Story Telling Audio - Ang Alamat ng Paru Paro
Ang Alamat ng Paru paro
Magkapatid sina Rona at Lisa ngunit magkaibang-magkaiba
ang ugali nila. Masipag si Rona ngunit si Lisa ay walang inaatupag kundi ang
magpaganda.
Habang naglilinis ng bahay, nagluluto o naglalaba si
Rona, si Lisa ay nasa harap ng salamin, nagsusuklay, at nag-aayos lagi ng
sarili.
"Ate, tulungan mo naman ako. Ang dami kong labahing
damit. Karamihan naman ay sa iyo," sabi ni Rona sa kapatid isang umaga.
"May gagawin pa ako. Kayang kaya mo naman
iyan." Naisip ni Lisa na pipitas na siya sa hardin ng bulaklak na
maipapalamuti sa kanyang buhok.
Pumunta na nga si Rona na mag-isa sa tabing ilog para
maglaba.
Si Lisa ay bumaba sa kanilang hardin sa harapan ng bahay.
Habang pinipili niya kung aling bulaklak ang magandang
iipit sa buhok, may matandang babae na lumapit sa tarangkahan.
"Ineng, maari mo ba akong malimusan?" samo ng
matanda.
"Wala! Wala akong maililimos," pakli ni Lisa na
patuloy sa paghahanap ng mailalagay sa buhok.
"Kahit na kapirasong tinapay. Ako lamang ay gutom na
gutom na."
"Sinabi nang wala!" sigaw ni Lisa, sabay
pagpitas sa isang bulaklak na maganda ang kulay.
Nagalit ang matanda "Hindi ka lang pala tamad,
maramot ka pa at walang galang sa matanda. Gagawin kitang tulad niyang hawak
mong bulaklak ngunit isang kulisap."
Engkantada pala ang matandang babae.
Nang bumalik sa bahay si Rona, hinanap niya ang kapatid.
Pumunta siya sa hardin dahil alam niyang mahilig ito sa
mga bulaklak. Subalit wala si Lisa. Ang napansin ni Rona ay ang paruparong
lumilipad-lipad sa ibabaw ng mga bulaklak.
At iyon ang alamat ng paru paro.