Noong panahon na bata pa ang mundo, ay may isang mag-anak ang tahimik at masayang namumuhay sa loob ng kakahuyan. Ang ama, si Roque, ay mabait at mapagkalinga sa kanyang pamilya. Nagtatanim siya ng mga gulay at nanghuhuli ng mga hayop sa gubat upang kanilang pagkain. Samantalang ang ina naman, si Magda, siyang nag-aasikaso sa kanilang bahay at dalawang anak na sna Maria at Jose.
Minsan, nagulat ang pamilya sa pagdating ni Roque dahil may kasama itong lalaking may sugat. Inalagaan ito ng pamilya. At sa paglipas ng panahon, naging malakas na ang lalaki na nakilala nilang Damaso.
Isinalaysay ni Damaso na pinalayas siya ng kanyang amo dahil sa hindi niya nabantayan ang taniman nito ng ubaaas, naging dahilan upang manakaw ang bunga ng mga ito. At sa kanyang paglayas, naligaw siya sa gubat at inatake ng maraming alamid.
Naawa naman ang pamilya kay Damaso, kaya doon na pinatira sa bahay nila ito. Itinuring nila itong kapamilya at nakatulong pa kay Roque sa pang-araw-araw na pahahanap ng pagkain.
Ngunit lingid kay Roque, may namumuong lihim na pagkagusto sina Magda at Damaso sa isa't isa. At isang araw nga, nagpasya sina Damaso at Magda na tumakas at mamuhay sa ibang lugar. Nag-iyakan ang dalawang bataang sina Maria at Jose.
"Ina, huwag mo po kaming iwan!" ang iyak ni Maria.
"Oo nga po! Mang Damaso, huwag n'yong kunin an gaming ina!" ang iyak ni Jose. Ngunit hindi napigilan si Magda ng kanyang mga anak. Sumakay pa rin sila ng bangka at umalis kasabay ng agos no ilog.
Lalong nag-iyakan ang dalawang bata. Nais sanang magbago ng isip si Magda, ngunit nanaig ang kanyang pagkagusto kay Damaso. Mula sa malayo, anong gulat nila Magda nang makitang nagtalunan sa ilog sina Maria at Jose upang humabol. Napatayo si Magda sa bangka, dahil alam niyang hindi marunong lumangoy ang dalawang bata. Siyang pagdating ni Roque na agad ding tumalon sa ilog upang iligtas ang mga anak. Ngunit lumakas ang agos ng ilog, at napailalim sa tubig ang mag-aama.
Mula sa malayo, natanaw nina Magda at Damaso ang pangyayari at sising-sisi ang dalawa sa kanilang nagawa, lalo pa't hindi na nila nakitang pumaimbabaw sa tubig ang mag-aama. Bigla, mula sa tubig ay isang babae ang lumutang sa hangin.
"Masahol pa kayo sa mga hayop! Dahil sa inyong makasariling pagnanasa ay nagawa ninyong saktan ang ibang tao. Dapat lamang kayong maging kauri ng hayop," ang wika ng babaeng diwata pala ng ilog.
Bigla ang pagbabago ng anyo ni Magda at Damaso. Ang kanilang katawan ay napuno ng balahibo, humaba ang kanilang mga nguso, tumalim ang mga ngipin at nagkapangil, bagkus ay ungol at kaktwang ingay ang lumalabas sa kanilang bibig.
"Mananatili kayo sa ganyang anyo, hangga't ikaw Damaso, ay hindi natutong tumanaw ng utang na loob sa taong nagpapala sa iyo, at ikaw Magda, hangga't hindi mo naipapakita ang tunay mong pagmamahal sa iyong mga magiging anak," at nawala na ang diwata pagkawika niyon.
Ang dalawang isinumpa ay namuhay sa kakahuyan. Nagkaroon sila ng maraming anak. Sila ang unang angkan ng mga aso sa daigdig. Sa pagdami ng mga tao, ang mga aso ay naging alaga nila sa kanilang mga tahanan.
At hanggang ngayon nga ay pinatutunayan pa rin ng mga aso na sila ay tapat sa kanilang mga amo. Binabantayan nila ang mga bahay ng kanilang amo at ipinagtatanggol ang mga ito sa mga kaaway, upang patunayan na tumatanaw sila ng utang na loob, sapagkat umaasa pa rin silang mawawala ang sumpa ng diwata.
Ang mga inahing aso naman ay labis na binabantayan ang kanilang mga tuta, upang sa ganun ay papatunayan ding marunong na silang magmahal sa kanilang mga anak.
Kaya't maging maingat tayong makasakit ng ibang tao, lalo na sa mga nagpapala o tumutulong sa atin, sapagkat may kaparusahan sa mga taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob na tulad ni Damaso, at ganun din sa mga taong hndi marunong magmahal na tulad ni Magda.