Audio Story Telling - Ang Alamat ng Kwago
Ang Alamat ng
Kwago
Si Tandang Kadyong, hari ng karamutan ay nag-iisang
naninirahan sa gitna ng bakurang puno ng halaman. Madalas ay hitik ng bunga ang
kanyang puno ngunit walang maaaring humingi dito dahil ubod ng damot ang
matanda.
"Ipinagbibili ang mga bunga dito, hindi ipinamimigay." Iyan lagi ang
sabi ni Tandang Kadyong kapag may nagkamaling humingi.
Isang umaga, may isang matandang babae na hindi taga-nayon na naligaw doon.
Habang naglalakad siya ay napadako sa may harapan ng bahay ni Tandang Kadyong.
Nagkataong nakakaramdam narin ang babae ng gutom at pagod dahil sa mahabang
paglalakad.
"Kay dami ng bunga ng bayabas! Mura lang naman ito,
palagay ko'y maaari akong humingi ng kahit isa o dalawa sa may-ari."
"Hindi! Hindi ipinamimigay ito. Bukas lang ay darating na ang suki kong
tagabayan at bibilhing lahat ang mga bayabas na ito."
"Kahit na sana isa lamang." pakiusap ng babae
"Sinabing hindi! Wala! Pinaghirapan ko iyan at hindi ko ipinamimigay sa
iba." Sabay talikod ang lalaki at umakyat na sa kanyang bahay.
Noon na ang huling pagkakita ng mga tao kay Tandang Kadyong.
Pagkaraan ng ilang araw ng pagtataka dahil sa walang nakakakita sa matanda,
sinubukan ng isang bata na pumitas ng nakalawit na bayabas. Walang nagalit.
Binuksan nila ang pinto ng bahay. Biglang lumipad na palabas
ang isang ibon. Napansin ng mga bata na malalaki ang mata at tila naghahanap o
di kaya ay nagbabantay.
"Anong ibon iyon?" Tanong nila.
"Kamukha ni Tandang Kadyong."
Naging Kuwago nga si Kadyong ngunit hanggang ngayon ay binabantayan parin ang
mga bunga na ipinagmamaramot niya.
At iyon ang alamat ng Kuwago.