Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Saturday, 23 July 2016

Ang Alamat ng Lansones

Noong unang panahon, hindi kinakain ang lansones dahil lason daw ito. May kumain daw nitong bata na sumakit agad ang tiyan at kinabukasan ay namatay.

"Kay gagandang tingnan sa puno. Puting - puti at mabibilog ngunit lason," sabi ng mga tumitingin sa mga kumpol ng lansones na nakalawit sa puno. "Pampalamuti lang sila sa bakuran. Sayang!"

Wala ngang nais magtanim ng lansones. Madalas naman ay tumutubo na lang ito dahil nga sa nalalaglag sa lupa ang ang mga bunga.

Ngunit walang tumikim na kumain uli nito dahil sa alaala ng batang namatay. "Lason! Hindi dapat kainin." iyan ang sabi ng mga matanda tungkol sa kumpol kumpol na bungang tila nang-aakit na sila ay kainin.

Isang araw, may dumating na napakagandang dalaga sa bayan. May mga taong sumusunod sa kanya habang minamasdan niya ang mga punong hitik ng bunga.

"Bakit hindi ninyo kinakain itong handog sa inyo ng kalikasan? Nalalaglag na lang sila sa lupa at nasasayang," sabi ng dalaga.

"Lason po iyon" sagot ng isang mamamayan. "Namatay daw po ang batang kumain niyan sabi ng matatanda."

Pumitas ang dalaga ng isang bunga, pinirot at inalisan ng balat, saka isinubo. "Tingnan ninyo, nalason ba ako? Kayo, tikman din ninyo."

Namangha ang mga tao. May ilang naglakas loob. "Ang tamis! Ang linamnam!" sambit nila.

Nagsipitas din ang mga naroroon. "Oo nga! Ang sarap ng laman. O, hindi naman tayo nalalason."

Mula noon ang lansones ay kinagigiliwan nang kainin ng mga tao. Inaakalang ang pagkawala ng lason ng prutas ay gawa ng dalaga na pinaniniwalaan nilang isang engkantada. Lalo pa't nababakas daw sa bunga ang pagpisil ng mga daliri ng mahiwagang babae.

Doon na nagsimula na kainin ng mga tao ang dating kinatatakutang bunga ng lansones. At iyon ang tinaguriang alamat ng lansones.

Ang Alamat ng Mais

Tumatakas ang binata at dalaga, magsing-irog na hinahabol ng mga alagad ng batas.

Yakap ng binata ang supot ng mga alahas - mga pulseras, kuwintas, hikaw, singsing na ninakaw niya sa mga libingan.

Nakatakas si Minong sa mga guwardiya sa tulong ng dalaga at kapagkaraka ay silang dalawa na ang tinutugis ng mga ito.

Hindi nagtagal at nahuli sila. Ang babae ay pinakawalan, ang lalaki ay itinali sa puno para ubusin ng langgam.

"Sana'y hindi siya nakita ng matandang babae na nagkakataong may dinadalaw sa libingan," taghoy ni Celia habang nakalupagi sa tabi ng bangkay ng kanyang mahal, "Disin sana ay malayo na kami, at nagbabagong buhay. Pangako niya."

Pagkaraan ng ilang araw, napansin ni Celia na may mga halamang tumubo sa palibot ng punong kinamatayan ni Minong.

Kakatuwa ang bunga dahil may busil na nababalutan ng hile-hilerang mga butil na tila mga hiyas - may puti, may dilaw, may mapula-pula, mga alahas na ninakaw ni Minong at ibinaon sa malapit sa punong kinamatayan.

Inalagaan ni Celia ang halaman at pinarami pa niya ang mga ito para saan man siya magtungo ay magpapaalala sa kanya ng mahal niyang si Minong.

At iyon nga ang alamat ng Mais.