Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: Kung Saan Nanggaling ang Bigas

Saturday 16 July 2016

Kung Saan Nanggaling ang Bigas

Gulay lamang, bungang kahoy, isda at karne ng hayop ang kinakain ng mga tao noong unang panahon. Walang kanin. Dahil walang palay. Hindi nila kilala ang halamang palay at kung may nakikita man silang ganitong tanim ay hindi nila alam kung paano ito maaring kainin.

Isang araw, may ilang lalaki na nangangaso sa gubat. Nakahuli sila ng isang baboy-damo. Bago nila iuwi ito ay nagpahinga munang sumandali sa lilim ng isang puso.

Nagkataong nagdaan ang ilang mga dalaga sa kanilang unuupuan. Sila ay nagsitayo at nagbigay-galang. Hindi nila alam ay mga engkantada pala ang mga iyon.

Inanyayahan sila ng mga dalaga sa kanilang tirahan - isang yungib ngunit maaliwalas at maliwanag. Ipinaghanda sila ng makakain - mga butil na maputi, malata at malinamnam. Noon lamang sila nakatikim ng ganoong pagkain. Nang matapos ang kainan, naramdaman ng mga mangangaso na wari'y nawala ang kanilang pagod at sila'y lalo pang lumakas.

Nagpaalam na sila. Nagsalita ang isa sa mga engkantada, "Bibigyan ko kayo ng mga butil na pananim. Iyan ay mamumunga. Bayuhin ninyo at linisin ang mga butil. Ang bigas na laman ay lutuin ninyo sa tubig at gaya nga ng natikman ninyo ngayon, magbibigay iyan sa inyo ng panibagong lakas at sigla."

Ang bilin ng engkantada ay sinunod ng mga mangangaso. At Iyan na nga ang pinagmulan ng kanin.

No comments:

Post a Comment