Noong unang panahon, may isang makisig na binata na nais mag-asawa ng pinakamagandang dilag. Siya ay mayabang at masyaong malaki ang pagkakilala sa sarili. Kung minsan tuloy, nagdaramdam ang ilang mga dalaga s kanya dahil sa pamimintas niya kahit nakaharap ang dalaga.
Isang araw, papunta na siya sa bundok upang manguha ng yantok nang masalubong niya ang isang napakagandang dalaga na nakasuot ng putting-puti.
"Napakagandang dalaga," wika niya sa sarili at tuloy-tuloy na nilapitan niya ito.
Nang malapit na siya, nagtatakbo ang dalaga at nawalang parang bula. Hinanap niya ang dalaga sa buong kagubatan ngunit hindi niya nakita.
Sa tagal at hirap na dinanas ng binata sa paghahanap sa dalaga, nagalit siya.
"Hindi ka talaga maganda. Ang ilong mo'y pango, ang mata mo ay duling at ang mga tenga mo ay malalapad!" sigaw ng binata.
Dahil sa pagkahapo ay nahiga siya sa lilim ng punung-kahoy para magpahinga. Naidlip siya at nang magising, nakita niya ang magandang dilag. Alam niyang maganda talaga ang dalaga at hindi totoo ang sinabi niya.
Siya ng dalaga, "ininsulto mo ako, kaya mula ngayon, ikaw ay magiging isang kulisap. Manunumbalik lamang ang anyo mo kapag naipakita mo sa akin ang isang dalagang mas higit ang kagandahan sa akin. Humayo ka at hanapin mo ang dalagang sinasabi ko para mabalik ang dati mong anyo," ang utos ng engkantadang babae.
Lumipad ang binatang naging kulisap upang hanapin ang babaeng mas maganda pa kaysa sa engkantada. Naghanap siya gabi't araw. Upang makita niya ang babaing gaganda pa sa sumpa sa kanya, nagdala siya ng ilaw tuwing gabi. Ang binatang yaon na naging kulisap ang tinawag natin ngayong alitaptap.
No comments:
Post a Comment