Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: Alamat Kung Bakit Maalat Ang Dagat

Sunday, 2 October 2016

Alamat Kung Bakit Maalat Ang Dagat

Maraming iba't ibang kwento kung bakit maalat ang dagat. Ito ang isa mga iyon.

Habang binabaybay ni Alfonso ang gubat, bitbit ang hamon na bigay ng mayamang kapatid, siya'y nag-iisip.

"Mabuti pa si Kuya, ang galing na ng buhay. Kay laki ng bahay at ang gagara ng kasangkapan."

Biglang may lumitaw na duwende sa kanyang dadaanan. Narinig yata ang kanyang sinasabi sa sarili, o di kaya ay naamoy ang hamon na dala niya. Mahlig pala ang mga duwende sa hamon.

"Ginoo," bati niya kay Alfonso, "gusto mo palang yumaman. Tutulungan kita, basta't ibigay mo sa akin ang hamon mo."

"Paano mo ako matutulungan?" ang tanong ng nagdududang Alfonso. "Gusto mo lang yatang makuha ang hamon ko. Hindi ko ito basta maibibigay dahil mga isang buwang maiuulam ito ng asawa ko. Mahilig din siya sa ganitong pagkain."

"Tiyak na matutuwa ang asawa mo sa ipapalit ko diyan. ito, gilingang mahiwaga. Kahit anong bagay o pagkain ang ipagiling mo dito ay gagawin nito at ibibigay sa iyo. Sabihin mo lang ang nais mong ibigay sa iyo."

"O sige. Palit tayo." At nagpatuloy na sa kanyang lakad si Alfonso. Dala niya  ang gilingan, sumakay sa bangka para makauwi agad. Nasa kabila ng dagat ang tinitirahan niya. Pihadong naiinip na sa paghihintay ang kanyang asawa.

Nang nasa kalagitnaan na ng dagat ang bangka, napagpasiyahan ng lalaki na magpagiling ng asin. kakaunti na ang asin na paninda ng asawa niya.


"Matutuwa si Mameng pag dinalhan ko siya ng maraming asin. Sana'y huwag na siyang maghanap pa ng hamon. Aba, siyanga pala! Mauutusan ko ring gumiling ng hamon ito pagkatapos. Mahiwaga raw ito sabi ng duwende."

Inilagay sa harapan niya ang gilingan at sinabi rito, "Gumiling ka ng asin." At naglabasan ang asin sa bibig nito. Labasan ng labasan ang asin. Mayamaya pa'y halos puno na ang bangka.

"Tama na!" sigaw ni Alfonso.

Ngunit giling parin ng giling ng asin. "Paano ba ito patigilin?" Hindi nga alam ni Alfonso ang pagpapatigil sa gilingan, kaya umawas na ang asin sa bangka.

Lumubog ang bangka kasama ang asin at ang gilingan. Mabuti na lamang at hindi nalunod si Alfonso. Ang gilingan, magpahanggang ngayon, ay gumigiling parin ng asin sa ilalim ng dagat.

No comments:

Post a Comment