Ang mga Ifugao ay may isang mahalagang agimat na nagpapatapang sa kanila kung sila ay makikidigma, maglalakbay ng malayo, mangangaso sa masinsing kagubatan o tatawid sa malalaking ilog. Tinatawag itong kodla o kiwil. Ang agimat na ito ay maaaring sa anyo ng isang maliit na bato, isang pirasong buto, isang maliit na bubuli, o tinipong mga damo ngunit ang paniniwala sa kanyang kapangyarihan ay di kailanman mapag-aalinlanganan ng mga matatandang Ifugao. Ang kodla ay isang pambihirang ari-arian at mapalad ang isang Ifugao na nagmamay-ari ng isa nito, dahil igagalang at katatakutan ng mga kapatid niyang di naging mapalad.
Ang kodla ay isang agimat na pinaghirapang makamit ng unang nagmay-aring mga Ifugao. Isasalaysay ng kwentong ito kung paano nakamit ni Cabigat ang unang kodla na isinalin mula sa nakaraang henerasyon hanggang sa kasalukuyan.
Nooong unang panahon ay may mag-asawang naninirahan sa Lamut na nagngangalang Cabigat at Bugan. Sila ay masasaya dahil marami silang nakukuhang pagkain at mga hayop. Isang araw lumabas si Cabigat upang mamasyal na karaniwang isinasagawa sa mga kalapit na nayon. Habang sila’y wala, inilabas ng kanyang asawang si Bugan ang kanyang panghabi upang humabi ng isang tapis. Noong dakong hapon, isinampay niya ang natapos na tapis sa silong ng bahay. Sila'y nagbayo ng palay para sa hapunan at agahan.
Sa ambato, naisipan ni Puwek, ang bathala ng bagyo, na mamasyal sa mga kabundukan, burol at lambak. Sinimulan niya ang kanyang paglalakbay sa pamamagitan ng pagdaraan sa ilang nayon hanggang sa makarating siya sa Lamut. Isa itong mapanirang paglalakbay dahil sa lahat ng naraanang mga punongkahoy at pananim ay walang awang nasisira. Ang panghabi ni Bugan ay tinangay din at nasira, ata ang palay na kanyang binayo ay kumalat sa lupa. Ang kaawa-awang si Bugan ay umiiyak na napaupo samantalang nagdaraan ang nagngangalit na hangin. Pagkatapos ng bagyo, si Cabigat ay umuwi.
Subalit ano ang kanyang nakita? Nakita niyang ang lahat ng kanyang mga punong namumunga ay nabuwal at ang panghabi at palay ay nakakalat sa lupa. Namamaga rin ang mga mata ni Bugan dahil sa pag-iyak. Walang kibo si Cabigat. Wala siyang masabi kahit isang salita dahil sa ang laman ng kanyang puso ay pulos pagkagalit. Matapos na minsan pang pagmasdan ang naging masamang kapalaran, madamdaming nasabi ni Cabigat na Bakit, sino ang gumawa ng lahat ng ito?
Dahan-dahang itinaas ni Bugan ang kanyang ulo at sumagot, Dumating sa hapong ito si Puwek at walang awang ibinuwal ang lahat ng ating mga namumungang puno, sinira ang aking panghabi at ikinalat ang lusong. Sumisigaw ako sa pagmamakaawa ngunit hindi niya ako pinakinggan.
Tulad ng isang ulol na leon, pumasok sa bahay si Cabigat at kinuha ang kanyang sibat at palakol. Nagbalot siya ng ilang pandikit at nanaog. At saka sinabi sa kanyang asawa, Bugan dumito ka sa bahay at alagaan ang naiwan nating aria-arian. Susundan ko si Puwek, ang bathala ng bagyo. Nais ipaghiganti ang lahat ng paninirang kanyang dinala sa ating masayang tahanan. At pagkatapos ay di naghintay ng kasagutan, si Cabigat ay nagsimula sa kanyang mapanganib na paglalakbay.
Madali niyang nasundan ang kanyang kaaway dahil sinundan lamang niya ang mga daang may palatandaan ng paninira . Mahaba ang paglalakbay, ngunit matapang niyang nilakbay ang mga kabundukan hanggang sa wakas ay marating niya ang Ambato. Sa kanyang labis na pagkamangha, natagpuan niyang ang bahay ni Puwek ay isang engkantong lugar. Ito ay malaki at panay bato. Sa ilalim ay may isang tanel na siyang kinaroroonan ng kuwarto ni Puwek. Walang nabubuhay na bagay sa paligid-ligid ng bato. Pagpapakamatay sa sinuman ang lumapit sa engkantong lugar, ngunit di natakot si Cabigat. Naroroon siya upang maghiganti.
Anong aking gagawin para siya ay mapatay? tanong niya sa kanyang sarili. A, siyanga pala, sasarhan ko ang kanyang pintuan at hahayaan siyang mamatay sa gutom sa sarili niyang kuwarto.
Sinimulang isagawa ni Cabigat ang kanyang balak. Kinuha niya ang kanyang palakol at pinutol ang lahat ng malalaking puno sa pintuan. Ngayon, Puwek, hipan mong mabuti at tingnan ko kung gaano ka kalakas. sigaw ni Cabigat.
Nagmamadaling lumabas ang bathala ng bagyo at hinipang lahat ang mga torso. Lumipad silang lahat at sa itaas sa lahat ng direksyon. Muling pumasok si Puwek sa kanyang kuwarto nang walang sinabi kahit na isang salita.
Hindi nawalan ng pag-asa, ang galit na galit na si Cabigat ay naupo upang umisip ng ibang balak para makapaghiganati. Naisip niyang sarhan ang pinto ng mabibigat na mga torso. Kinuha niyang muli ang kanyang palakol at nanguha ng mga punong yakal. Dinala niya sa bungad ng pinto at itinayo niya ang kanyang pader sa pangalawang pagkakataon. Sa pamamagitan ng dinala niyang pandikit, pinagdikit niya ang mga siwang sa mga torso. At pagkatapos ay buong lakas siyang sumigaw, Puwek, hipan mong muli. Gusto kong subukin ang iyong lakas.
Kaya muling lumabas si Puwek at hinipang palayo ang bakod. Pinagsikapan niyang mabuti, susbalit hindi siya makalabas. Naramdaman niyang nahihirapan siyang huminga.
Sino kang napakatapang para pumarito sa engkanto kong tahana? Ikaw lamang ang taong nakarating sa bungad ng aking pintuan, sigaw ng bathala ng bagyo.
Ako si Cabigat ng Lamut. Sinundan kita dahil sinira mo ang aking mga namumungang puno at ang panghabi ng aking asawa, at iyon itinapon ang palay na kanyang binabayo.
Naramdaman ni Puwek na siya ay lalong hindi makahinga sa loob ng kanyang kuwarto. Kaya nagmakaawa siya kay Cabigat na buksan na ang pinto at nangakong di siya sasasaktan.
Hindi, galit na sagot ni Cabigat. Hindi mo kinaawaan ang aking asawa nang siya’y magmakaawa sa iyo. Kaya gusto kong ipaghiganti ang lahat ng mga paninirang iyong ginawa sa aking masayang tahanan.
Sa loob ng tanel, humina nang humina si Puwek. Pinilit niyang hipan ang bakod ngunit wala siyang magawa. Halos di siya makahinga dahil ang pintuan ay sinarhan. Kaya muli siyang nagmakaawa.
Cabigat, maawa ka, Iligtas mo ang aking buhay. Kung ako’y iyong ililigtas, ituturo ko sa iyo ang seremonya sa paglilinang ng palay. Magiging higit kang mayaman kaysa noon kung matutuhan mo ang bagay na ito, sigaw ni Puwek.
Muling sumagot si Cabigat, Hindi. Hindi ko kailangan ang iyong iniaalok. Mayaman ako sa Lamut at alam ko ang seremonya sa paglilinang ng palay.
Nang ang bathala ng bagyo ay nasa bingit na ng kamatayan, muli siyang nagmakaawa. Ang wika niya’y ibibigay ko sa iyo ang aking kodla at ituturo ko sa iyo ang kiwil. Isang bagay itong makapangyarihan at magpapayaman sa iyo.
Dahil sa malaking pagnanais na malaman ang ituturong karunungan, napaniwala si Cabigat. Inalis niya ang mga torso at masayang lumabas si Puwek. Pagkatapos ay ngumanga siya ng hitso.
Inilabas ni Puwek ang mahiwagang bato at ipinakita sa kanyang bagong kaibigan. Mahalaga sa akin ang batong ito, wika niya. Hindi ako nararapat mawalay dito, ngunit iniligtas mo ang aking buhay. Ibibigay ko ito sa iyo gaya ng aking pangako. Pagkatapos ay itinuro niya kay Cabigat ang seremonya. Sa iyong pag-uwi, huwag mong kalilimutang alayan ako at ang ibang mga bathala ng mga manok at baya, katutubong alak, upang manatili magpakailanman ang kapangyarihan ng iyong kodla..
Oo, wika ni Cabigat , Gagawin kong lahat ang iyong mga sinabi.
Kaya tinanggap ni Cabigat ang kodla mula sa nag-aatubiling kamay ni Puwek.
Sa kanyang daraanan, nakakita si Cabigat ng isang pulang ibong umaawit ng isang nagbababalang awit na nangangahulugan ng masamang kapalaran. Nagalit siya at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay itinuro ang pulang ibon. Ang tuka ng pulang ibon ay agad nabuksang tulad ng isang pares ng gunting. Ang kaawa-awang ibon ay di makapagsalita. Pagkatapos ay tumawa si Cabigat, mabuti, isa na akong makapangyarihang tao ngayon, wika niya sa kanyang sarili. Ipinagpatuloy ni Cabigat ang kanyang paglalakbay. Sa isang bahagi ng daan nakita niya ang isang kawan ng mga balang na nagliliparan sa kanyang daraanan. Batid niyang isa itong masamang palatandaan para sa isang manlalakbay. Kaya kinuha ni Cabigat ang kanyang sibat at tinungayawan ang kawan ng mga balang. Ang kapangyarihan ng kanyang kodla ay muling nasubok sa pangalawang pagkakataon. Mula noon at si Cabigat ay lubos na naniwala sa kapangyarihan ng kanyang gantimpala.
Pagdating niya sa kanyang tahanan, tinipon niya ang kanyang mga kamag-anak at kapitbahay. Sa pamamagitan ng mga inihandang alak at mga manok, isinagawa nila ang seremonya ng pagpapasalamat. Hiningi nila ang pagpapala ng mga bathala sa daigdig sa itaas, gitnang daigdig, daigdig sa ibaba at kay Puwek na nagkaloob kay Cabigat ng kodla at nagturo sa kanya ng kiwil. Ipinagatapat ni Cabigat sa kanila kung paano niya nakamit ang gantimpala. Iginalang ng mga tao ang kanilang pinuno nang higit kaysa noon.
Masayang namuhay si Cabigat at ang kanyang asawa. Naging higit silang mayaman at higit na minahal ng mga tao. Tinuruan ni Cabigat ng kiwil ang ilan sa kanyang mga tao. Lagi siyang tinatawag upang magsagawa ng seremonya para sa kanila. Mula noon ang Lamut ay naging higit na mapayapa at maunlad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kodla at kiwil.
Sa kasalukuyan, ang mga Ifugao, lalo na ang mga matatanda ay nag-iingat pa ng kodla. Natatandaan nilang mabuti sina Bugan at Cabigat para dito. Ang seremonya ng kodla at kiwil at binibigkas sa gayog mga okasyon na matapos ang isang mahabang paglalakabay, kung nag-uuwi sa bahay ng ilan ng bagong karne at sa pakakasakit gaya ng pinaniniwalaan na dala ng masasamang espiritu. Pinaniniwalaan pa rin na ang taong nag-aangkin ng kodla ay ligtas sa alinmang panganib saan man siya magtungo.