibaba. Mamamangka tayo sa ilog ng Bued at lalayo dito sa lugar na ito."

Nanguha na nga si Sam-it ng mahahabang baging at sinala-salapid niya para maging matibay na lubid.

Kapag tinatanong siya ng tiya kung aanhin niya ang sinasalapid, sinasabi niyang iaalay niya sa Ampasit. Nilalagyan niya ng mga puting bulaklak ang lubid.

Nang handa na nga ang lahat, gawa na ang lubid at may bangka nang naghihintay sa ibaba, pumunta ang magsing-irog sa gilid ng bundok. Itinali nila ang isang dulo ng lubid sa isang puno sa bingit ng labing at inihulog ang kabilang dulo sa ilog.

Humawak silang mahigpit sa isa't isa at nagpatihulog sa lubid. Nasa kalahatian pa lamang sila ng bundok, nakita nilang nasa itaas pala ang tiya at sigaw nang sigaw sa galit.

"Bilisan natin. Baka tayo'y abutan."

Sa tulong ng mga espiritung kaibigan nila, dumaloy ang tubig sa lubid na binibitinan ng dalawa. Napabilis ang dausdos nila at nakarating agad sa ibaba. Dagling sumakay sa bangka at nakatalilis.

Ang malakas na daloy ng tubig naman ay patuloy na pababa sa binulaklakang lubid hanggang ngayon. Makikita ng sinumang dumaan sa Twin Peaks o Magkakambal na Taluktok sa Baguio ang napakagandang Bridal Veil Falls o talon na tila belong pangkasal.