Pinababayaan nila ang kanilang matatandang magulang na magsaka upang sila'y may makain. Pinagsabihan ng mag-asawa ang magkakapatid na tumulong naman sana ngunit hindi sila sumusunod. Minsan naman ay pinag-aawayan pa nila kung sino ang dapat tumulong sa bukid.
"Ano kaya ang mangyayari sa ating mga anak kapag tayo ay nawala na?" nag-aalalang tanong ni Mang Pangga kay Aling Manggita.
"Kailangan matuto ang ating mga anak," sagot naman ng matandang babae.
Isang araw ay kinausap ng mag-asawa ang tatlong anak. "Mga anak, ang mayamang lupain natin ay may taglay na ginto. Subalit makukuha nyo lang ang ginto kung inyong paghihirapan," sabi ni Mang Pangga.
"Kailangan matuto kayong magtrabaho, mga anak. Matatanda na kami at ayaw naming magutom kayo kapag kami'y wala na," dugtong ni Aling Manggita.
Ngunit hindi nagbago ang mga anak nila. Isang araw ay nagulat ang tatlo nang magising silang walang pagkain sa kusina.
"Inay, Itay, bakit walang almusal?" sigaw nila ngaunit walang sumagot sa kanila.
Naghanap sila nang naghanap ngunit hindi na nila nakita ang magulang. Gutom at pagod na sila kaya't napilitan silang maghanap ng makakain. Hindi sila sanay magtrabaho kaya't labis na nahirapan ang tatlo. Noon nila naalala ang sinabi ng magulang.
"Sabi ni Itay, may ginto sa ating bakuran, subalit saan kaya natin ito mahahanap?" tanong ng panganay na si Biboy.
Halos araw-araw ay nilibot ng magkakapatid ang bakuran. Hinahanap nila ang gintong sinasabi ng ama. Hanggang isang araw, may nakita silang dalawang kakaibang halamang tumubo sa kanilang bakuran. Noon lang sila nakakita ng ganoong uri ng halaman.
Inalagaan ng magkakapatid ang dalawang halaman. Nararamdaman nilang may kinalaman ang mga halamang ito sa nawawala nilang magulang. Naging masisipag narin ang magkakapatid at natutong magtanim. Kung hindi nga naman sila kikilos ay hindi sila kakain.
Isang araw ay napansin ng magkakapatid na namumunga na ang dalawang punong kanilang inalagaan. Isang umaga'y napansin nilang ang mga berdeng bunga ay nagkulay-ginto. Pumitas ng isa si Biboy at tinikman ito.
"Wow! Ito na yata ang pinakamasarap na prutas na natikman ko," halos pasigaw na sabi niya nang matikman ang prutas.
"Ito ang gintong sinasabi nina Itay at Inay! Makatutulong sa atin ang mga punong ito ngunit kailangan munang mamunga at paghirapan bago maani ang matatamis, mababango, kulay ginto, at hugis-pusong bunga,"
"Mahal na mahal talaga tayo nina Inay at Itay. Kahit wala na sila ay nag-iwan sila ng alaala ng malilinis at mabubuting puso nila. Kaya siguro matatamis ang mga prutas na ito." dugtong pa niya
Nakilala ng lahat ang masarap na prutas na tinawag nilang mangga mula sa pinagsamang pangalan nina Aling Manggita at Mang Pangga, ang mabubuting mag-asawang nagsakripisyo para sa mga anak at para sa lahat ng taong hanggang ngayon ay patuloy na nakakain ng masarap na bunga ng mangga.