Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Tuesday, 29 October 2019

Alamat ng Aswang


ALAMAT NG ASWANG
Noong unang panahon,lima pa lamang ang tao sa mundo.Isa na dito ay ang batang si Lam-eng.
Kasama niya sa kanilang kahariang patag ang kaniyang Tiyo Samuel.

Nandoon din ang dalawa nilang alalay na sina Inas dilim at si Amir-ika sinag.Gabi-gabing nananaginip si Lam-eng tungkol sa isang lalaking kamukhang kamukha niya na nakatira sa bundok.Dahil sa pagkabahala, tinanong niya ang kaniyang Tiyo Samuel ukol dito.

Sinabi sa kaniya ng kanyang Tiyo Samuel na kambal silang ipinanganak ng kanilang inang supremong bathala.

Siya ay pinatira sa patag kasama ng ng kanyang tiyo at ang kaniyang kambal na si Asuw-eng naman ay mag-isang iniwan sa bundok.Napatigil ang kaniyang tiyo sa pagkukuwento.

Naisip kasi nito na kung sakaling magkasama ang dalawang magkapatid, ay magsasama din ang malalakas na kapangyarihan ng mga ito na maaring makapagpawala sa taglay na kapangyarihan ni Tiyo Samuel.

Kaya naman sinabi agad nito na napakabangis na taong may pakpak at dalawang malalaking pangil si Asuw-eng.

Kaya umano ito inilagay sa bundok para doon kumuha ng mga karne ng hayop bilang pagkain. Mas malakas din umano ito kay Lam-eng at maaari itong lapain sakaling lumapit si Lam-eng kay Asuw-eng.Gayumpaman, nais pa ring makita ni Lam-eng ang kaniyang kapatid. Hindi siya pinayagan ng kaniyang Tiyo Samuel kaya sinabi nito na uutusan na lang niya ang dalawang alalay na umakyat sa bundok para makuha si Asuw-eng. Gagawin ito pagsikat ng araw kinabukasan.

Gabi bago ang araw ng pag-akyat sa bundok, pasikretong tinawag ni Tiyo Samuel si Amir-ika.
Sa kanilang pag-uusap, ibinigay ni Tiyo Samuel kay Amir-ika ang dalawang malalaking karayom.
Kailangan umanong itusok ang dalawang karayom sa leeg ni Inas bago pa sila makarating sa tuktok ng bundok.

Dagdag pa rito, kailangan ding sugat-sugatan si Inas na para bang nilapa ng isang mabangis na hayop.

Umakyat na nga ang dalawang alalay sa bundok, at nangyari ang ayon sa plano. Bumaba si Amir-ika na dala-dala ang bangkay ng kasamang si Inas.

Sinabi nito kay Lam-eng na inatake sila ng isang lalaking may pakpak at malalaking pangil. Buti na lang daw at nakatakbo siya ngunit si Inas ang nabiktima.

Natakot si Lam-eng sa nangyari at paniwalang-paniwala siya na halimaw nga ang kanyang kapatid. Bumaba ang dalawang babaeng anghel na itinakdang magbibigay ng anak sa magkapatid.

Ang isa ay pumunta sa bundok at ang isa kay Lam-eng.Nang magkaanak na si Lam-eng, binalaan niya ang mga ito na huwag pupunta sa bundok dahil nandoon ang halimaw niyang kapatid na si Asuw-eng.Nagpasalin-salin sa lahi ni Lam-eng ang kuwento tungkol kay Asuw-eng.

Unti-unti ding nabago ang tawag sa halimaw, mula sa Asuw-eng ay naging asuwang at ngayon nga ay aswang. Nagkaroon din umano ito ng mga anak.

Ang isa ay nahahati ang katawan na kung tawagin ay manananggal at ang lalaking malaki't matikas na tinatawag na kapre, ang lalaking anak ni Asuw-eng.

Saturday, 3 August 2019

Alamat ng Ahas


Noong unang panahon, ang mga ahas ay may malalakas at makukulay na pakpak at anim na paa. Ang kanilang balat ay napakakinis at masarap haplusin. Napakaamo nila at sila'y kaibigan ng lahat ng hayop. Napakalamyos ng kanilang tila musikang tinig na daig pa ang huni ng anumang ibon sa gubat.

Ang mga ahas ang pinakapaboritong hayop ng diwata ng kagubatan. Napakamasunurin kasi nila at matapat. Tuwang-tuwa ang diwata sa magandang musika hatid ng mga ahas. Kinaiinggitan sila ng iba pang mga hayop dahil sa pagiging malapit ng diwata sa kanila. "Mabuti pa ang mga ahas. Nakakapaglabas-masok sila sa kaharian ng diwata. Alam na alam nila ang bawat sulok dito," ang naiinggit na wika ng ibang hayop.

May isang pinakaiingatang kahon ang diwata. Ito ay ang kahon ng kapangyarihang nakatago sa kanyang silid na may ginintuang pinto. Nang minsang umalis ang diwata upang tingnan ang kalagayan ng kagubatan ay binilinan nya ang mga ahas na pamahalaan ang kanyang kaharian. "Maaari ninyong buksan ang lahat ng silid at magmasid sa loob ng mga ito subalit huwag na huwag kayong papasok sa silid na may ginintuang pinto. Kayo na muna ang mamahala rito." ang bilin niya.

Nilibot ng mga ahas ang palasyo upang magmasid sa lahat ng mga nagtatrabaho rito. Nang matapat sila sa pintong ipinagbabawal ay hindi nila napigilan ang napakalakas na tukso ng kinang nito. "Ano kaya ang itinatago rito ng diwata? Baka may iba pang bagay rito na makadaragdag sa ating kakaibang katangian," ang sabi ng isang ahas.

Nilason ng paghahangad sa kapangyarihan ang kanilang mga puso. Binuksan nila ang ginintuang pinto at nakita nila sa isang pedestal  ang kahon ng kapangyarihan. Binuksan ng isa ang kahon at napuno ng liwanag ang buong silid. Nang kanila itong isinara ay naghintay sila ng kakaibang magaganap sa kanila subalit tila walang nangyari.

"Tulong! Tulungan n'yo ako. Parang awa n'yo na!" ang tinig na bigla nilang narinig. Dagli silang lumipad upang sumaklolo. Nakita nila ang isang unggoy na may palaso sa dibdib. Nang haplusin ng isang ahas ang sugat nito ay agad itong gumaling! Namangha sila sa bagong kapangyarihan.

Nabalitaan ng buong kaharian at kagubatan ang pangyayari kaya dumagsa sa kanila ang mga sugatang hayop. Nagalak sila sa kanilang bagong kakayahan. Hindi pa lumulubog ang araw ay marami na ang humahanga at halos sumamba sa mga ahas sa husay nila sa panggagamot. Nakita nilang pwedeng pagkakitaan ang bagong kapangyarihan kaya humingi sila ng pilak bilang kabayaran sa kanilang pagpapagaling. Pinasok na rin ng kasakiman ang kanilang puso.




Galit na galit ang diwata nang matuklasan ang pangyayari. Alam niyang nabuksan ang kahon ng kanyang kapangyarihan. "Sinuway nila ang aking mahigpit na utos. Mga lapastangan! Hanapin at iharap sila sa akin sa lalong madaling panahon!" ang galit na galit na utos ng diwata. Nalaman ng mga ahas ang utos ng diwata kaya nagtago sila agad. Noong una'y hindi mahuli-huli ng mga inutusang  hayop ang mga ahas. Kapag nakaramdam kasi ang mga ito na dumarating ang mga darakip sa kanila'y mabilis silang tumatakbo o lumilipad papalayo. Dumating ang araw na sila'y nakatulog nang mahimbing dahil sa matinding pagod sa katatago. Dito sila natagpuan at nadakip.

"Mga traydor! Gagapang kayo sa hirap at kamumuhian kayo ng lahat ng nilalang! Ako pa rin ang pinakamakapangyarihan sa buong kaharian. Ang inyong kakayahang magpagaling ay mapapalitan ng lasong nakamamatay. Mawawala ang maganda ninyong tinig at ituturing kayong kaaway ng lahat. Hindi kayo papayagang makalapit at mamuhay malapit sa mga tao. Kung kayo ay kanilang makikita ay kikitilin agad nila ang inyong buhay. Nakatatak sa kanilang isip na kayo ay taksil at handang manuklaw anumang oras!" ang matapang na sumpa ng diwata sa mga ahas nang iharap sila sa kanya.


Dagling nawala ang malalaki at makukulay na pakpak ng mga ahas at maging ang kanilang mga paa ay naglahong parang bula pagkabigkas ng diwata ng sumpa. Ang dating makinis nilang balat ay biglang tinubuan ng makapal na kaliskis. Naglaho ang matimyas nilang tinig. Ang kanilang mga pangil ay naglalaman na ngayon ng makamandag na lason.