Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Wednesday 28 April 2021

Alamat ng Bundok Arayat

Ang Bundok sa Arayat na nakapatungo sa mga lalawigan ng Kapampangan at Nueva Ecija ay may iniingatang mga kahiwagaan na nagkasali-salin na sa mga maraming paniniwala. Sa maraming kapaniwalaang iyan ay lalong bansag ang mga talang nababanggit sa lathalang ito, dahil sa pagkakatanim sa diwa ng napakarami nang salin ng lahi sa Arayat at kanonog-bayan.


Sang-ayon sa matatanda sa Arayat, ang bundok n nasabi ay ari ng isang napakaganda at mapaghimalang babae, si Mariang Sinukuan. Di-umano kapag mabili ang mga paninda, ang araw ng lingo sa pamilihang bayan na Arayat, si Maria ay lumulusong sa bayan upang magtinda at mamili. Subali't ang engkantada ay hindi mo raw makikilala dahilan sa iba't ibang paraan ng pagbabalatkayo na kanyang ginagawa. Naroon daw ang mag-ayos siya na tulad sa isang matandang magbubukid, bukod sa pagiging maitim, ay pango pa ang ilong at sungal sunagl ang mga labi pinatutunayan din ng marami taga-Arayat na maraming kagila-gilalas na pangyayari ang mararanasan ng sinumang dadalaw sa bundok na iyon. Ang kabundukan ay totoong masagana sa mga bungang-kahoy at ang sinumang aabutin ng kagutuman doon ay malayang makakpipitas at makakain ng bungang maibigan niya, subalit ang sinumang magtangkang mag-uwi ng mga bungang-kahoy mula roon ay hindi matututuhan ang landas pauw. At ang lalong kahima-himala ay ang pagbuhos ng ulan kasabay ang paglakas ng ihip ng hangin. Ngunit sa sandaling ilapag ng taong iyon at iwan ang mga bungang dala niya, ang landas sa pauwi ay madaling matututuhan. Ang malaking tipak ng batong-buhay sa ituktok ng bundok ay batyang pinaglalabhan ng engkantada.


Dahil sa paniwalang napakaganda ni Mariang Sinukuan at dahil rin sa magaagndang tugtugin maririnig sa kabundukan, wala sinumang namamlagi roon sa pangambang baka magayuma sila at hindi na muling makabalik sa kanilang tahanan.

Ang Alamat ng Bulkang Kanlaon

Noong mga unang panahon may isang malupit na namiminsala sa mga tao. Wala itong pinatatawad. Ang ulupong na ito ay may pitong ulo at ang labing-apat na butas ng ilong ay nagbubuga ng usok. Wari bang wala nang makakagapi sa ulupong na ito na nakatira sa bundok. Marami na siyang napapatay dahil sa pagbubuga niya ng apoy kapag siya ay nagagalit.


Kumunsulta si Haring Ma-ao sa mga pantas at isang manggagamot ang nagmungkahi na kailangang mag-alay sa ulupong ng isang magandang dalaga upang ito ay mapatigil sa pamiminsala.


Ipinaabot naman ng pari sa mamamayan ang utos na iyon. Sa takot nilang sila ang ialay, nagpinta ng mukha ang mga dalaga. Lahat sila ay pawang pumangit na.


Makalipas ang ilang buwan, bigong bumalikang pari at "Wala na pong magandang dalaga. Nasunog na ang kanilang balat at mukha nang abutin sila ng apoy na ibinubuga ng ulupong. Tanging si Prinsesa Talisay na lamang ang natitirang magandang dalaga rito," pagbabalita ng pari kay Haring Ma-ao.


Nalungkot ang Hari sapagkat maging si Datu Sagay ay nagpatunay sa mga ibinalita ng pari. Samantala, isang banyaga ang nagkataong nakabalita sa pananalanta ng ulupong. Ipinahayag niya sa Hari ang kanyang nasang pagtulong na puksain ang ulupong. Napangiti si Prinsesa Talisay at nawika niya sa sariling, "Salamat, ipagdarasal ko ang kanyang tagumpay at kaligtasan. Napakakisig niya."


"Matapang ka magiting na binata. "Kung mapapatay mo ang ulupong ay magiging iyo ang kalahati ng aking kayamanan at ang aking kaisa-isang anak na si Prinsesa Talisay ay ma papasaiyo," may pag hangang wika ng Hari.


Naglakbay si Laon, ang binatang banyaga. Sa kanyang paglalakbay patungong bundok ay nasalubong niya ang Langgam. "Hoy, langgam, ako si Laon. Sabihin mo kay Haring Langgam na may utos ang panginoon ninyong si Laon. Lahat ng sundalong langgam ay papuntahin sa bundok at papatayin natin ang namiminsalang ulupong. Ito ay para rin sa inyong kapayapaan."


Gannon din ang sinabi ni Laon kay Haring Buboyog. Haring Lawin naman ay nag wikang. "Handa kaming tumulong, Haring Khan Laon. Sabihin lamang ninyo ang aming gagawin."


Nagsisugod silang lahat sa bundok. Doon nagahap ang isang umaatikabong bakbakan. Halos matabunan na ang ulupong sa dami ng langgam. Kinakagat nila ang mga pagitan ng kaliskis, singit at leeg ng halimaw. Tinutusok naman ng mga bubuyog ang mga mata ng ulupong. Hindi nilapansin ang ibinubugang apoy ng kalaban. Patuloy sila sa kanilang pakikipaglaban.


Samantala, sa kaharian ay hindi mapalagay ang mga tao. Umiiyak si Prinsesa Talisay. Humingi siya ng tulong sa kanyang amaing si Datu Sagay. Nagpasiya si Datu Sagay na sundan si Khan Laon upang pigilan na ito sa iba pa niyang binabalak na gawin. Ipinagsisigawan naman ng taong bayan na si Prinsesa Talisay ang ialay sa ulupong kapag nabigo si Khan Laon sa labanan.


Si Datu Sagay at ang kanyang mga kawal ay nakarating sa bundok. Inabutan nilang dinudukot ng mga lawin ang mga mata ng halimaw. Lumapit si Laon at tinagpas ang mga ulo ng ulupong. Nasaksihang lahat ni Sagay ang mga ito. Nakabalik sa kaharian sina Khan Laon, mga langgam, mga bubuyog. Tuwang-tuwang ibinalita ni Datu Sagay ang kagitingan ni Khan Laon.


"Haring Ma-ao ang lahat po ng ito ay hindi ko magagawa kung wala ang mga kaibigan kung langgam, buboyog at lawin. Sila ay ating pangalagaan sapagkat sila, tulad natin ay nilikha rin ng Diyos. Maraming salamat sa inyong lahat mga kaibigan ko ang sabi ni Laon.


Noon din ay ibinigay ni Haring Ma-ao ang kalahating bahagi ng kanyang kayamanan at si Prinsesa Talisay ay naging asawa ni Khan Laon. Naging maligaya ang dalawa. At magmula nga noon, ang bundok na pinangyarihan ng kamatayan ng ulupong ay tinawag na Bundok Kanlaon upang bigyang karangalan ang kabayanihan ni Haring Khan Laon.