Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Tuesday 4 June 2019

Ibat-Ibang Alamat ng Marikina

Buhat sa pangalan ng isang paring ang pangalan ay Mariquina - Isa siyang batang pari na ang pangalan ay Mariquina. Binigyan siya ng tungkuling binyagan ang mga bata at gawing Kristiyano.  Isa rin siya sa mga nagpatayo ng kapilya sa Jesus dela Peña.  Dahil sa naitulong niya sa bayan natin, pinangaralan siya at ipinangalan ang bayan natin sa nasabing pari.

Buhat sa isang babae na ang tawag ay Maria Cuina - Bago pa raw dumating ang mga Kastila sa Mariquina, isang maganda, mabait at matalinong babae ang naninirahan sa bayan.  Dahil sa kakayahan niya sa negosyo, ang buhay niya ay umunlad. Ginamit niya ang kanyang pera sa kawanggawa. Naging tanyag siya dito hanggang sa Maynila. Sa tuwing dadalaw ang ibang tao mula sa ibang bayan at magtatanong ng pangalan ng ating bayan, sinasagot sila na ang pangalan ay Maria Cuina, sa pag-aakalang tinatanong ang kanilang pinagpipitagang babae. Mula noon, ang bayan ay nakilalang Mariquina.






Buhat sa salitang Marikit-Na - Noong panahon na ginagawa ang bisita sa Jesus dela Peña sa pamamahala nga mga paring Hesuitas at ang mga trabahador ay mga Pilipino. Kastila ang salita ng mga pari noon at Tagalog naman sa mga manggagawa, dahilan ng madalas na hindi pagkakaintindihan.  Nang matapos ang kapilya ay tinanong ng pari kung ano ang itatawag sa lugar na iyon, dali daling sumagot ang isang manggagawa ng "marikit-na-po," sa pag-aakalang tinatanong ang kalagayan ng kapailya. Mula noon, ang lugar na iyon ay tinawag na Marikina.

Buhat sa isang bayan sa Espanya na ang pangalan ay Mariquina - Sa probinsiya ng Nueva Viscaya sa Espanya ay may isang bayan na ang pangalan ay Mariquina, na pinangalanan sa karangalan ng isang Eduardo de Mariquina, isang bantog na musikero noon. Ang bayan ng Mariquina sa Espanya ay nasa tabing ilog ng Charmaga na siyang pinanggalingan ng mga paring Hesuita na naparito sa Pilipinas at siyang nagtatag ng kapilya sa Jesus dela Peña.  Dahil dito, pinalalagay ang Mariquina sa bayan upang parangalan ang kanilang pinanggalingan bayan sa Espanya.  Noong 1901, pinalitan ni Komisyonado Pardo de Tavera ang letrang "Q" ng letrang "K" kaya naging Marikina.

Batay sa kasaysayan at dokumento  na nasa pag-iingat ng pamahalaang bayan ng Marikina, ang bayan ay unang tinawag na Marikit-na noong 1787 at di naglaon ay ginawang Mariquina.  Ayon kay Dr. Trinidad Pardo de Tavera, ang Mariquina ay para sa karangalan ni Kapitan Berenguer de Mariquina na siyang namumuno sa ating bayan noong 1788.

(Reference used: Marikina 1630)

Sunday 24 March 2019

Alamat ng Apoy

Noong unang panahon, wala kang mapapansing apoy sa paligid. Ang tanging apoy na makikita mo ay binabantayan ng dalawang higante sa isang malaking yungib.

Gustung-gusto ng mga taong magkaroon ng apoy upang ang kadiliman ng gabi ay maliwanagan. Pero mahigpit magbantay ang dalawang higante. Ayaw nilang magbigay ng apoy kaninuman.

Tanging ang maabilidad na si Lam-ang ang nakaisip ng paraan. Tinawag niya ang ilang hayop na kaibigan. Sinabi niya ang isang plano kung paano makaaamot ng apoy na inaasam-asam.

Pinatayo ni Lam-ang ang Palaka sa kabukiran. Pinatindig niya ang Kabayo sa paanan ng bundok. Pinagbantay niya ang Alamid sa buhanginan. Pinaghintay niya ang Aso sa palanas. Pinagmanman niya ang Baboy-Damo sa lambak na malapit sa kwebang tirahan ng mga higante.

Matapos suriin ang katauhan ng dalawang kinakatakutang nilalang, nahinuha ni Lam-ang na totoo ngang mapanganib na kalabanin ang mga higante pero may puso rin ang mga ito kung pakikipagkaibigan ang layunin ng tao. Sinikap na kaibiganin ni Lam-ang ang dalawang nalulungkot na nilalang. Nang makuha niya ang simpatiya ng dalawang higante ay sinabi niya ang hinaing ng mga tao.

“Kailangang-kailangan ng mga kababayan ko ang munting titis ng apoy na binabantayan ninyo. Maaaring bang umamot sa inyo ng kahit katiting man lang nito?”

Napakunot ng noo ang dalawang higante, “Bantay kami ng apoy na ito. Ikinalulungkot naming hindi ka mabibigyan ng kahit na maliit na ningas nito.”

“Maawa na kayo sa mga tao. Mapapabuti ng apoy ninyo ang kabuhayan ng mga kalahi ko.”

“Akala ko ay nakikipagkaibigan ka, bakit kailangang ipakiusap ang hiling ng mga kalahi mo?” nagtatakang usisa ng unang higante.

“Katulad ka rin ng iba na may masamang layunin sa paglapit sa amin. Naiiba ka lang sa kanila sapagkat nakipagkaibigan ka muna bago ipinilit ang masamang layunin,” nagngangalit ang mga ngiping sabi ng ikalawang higante.

“Kaaway ka rin namin! Kaaway! Kaaway!”

Nang mapansin ni Lam-ang na nanginginig ang mga baba at nawala ang pagtitiwala ng mga higante ay inunahan na niya ang mga ito sa pagtayo. Mula sa pintuan ng kweba ay kaagad siyang humudyat sa Baboy-Damo na biglang umatungal. Umalulong kaagad ang Aso sa palanas. Humiyaw ang Alamid sa buhanginan. Humalinghing ang Kabayo sa paanan ng bundok at kumokak nang kumokak ang Palaka sa kabukiran.

Lalong pinagbuti ng mga hayop ang sama-samang pambubulahaw. Pinagsabay-sabay nila ang malalakas nilang tinig na pilit na isinisigaw. Gusto nilang tulungan si Lam-ang. Gusto rin nilang tulungan ang lahat ng tao sa sandaigdigan. Ang maliit na titis ng apoy ay simula ng isang bagong kinabukasan. Ang pinagsama-samang atungal, alulong, ngiyaw, halinghing at kokak ay lubhang tumakot sa nanginginig na mga higante na napatakbong palabas sa kweba.





Mabilis na nagpasiya si Lam-ang. Kaagad siyang nagnakaw ng maliit na titis ng apoy. Itinakbo niya itong papalabas pero nakita siya ng mga higante na galit na galit na humabol. Lalong binilisan ni Lam-ang ang pagtakbo. Tiyak na papatayin siya ng dalawang higante kapag inabutan sa daan. Tumakbo siya nang tumakbo. Hapung-hapo na siya subalit gusto niyang mapagwagian ang apoy na ipinakikipaglaban alang-alang sa sandaigdigan. Babagsak na sana siya sa pagod nang dali-daling maabot ng naghihintay na Baboy-Damo ang nagniningning na titis ng apoy. Umaatikabong habulan na naman ang naganap. Aabutan na sana ng mga higante ang Baboy-Damo nang mahawakan ng umaalulong na Aso sa palanas ang nagdiringas na apoy. Habulan uli. Lawit na ang dila ng Aso sa kakatakbo pero pinanindigan nito ang pagtulong sa mga tao. Bibigay na sana ang hilahod na Aso nang abutin naman ng nagngingingiyaw na Alamid sa buhanginan ang nagliliyab pang apoy. Sige pa rin ito sa pagtakbo. Sige rin ang dalawang higante sa paghabol dito. Habang napapagod ay lalong lumalakas ang dalawang dambuhala. Mabibilis pa rin ang mga higante. Paspas din sa pagtakbo ang Alamid na animo hangin sa bilis. Matagal ang habulan. Hapo na ang Alamid pero kapag naiisip ang pagtulong kay Lam-ang at sa daigdig ay nag-iibayo ang sigasig nito. Hihimatayin na sana ang Alamid nang parang buhawing agawin ng Palaka sa kabukiran ang aandap-andap na titis na apoy. Mabilis pa sa alas-kwatrong tumalon nang tumalon ang palaka. Mataas ang talon nito papalayo sa nag-aalborotong higante. Sa laki ng mga hakbang ng dalawang dambuhala ay naabutan nila ang palaka at nahawakan ang mahabang buntot nito. Inisip ng Palaka ang pangako nito na pagtulong kay Lam-ang at sandaigdigan kaya ubod lakas pa rin itong nagtatalon na ikinaputol ng kanyang buntot. Sa pagsisikap na marating ang mga tao ay isang napakataas na pagtalon ang ginawa nito na naging dahilan upang makuha ng sandaigdigan ang maliit na titis ng apoy. Ang buong lakas na pagtalon ang ikinaluwa ng mga mata ng pobreng Palaka.

Naabot ng mga tao ang apoy na nagpaunlad sa sandaigdigan.

“Mabuhay si Lam-ang!” sigaw ng kalalakihan.

“Mabuhay ang apoy ng tagumpay!” pagbubunyi ng kababaihan.

Sa pagkapahiya ng mga higante ay nagbalik sila at nagkulong sa kanilang kweba.

Iyan ang simula ng pagkakaroon ng apoy sa daigdig.