Ang mga ahas ang pinakapaboritong hayop ng diwata ng kagubatan. Napakamasunurin kasi nila at matapat. Tuwang-tuwa ang diwata sa magandang musika hatid ng mga ahas. Kinaiinggitan sila ng iba pang mga hayop dahil sa pagiging malapit ng diwata sa kanila. "Mabuti pa ang mga ahas. Nakakapaglabas-masok sila sa kaharian ng diwata. Alam na alam nila ang bawat sulok dito," ang naiinggit na wika ng ibang hayop.
May isang pinakaiingatang kahon ang diwata. Ito ay ang kahon ng kapangyarihang nakatago sa kanyang silid na may ginintuang pinto. Nang minsang umalis ang diwata upang tingnan ang kalagayan ng kagubatan ay binilinan nya ang mga ahas na pamahalaan ang kanyang kaharian. "Maaari ninyong buksan ang lahat ng silid at magmasid sa loob ng mga ito subalit huwag na huwag kayong papasok sa silid na may ginintuang pinto. Kayo na muna ang mamahala rito." ang bilin niya.
Nilibot ng mga ahas ang palasyo upang magmasid sa lahat ng mga nagtatrabaho rito. Nang matapat sila sa pintong ipinagbabawal ay hindi nila napigilan ang napakalakas na tukso ng kinang nito. "Ano kaya ang itinatago rito ng diwata? Baka may iba pang bagay rito na makadaragdag sa ating kakaibang katangian," ang sabi ng isang ahas.
Nilason ng paghahangad sa kapangyarihan ang kanilang mga puso. Binuksan nila ang ginintuang pinto at nakita nila sa isang pedestal ang kahon ng kapangyarihan. Binuksan ng isa ang kahon at napuno ng liwanag ang buong silid. Nang kanila itong isinara ay naghintay sila ng kakaibang magaganap sa kanila subalit tila walang nangyari.
"Tulong! Tulungan n'yo ako. Parang awa n'yo na!" ang tinig na bigla nilang narinig. Dagli silang lumipad upang sumaklolo. Nakita nila ang isang unggoy na may palaso sa dibdib. Nang haplusin ng isang ahas ang sugat nito ay agad itong gumaling! Namangha sila sa bagong kapangyarihan.
Nabalitaan ng buong kaharian at kagubatan ang pangyayari kaya dumagsa sa kanila ang mga sugatang hayop. Nagalak sila sa kanilang bagong kakayahan. Hindi pa lumulubog ang araw ay marami na ang humahanga at halos sumamba sa mga ahas sa husay nila sa panggagamot. Nakita nilang pwedeng pagkakitaan ang bagong kapangyarihan kaya humingi sila ng pilak bilang kabayaran sa kanilang pagpapagaling. Pinasok na rin ng kasakiman ang kanilang puso.
Galit na galit ang diwata nang matuklasan ang pangyayari. Alam niyang nabuksan ang kahon ng kanyang kapangyarihan. "Sinuway nila ang aking mahigpit na utos. Mga lapastangan! Hanapin at iharap sila sa akin sa lalong madaling panahon!" ang galit na galit na utos ng diwata. Nalaman ng mga ahas ang utos ng diwata kaya nagtago sila agad. Noong una'y hindi mahuli-huli ng mga inutusang hayop ang mga ahas. Kapag nakaramdam kasi ang mga ito na dumarating ang mga darakip sa kanila'y mabilis silang tumatakbo o lumilipad papalayo. Dumating ang araw na sila'y nakatulog nang mahimbing dahil sa matinding pagod sa katatago. Dito sila natagpuan at nadakip.
"Mga traydor! Gagapang kayo sa hirap at kamumuhian kayo ng lahat ng nilalang! Ako pa rin ang pinakamakapangyarihan sa buong kaharian. Ang inyong kakayahang magpagaling ay mapapalitan ng lasong nakamamatay. Mawawala ang maganda ninyong tinig at ituturing kayong kaaway ng lahat. Hindi kayo papayagang makalapit at mamuhay malapit sa mga tao. Kung kayo ay kanilang makikita ay kikitilin agad nila ang inyong buhay. Nakatatak sa kanilang isip na kayo ay taksil at handang manuklaw anumang oras!" ang matapang na sumpa ng diwata sa mga ahas nang iharap sila sa kanya.
No comments:
Post a Comment