Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Sunday, 27 November 2016

Si Mariang Makiling at Ang Alamat ng Bundok Makiling

Ayon sa mga ninuno kong taga Santo Tomas, Batangas, tunay daw na may diwatang nagngangalang Maria sa bundok ng Makiling.

Marami raw ang nakakakita sa dalaga kapag umaakyat sa bundok. Napakaganda raw at napakabait. May mga nakakahiram pa raw sa dalaga ng magagarang damit at alahas para sa mga pagdiriwang.

Paminsan-minsan, kapag may ikinakasal, nahihiraman ng trahe de boda, damit na pangkasal, at mga singsing at hikaw na gagamitin ng nobya.

Malaon nang wala na ang diwata. Wala nang makakita sa kanya kahit hanapin pa siya sa lahat ng dako ng bundok. May nagsasabing marahil daw kaya ayaw nang magpakita sa tao ay dahil marami sa mga hiniram na pag-aari niya ay hindi na isinauli. May mga tao nga namang hindi marunong magsauli ng hiniram lamang.



May nagkuwento naman na may naging kasintahan daw si Maria na isang maggagatas na naging taksil sa pagmamahalan. isinuko ni Maria ang kaniyang puso sa lalaki. Nag-ibigan  sila. Ngunit ang lalaki ay nagpakasal sa ibang dalaga na nakilala niya sa ibang bayan.

Sa laki raw ng dalamhati ng diwata, nagkasakit siya, naratay sa banig ng karamdaman, at di naglaon ay pumanaw.

Kung kayo ay papunta sa lalawigan ng Batangas at dumaan kayo sa Santo Tomas at Tanauan, matatanaw ninyo ang bundok Makiling. Tila baga isang diwata ang nakahimlay sa ibabaw ng bundok, nakalaylay ang buhok. Naghihintay pa kaya sa kasuyong hindi naging tapat sa kanilang pag-iibigan, o sa mga  kasuotang sa kanya ay hiniram?

Ang Alamat ng Unang Bahaghari

Nagtataka ang magbubukid kung bakit ang pader na itinayo niya ay laging bumabagsak. Sinubukan niyang magbantay isnag gabi para malaman kung sinong malikot ang may kagagawan.



Nahuli niya'y tatlong dalagang-bituin na naglalaro sa kanyang bakuran. Nakatakas ang dalawa nang mapansin siya. Ang isa, dahil hindi makita ang mahikang mga pakpak niya, ay naiwanan.




Nagkaibigan ang magbubukid, na siya palang nagtago ng pakpak, at ang dalagang-bituin. Nagpakasal sila at nagkaroon ng isang supling na lalaki.

Isang araw, sa paglilinis ng babae sa ilalim ng bahay, natagpuan niya ang nawawalang pakpak. Dagli niyang isinuot ang mga ito at pumailanlang sa kalangitan, kasama ang anak.

Nahabag ang mga diyos sa magbubukid kaya naglagay sila ng bahaghari para madaanan nito paakyat sa mga alapaap para muling makita ang asawa't anak.