Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Wednesday, 31 March 2021

Alamat ng Alitaptap


Noong unang panahon, may isang makisig na binata na nais mag-asawa ng pinakamagandang dilag. Siya ay mayabang at masyaong malaki ang pagkakilala sa sarili. Kung minsan tuloy, nagdaramdam ang ilang mga dalaga s kanya dahil sa pamimintas niya kahit nakaharap ang dalaga.

Isang araw, papunta na siya sa bundok upang manguha ng yantok nang masalubong niya ang isang napakagandang dalaga na nakasuot ng putting-puti.


"Napakagandang dalaga," wika niya sa sarili at tuloy-tuloy na nilapitan niya ito.


Nang malapit na siya, nagtatakbo ang dalaga at nawalang parang bula. Hinanap niya ang dalaga sa buong kagubatan ngunit hindi niya nakita.


Sa tagal at hirap na dinanas ng binata sa paghahanap sa dalaga, nagalit siya.


"Hindi ka talaga maganda. Ang ilong mo'y pango, ang mata mo ay duling at ang mga tenga mo ay malalapad!" sigaw ng binata.


Dahil sa pagkahapo ay nahiga siya sa lilim ng punung-kahoy para magpahinga. Naidlip siya at nang magising, nakita niya ang magandang dilag. Alam niyang maganda talaga ang dalaga at hindi totoo ang sinabi niya.


Siya ng dalaga, "ininsulto mo ako, kaya mula ngayon, ikaw ay magiging isang kulisap. Manunumbalik lamang ang anyo mo kapag naipakita mo sa akin ang isang dalagang mas higit ang kagandahan sa akin. Humayo ka at hanapin mo ang dalagang sinasabi ko para mabalik ang dati mong anyo," ang utos ng engkantadang babae.


Lumipad ang binatang naging kulisap upang hanapin ang babaeng mas maganda pa kaysa sa engkantada. Naghanap siya gabi't araw. Upang makita niya ang babaing gaganda pa sa sumpa sa kanya, nagdala siya ng ilaw tuwing gabi. Ang binatang yaon na naging kulisap ang tinawag natin ngayong alitaptap.

Alamat ng Anay

Si Ranay ay isang matakaw na batang nakatira sa mahirap na bayan ng Sto. Cristo sa may norte. Bagamat naghihirap ay alaga siya ng ama’t ina sa masasarap na pagkain. Nag-iisa kasing anak si Ranay. Inakala nga noon ng mga magulang na hindi na magkakaanak dahil matanda na ang kanyang ina pero isinilang parin siya.


Mahal na mahal ng ama’t ina si Ranay. Halos gawin na siyang prinsesa ng mga ito.  Ayaw siyang pagawain sa bahay at sustentado siyang mabuti sa pagkain. Lumaki si Ranay na ang trabaho ay kumain at ang libangan ay kumain parin. Payat na payat na ang ama’t ina niya para matustusan ang kanyang pangangailangan.


Dumating ang hindi inaasahan ni Ranay. Magkasabay na namatay sa isang aksidente ang ama at ina. Dahil ang alam lang ay kumain, hindi alam ni Ranay kung paano ma-buhay na siya ang kikilos at magta-trabaho. Hindi nagtagal ay namayat siya at namatay.


Matagal ng patay si Ranay nang isang araw ay mapansin ng dating kapitbahay na pabagsak ang kanilang bahay. Nang suriin nila ito ay nakita ang isang insektong kumakain ng kahoy. Naalala nila si Ranay. Marahil anila ay ito si Ranay. Tinawag nilang ranay ang insekto na katagalan ay naging anay.