Kaming magpipinsan ay masayang nagtatanungan ng mga sagisag ng bayan isang gabing kabilugan ng buwan.
"Ano ang hayop na sagisag ng ating bansang Pilipinas?" tanong ni Kardo.
"Kalabaw," dagling sagot ni Nena. "Ikaw naman ang sumagot. Anong awit ang ating sagisag?"
"Palagay ko ay isang kundiman yan. O di-kaya ay isang balitaw. Tinikling kaya?" Hula ni Pido.
"Hindi nga ako nakatitiyak," pakli ni ate Cora. "Ngunit sigurado ako sa sagisag na bulaklak."
"Ano iyon?" sabay-sabay na tanong namin.
"Ay, di sampaguita!"
"Alam ba naman ninyo kung ano ang alamat ng sampaguita?"
Hindi namin alam ay nakikinig pala sa amin si Lola Rosa at siya ngang nagtanong.
"Hindi po, sige nga po. Ikwento po ninyo." Alam naming mahilig mag-istorya si Lola, kaya't naupo na kaming nakapalibot sa kanya at humandang makinig sa kanyang ibibida.
Ang pangyayari daw ay naganap bago pa dumating ang mga kastila sa bansa. May dalawang pamilya na magkapitbahay, napapagitnaan lamang ng pader na bato, na mahigpit daw ang kagalitan.
Matagal ng panahon na ang mga magulang ng bawat pamilya ay hindi nag-uusap at nagbawal pa nga sa mga anak ng pakikitungo sa "taga-kabila ng bakod"
Ang hindi namalayan ng mga magkaaway na ama ay ang mga anak pala nila, ang binatang si Lucio at ang dalagang si Nila, ay nagkakaibigan. Dahil sa alam nilang magagalit ang kani-kanilang magulang kapag nakita silang magkausap, nagtatagpo sila ng palihim.
Sa dulo ng bakod na bato ay may malagong puno ng akasya at sa ilalim nito nagtatagpo gabi-gabi ang dalawang magkasintahan. Dahil nga gabi lamang sila nagkikita at sa kalamigan ng hangin sa pinagtatagpuang lugar, hindi nagtagal at nagkasakit ang dalaga.
Nagkasakit at mabilis na nanghina si Nila. Bago siya nalagutan ng hininga, habilin sa tumatangis na ina ay doon siya ilibing sa dulo ng bakod, sa ilalim ng akasya.
"May sumpaan po kami," ang huling sambit niya.
Sa laking dalamhati ni Lucio, di rin nya nakayang labanan ang dumapong karamdaman at hindi nagtagal ay humantong din sa kamatayan. Tulad ng dalaga, pinapangako ang ama na doon siya ilibing sa dulo ng bakod na bato, sa ilalim ng akasya.
Mga ilang buwan ang nagdaan nang nakarinig ang mga nakatira sa malapit ng dalawang tinig na nagsasagutan, "Sumpa kita." "Sumpa kita."
Nang sundan ang pinanggalingan ng mga tinig ay natunton ng mga tao na ito'y nagmumula sa may akasya. Wala namang sinumang tao naroon, ngunit may napansin silang halamang bagong sibol. Ito'y may mumunting bulaklak na puti na ubod ng bango.
Lumipas ang mahaba-habang panahon, at dumami sa bayang iyon ang ganoong halaman. Ngunit ang narinig nilang "Sumpa kita" ay nalimutan. Ang naalala ay "Sampagita" na kadalasan ay "Sampaguita" na siyang itinawag sa bulaklak na handog sa dalawang tapat sa pagmamahalan at pangako.
"Ano po naman ang nangyari sa nag-aaway na mga Tatay nila?" Ayaw pa ng pinsan kong si Pido na matapos ang kuwento kaya may tanong pa siya.
"Nagkasundo na sila. Nagsising mabuti dahil kung hindi raw dahil sa pagkakagalit nila, hindi sana sa gabing madilim at malamig magtatagpo sina Nila at Lucio. At hindi sana nagkasakit at namatay."