Dati-rati ang puno ng ilang-ilang ay hindi namumulaklak bagama't malago ang mga dahon. Ngayon, kakaunti ang mga dahon ngunit hitik sa bulaklak. Dilaw, makitid ang mga talulot at napakabango ng mga bulaklak. Madalas na isinasama ito sa kwintas na sampaguita, palawit sa gitna, upang makadagdag ng ganda at halimuyak.
Iyan ang ilang-ilang at may alamat tungkol sa bulaklak na iyan.
May isang magandang dalaga na naninirahan sa baybayin ng Lawa ng Taal. Mahigpit na magkaribal sa panliligaw sa kanya sina Lino at Binong. Ang napusuan ni Ilang ay si Lino dahil maginoo at masipag.
Isang umaga, dumating ang binata sa tahanan ni Ilang para magpaalam. Mga dalawang araw daw siyang mawawala dahil sasama siya sa mga mangangaso sa kabilang ibayo.
"Pagbalik ko," sabi ng binata, "hihingiin ko na ang kamay mo sa iyong Inang at Tatang. Pakakasal na tayo marahil sa isang buwan."
Noong hapong iyon, nabatid ni Binong na wala sa nayon ang karibal. Nagpunta siya agad sa bahay ng dalaga. Nagkataong nag-iisa naman ito dahil ang ama't ina ay nasa sakahan.
"Naparito ako upang patunayan muli sa iyo ang aking pagmamahal," sabi ni Binong sa sinisintang dalaga.
"Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na naisanla ko na ang aking puso kay Lino? Sa katunayan nga ay malapit na kaming ikasal."
"Hindi maari. Ako ang dapat na maging asawa mo. Si Lino'y mahirap pa sa daga. Wala siyang ipakakain sa iyo."
"Siya ang aking mahal. Umalis ka na. Baka abutan ka pa ng aking ama ay masama ang mangyayari sa iyo," galit na sabi ni Ilang.
"Masama pala. Kaya kukunin kita ngayon. Sa ayaw mo't sa gusto, isasama kita," at pilit na niyakap ng buhong na lalaki ang dalaga. Nanlaban si Ilang. Kinagat ang ilong ng binata at itinulak ito.
Nasaktan si Binong at sa malaking galit, kinuha sa lukbutan ang balisong at sinaksak ang dalaga. Habang tumatakbong palabas ng bahay, sumigaw ang salbaheng lalaki.
"Kung hindi ka mapasaakin, walang ibang makaaangkin sayo."
Sa laki ng galit ni Lino nang mabalitaan ang nangyari, tutugisin sana si Binong at ipaghihiganti ang kanyang mahal ngunit napayuhan ng mga kamag-anak.
"Bayaan nating ang may kapangyarihan ang umusig sa kanya."
Inilibing si Ilang sa libingan ng bayan. Buong araw na binantayan ng nagdadalamhating binata ang kanyang puntod.
"Mahal kong Ilang, sana'y hindi ako lumayo. Patawarin mo ako. Sana'y hindi ito nangyari," taghoy niya.
Kinabukasan, nang balikan niya ang libingan ng dalaga, napansin niyang nagkalat sa puntod ang maraming bulaklak. Nalaglag ang mga ito sa punong nakayungyong sa puntod. Dati-rati ay wala itong bulaklak; ngayon tiningala ng binata ang marami, naninilaw sa itaas ng puno.
Tinawag ng mga taganayon na ilang-ilang ang mabangong bulaklak sa paggunita sa mabait na si Ilang.