Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Thursday, 26 February 2026

Kwentong Bayan - Ang Diwata ng Karagatan

 

Kwentong Bayan - Ang Diwata ng Karagatan

Kuwentong Bayan ng Ilocos

Sa isang nayon, ang mga tao ay masaya at masaganang namumuhay. Mapagpala ang kalikasan sa kanila. Ang pangunahing hanapbuhay nilay ay ang pangingisda. Sagana sa maraming isda ang karagata. May isang diwatang nagbabantay at nag-aalaga sa mga isda at ito'y nalalaman ng mga taganayon. Ngunit may mga taong sakim, ibig nilang makahuli ng maraming-maraming isda upang magkamal ng maraming salapi. Gumamit sila ng dinamita kaya't labis na napinsala ang mga isda, pati ang maliliit ay namatay.

Nagalit ang diwata sa kasakiman ng mga tao kaya't mula noon ay wala nang mahuli kahit na isda ang mga tao. Naghirap at nagutom ang mga tao at naging pangit na rin ang karagatan na dati'y sakdal ganda. Nagpulong ang mga taganayon at napagpasyahan nilang humingi ng tawad sa diwatang nangangalaga sa karagatan. Nakiusap din silang ibalik na ang dating ganda ng karagatan at gayundin ang mga isda. Nangako sila na hindi na gagamit ng anumang makasisira sa kalikasan.

Mula nang sila'y humingi ng tawad sa diwata ay bumalik na ang ganda ng karagatan at muling dumami ang mga isda. Nanaganang muli ang kabuhayan ng mga tao.



Maikling Kwentong Bayan - Ang Batik ng Buwan

 

Maikling Kwentong Bayan: Ang Batik ng Buwan

Maikling Kuwento ng Bayan Ng Bisaya

Mag-asawa ang araw at ng buwan. Marami silang mga anak na bituin. Gustung-gusto ng araw na makipaglaro sa kanyang mga anak at ibig na ibig niyang yakapin ang mga ito ngunit pinagbawalan siya ng buwan sapagkat matutunaw ang mga bituin sa labis na init ng araw. Kinagagalitan ng araw ang mga anak kapag lumalapit sa kanya.

 Isang araw, nagtungo sa ilog ang buwan upang maglaba ng maruruming damit. Ipinagbilin niya sa asawa na bantayan ang mga anak ngunit huwag niyang lalapitan ang mga ito. Binantayan nga ng araw ang mga anak. Buong kasiyahan niyang pinanood ang mga ito habang naghahabulan. Nakadama siya ng pananabik at hindi siya nakatiis na hindi yakapin ang mga anak. Bigla niyang niyakap ang lipon ng maliliit na bituin nang madikit sa kanya ay biglang natunaw.

Hindi naman nagtagal at umuwi n ang buwan. Nagtaka siya sapagkat malungkot ang asawa. Naisipan niyang bilangin ang mga anak ngunit hindi nya nakita ang maliliit kaya't hinanap niya ang mga ito kung saan-saan. Hindi niya matagpuan ang mga anak. Sa gayo'y sinumabatan niya ang asawa. "Niyakap mo sila? Huwag kang magsisinungaling!”

Hindi na naghintay ng sagot ang buwan. Mabilis niyang binunot ang isang punong saging at tinangkang ipukol sa asawa na nakalimutan na ang kanyang kasalanan. Ang tanging nasa isp niya ay kung paano niya maipagtatanggol ang sarili sa asawang galit na galit. Dumampot siya ng isang dakot na buhangin at inihagis sa nukha ng buwan at dahilan sa nangyari ay nagkaroon ng batik ang mukha ng buwan. Hinabol ng buwan ang araw upang makaganti sa ginawa nito sa kanya at hanggang ngayon ay hinahabol pa rin ng buwan ang araw.