Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: March 2021

Wednesday, 31 March 2021

Alamat ng Buwitre

Napakatagal na panahon na ang nakararaan ng mangyari ang pagsumpa ng mga magulang sa isang batang babae na may pangalang Bereti. Si Bereti ay mula sa angkan na may maalwang buhay. May malawak na lupain ang kanyang mga magulang. Marami silang pananim. Marami rin silang mga alagang hayop. Bunso si Bereti at paborito ng ama. Dala marahil na nakakamit ang lahat kaya may hinahanap si Bereti sa buhay. Ibig niyang maranasan ang mga bagay na kaiba sa kinalakihan.


Si Aling Juana ang tagalaba ng pamilya. May anak itong laging isinasama sa paglalaba. Ito si Karing. Halos magkasing-edad sila ni Bereti kaya madaling nagkalapit ang mga loob. Ani Karing ay naiinggit ito kay Bereti dahil nakukuha ang lahat ng gusto. Ang sabi naman ni Bereti ay naiinggit kay Karing dahil marami itong bagay na nararanasan na hindi niya nararanasan.


Mula noon ay laging magkasama ang dalawa. Mabait ang pamilya ni Aling Juana kaya panatag ang loob ng ama't ina ni Bereti. Nalaman ni Bereti na madalas sumala sa oras sina Karing. Kapag walang makain ay naghuhukay ng mga gabi, tugi o anumang halamang ugat sina Karing para maipantawid-gutom. Nagkakasya rin ang pamilya na mamulot ng mga tirang pagkain na maaari pang pakinabangan.


Hindi maunawaan ni Bereti ngunit eksayted siya sa buhay nina Karing. Nakikihukay siya ng mga halamang ugat at namumulot ng tirang pagkain. Nakikisalo siya sa pamilya at totoong nasisiyahan siya. Galit ng galit ang ama ni Bereti nang may nakapagsabi na namumulot at kumakain ng tirang pagkain ang anak. Hinanap nito si Bereti noon din. Gulat na gulat ang ama nang makita si Bereti kasama ng ilan pang mga bata na hila ang isang kamama-tay na kambing. Ani Bereti ay kinagat ng malaking aso ang kambing kaya namatay. Aniya pa ay kakarnehin nila ang kambing para kainin.


Nagpuyos sa galit ang ama. Kinagalitan si Bereti at pinauwi ngunit ayaw sumunod ng bata.


"Kung ang gusto mo ay kumain ng mga tira at karne ng mga namatay na hayop, sige, magpakabusog ka. At para mas maging masaya ka, habang buhay sanang ganyan na lang ang kainin mo!" wika ng ama.


Kinabukasan ay nawala si Bereti. Sa halip, isang ibong kahawig ng agila ang nakitang kumakain ng isang patay na baka.


Ayon sa marami ay si Bereti ang ibong iyon na isinumpa ng ama. Tinawag silang Bereti ang ibon pero dahil hindi pa gaanong marunong bumigkas ang isang bata ay buwitre kung tawagin ito. Mula noon ay tinawag ng buwitre ang ibon. 

Alamat ng Butanding


Noong unang panahon, may isang higanteng binata, na nangangalang Tanding, ang namumuhay sa isang bayan sa Bicol. Dahil sa kanyang pagiging higante, malimit ay walang nakikipagkaibigan sa kanya dahil na rin sa takot at pangambang baka saktan sila ng higante. Dahil sa ayaw ring makapaminsala ng binata sa mga tao, naisipan nitong manirahan na lamang sa gilid ng isang dalampasigan, malayo sa kabihasnan.


Isang buwan matapos makaalis ni Tanding sa kanilang lugar, isang kagimbal-gimbal na pangyayari ang naganap. Gabi-gabi’y nagkakaroon ng patayan sa kanilang lugar at halos ang lahat na nabibiktima nito’y mga kalalakihan. Tadtad ng kagat ang katawan ang mga biktima at halos hindi na ito makilala dahil sa sobrang dugong nagkalat.


Sa isip ng mga tao isa lamang ang maaring gumawa ng ganito sa kanila, Si Tanding. Dahil sa sobrang pagkagalit ng mga tao sa kanya, pinuntahan nila ang bahay ni Tanding at pinagbabato. Hindi na nagawang lumabas pa ni Tanding dahil na rin sa bantang papatayin siya. Nang gumabi na’y umalis na rin ang mga residente upang umuwi at kumain at sa pagkakataong iyon ay nakalabas na si Tanding.


Sa paglipas ng gabi ay sumalakay ang daaang daang mga mababangis na aso sa bayan. Nakita ni Tanding na nanganganib ang mga tao sa kanilang lugar kung kaya't naisipan nitong kunin ang atensiyon ng mga aso. Pinakagat niya ang mga dang-daang aso sa kanyang damit at dinala ito sa malawak na lugar ng dagat. Maraming mga aso ang kumapit sa kaniyang ulo at pilit na nagpupumiglas.


Sa dami ng mga aso, hindi na nakaalis ang binatang higante sa dagat. Sabay ng pagkamatay ng mga aso, namatay rin ang isang bayaning minsan na nilang kinatakutan. Sa paglipas ng mga araw, may napansin silang isang napakalaking isdang lumalangoy sa malapit sa dalampasigan , tila ba’y may hinihintay at binabantayan. Tinawag nila itong Tanding sa pag-aakalang ang kaluluwa ni Tanding ay napunta rito. Sa kalaunan ito'y natawag na BUTANDING.


Alamat ng Pating


Noong unang panahon daw ay may isang mayamang Palaweno na kilala sa pagiging gahamang usurero.  Siya si Kablan na lagi nang gustong pagtubuan ang lahat ng kapitbahay na mangingisda sa kanilang komunidad. Sa sobrang pagpapatubo sa perang ipinauutang, galit na galit ang mga mangingisdang hindi makapalag sa kaswapangan ng kanilang kababayan.


Sapagkat baon sa hirap ang lahat, napipilitan silang maging sunud-sunuran sa napakatakaw na mangangalakal. Tanging si Kablan ang may tindahan sa kanilang komunidad.  Binabarat niya ang mga paninda sa siyudad. Ipinagbibili niya ang mga ito na may mataas na patong sa mga pobreng mangingisda. Hindi sila makaangal sa di makatarungang pagpapautang. Mahusay na mahusay kumita ng pera si Kablan. Madali ka nitong bibigyan ng paninda kung may sarili kang bangkang paghahanguan ng mga huling isda sa karagatan. Mas malaki ang bangka, mas malaki ang huli. Mas malaki ang huli, mas marami rin ang panindang maipapautang sa iyo ng ngingisi-ngising negosyante.


Isang magdadapit-hapon, habang nagpapasasa si Kablan sa marangyang hapunan, isang uugud-ugod na matanda ang kumatok sa kanyang bahay.


"O ano, tanda, may problema ba?"


"Na...nagugutom ako. Maaari po bang makahingi ng sobra sa hapunan ninyo?"


"Aba oo, yun lang pala," nakakunot-noong sagot ni Kablan. "Pero sa isang kondisyon, kailangang bayaran mo. Pagkain ko katapat ng pera mo. Basta may tutubuin ako, lahat ay areglado. Kung wala kang pera umalis ka na dyan at baka hindi ako makapagpigil sa iyo."


"Maawa kayo, ginoo. Hindi ninyo madadala sa hukay ang yaman ninyo."


"Aba makulit ang matandang ito! Lumayas ka rito! Doon ka sumisid sa dagat. Tiyak na may isda kang mahuhuli! Sige, layas! Layas!" pinagtulakan ni Kablan ang kaawa-awang matanda na napasubsob sa tarangkahan ng malaking bahay. 


Sa tulong ng mga batang nagsilapit, ang matanda ay nakatindig. Napansin ng mga paslit ang nagniningning na baston ng matanda. Nagpasama ang matanda sa bahay-bahay. Nagbabala ito na may darating na lindol sa kapatagan at magbibitak-bitak daw ang lupa sa kapaligiran. Matapos magbabala ay itinaas ng matanda ang baston. 


Namangha ang lahat nang magdilim ang langit at gumuhit ang matalim na kidlat. Sa pagpanhik ng matanda sa burol ay bumuhos ang malakas na ulan, at yumanig ang lupa. 


Sa matinding takot ay nagsunuran ang mga mangingisda sa di nila nakikilalang matanda. Hindi natinag si Kablan sa loob ng kanyang tindahan. Tuwang-tuwa pa siyang humalakhak.  Nakikini-kinita niya ang paghugos ng mga mangingisda. Tiyak daw na bibili sila ng mga paninda niya. Naglalaro sa isip niya na ngayong napakalakas ng ulan lalo siyang magtataas ng presyo. 


Ipapautang niya ang lahat ng pagkain at damit na bultu-bultong nakaimbak sa kanyang lalo pang pinalaking bodega. 


Sa panghihiyang ginawa ni Kablan, gumanti ang pobreng matanda sa pagsasabing, 


"Tulad ng takot na itinanim mo usurero sa lahat ng nangangailangan sa oras ng kagipitan, magiging isda ka rin na katatakutan ng lahat sa karagatan."


Sa muling pagtataas ng tungkod ng matanda, lalong dumagundong ang mga kulog at tumalim ang mga kidlat. Tulad ng sinabi nito, ang ulan ay hindi na huminto pa. Sa itaas ng burol, tanaw na tanaw ng lahat na nagdudumaling lumabas si Kablan sa tindahan. Nanginginig ito sa sobrang takot. 


Papanhik din sana siya sa tuktok ng burol subalit naabot siya ng rumaragasang tubig-ulan na lalong nagpalalim sa dagat-dagatan. Ang mahagway na katawan ni Kablan ay naging mahabang isda na may matulis na nguso at matatalim na ngiping parang kakain kaninuman.


Nang balingan ng tingin ang matanda ay wala na ito sa kanyang kinatatayuan. Nawala itong parang bula. Magmula noon nakilala na sa Palawan ang pating. Ito ay pinangalanang Hari ng Karagatan na walang takot kaninuman. Laging kinatatakutan si Kablan sa pagiging usurero sa Palawan, ang pating naman ay lagi ring kinasisindakan sa kabangisan.

Alamat ng Alitaptap


Noong unang panahon, may isang makisig na binata na nais mag-asawa ng pinakamagandang dilag. Siya ay mayabang at masyaong malaki ang pagkakilala sa sarili. Kung minsan tuloy, nagdaramdam ang ilang mga dalaga s kanya dahil sa pamimintas niya kahit nakaharap ang dalaga.

Isang araw, papunta na siya sa bundok upang manguha ng yantok nang masalubong niya ang isang napakagandang dalaga na nakasuot ng putting-puti.


"Napakagandang dalaga," wika niya sa sarili at tuloy-tuloy na nilapitan niya ito.


Nang malapit na siya, nagtatakbo ang dalaga at nawalang parang bula. Hinanap niya ang dalaga sa buong kagubatan ngunit hindi niya nakita.


Sa tagal at hirap na dinanas ng binata sa paghahanap sa dalaga, nagalit siya.


"Hindi ka talaga maganda. Ang ilong mo'y pango, ang mata mo ay duling at ang mga tenga mo ay malalapad!" sigaw ng binata.


Dahil sa pagkahapo ay nahiga siya sa lilim ng punung-kahoy para magpahinga. Naidlip siya at nang magising, nakita niya ang magandang dilag. Alam niyang maganda talaga ang dalaga at hindi totoo ang sinabi niya.


Siya ng dalaga, "ininsulto mo ako, kaya mula ngayon, ikaw ay magiging isang kulisap. Manunumbalik lamang ang anyo mo kapag naipakita mo sa akin ang isang dalagang mas higit ang kagandahan sa akin. Humayo ka at hanapin mo ang dalagang sinasabi ko para mabalik ang dati mong anyo," ang utos ng engkantadang babae.


Lumipad ang binatang naging kulisap upang hanapin ang babaeng mas maganda pa kaysa sa engkantada. Naghanap siya gabi't araw. Upang makita niya ang babaing gaganda pa sa sumpa sa kanya, nagdala siya ng ilaw tuwing gabi. Ang binatang yaon na naging kulisap ang tinawag natin ngayong alitaptap.

Alamat ng Anay

Si Ranay ay isang matakaw na batang nakatira sa mahirap na bayan ng Sto. Cristo sa may norte. Bagamat naghihirap ay alaga siya ng ama’t ina sa masasarap na pagkain. Nag-iisa kasing anak si Ranay. Inakala nga noon ng mga magulang na hindi na magkakaanak dahil matanda na ang kanyang ina pero isinilang parin siya.


Mahal na mahal ng ama’t ina si Ranay. Halos gawin na siyang prinsesa ng mga ito.  Ayaw siyang pagawain sa bahay at sustentado siyang mabuti sa pagkain. Lumaki si Ranay na ang trabaho ay kumain at ang libangan ay kumain parin. Payat na payat na ang ama’t ina niya para matustusan ang kanyang pangangailangan.


Dumating ang hindi inaasahan ni Ranay. Magkasabay na namatay sa isang aksidente ang ama at ina. Dahil ang alam lang ay kumain, hindi alam ni Ranay kung paano ma-buhay na siya ang kikilos at magta-trabaho. Hindi nagtagal ay namayat siya at namatay.


Matagal ng patay si Ranay nang isang araw ay mapansin ng dating kapitbahay na pabagsak ang kanilang bahay. Nang suriin nila ito ay nakita ang isang insektong kumakain ng kahoy. Naalala nila si Ranay. Marahil anila ay ito si Ranay. Tinawag nilang ranay ang insekto na katagalan ay naging anay.

Alamat ng Dalagang Bukid

Noong unang panahon ay may tatlong dalagang magkakapatid na pawang nag-gagandahan. Ang kanilang mga kanayon ay lubhang nagtataka kung bakit mamula-mula ang kutis nga magkakapatid at manilaw-nilaw naman ang mahahaba nilang buhok, gayong mula pagkabata ay katulong na sila sa mga gawaing bukid ng kanilang ama na si Ramon.


Hindi iniinda ng magkakapatid na Lala, Dada at Sasa ang nakapapasong init ng araw sapagkat ito ay nagpapakinis pa nga ng kanilang kutis.

Namamangha at nananaghili sa ganda ng magkakapatid ang mga dalaga sa kanilang nayon. Humahanga at lihim namang umiibig ang maraming kabinataan sa tatlong dalaga. Ang kabaitan at kasipagan ng mga anak nina Tarcila at Ramon ay puring-puri ng mga kanayon, at dahil sila’y anak ng magbubukid kaya binansagan nila ang magkakapatid ng “mga dalagang-bukid”.

Kung mababatid lang ng mga tagaroon ang katotohanan, marahil hindi na sila magtataka kung bakit namumukod-tangi ang kagandahan nina Lala, Dada at Sasa. Lingid sa lahat, si Tarcila ay isang diwata. Nang umibig siya sa taga-lupang si Ramon, ang kanyang pagka-diwata’y tinalikdan niyang lubos upang mamuhay bilang ganap na tao. Bagama’t nawalan ng kapangyarihan ay naging maligaya naman ito sa piling ni Ramon at ng kanilang mga anak.

Subalit ang mapayapa at matiwasay na pamumuhay ng mga taga-nayon ay biglang binulabog ng masasamang-loob. Nahintakutan ang lahat at hindi magawang lumaban sa magbabagsik na tulisang-dagat. Nilimas ang kanilang kabuhayan at sapilitang dinala sa tabing dagat ang kadalagahang napili. Kabilang na roon sina Lala, Dada at Sasa. Habang hinihintay ang bangkang sasakyan ng mga bihag upang makarating sa sasakyang-dagat na nasa laot ay walang tigil ang pag-iiyakan at pagmamakaawa ng mga ina.


Tanging si Tarcila lang ang walang imik ngunit malalim ang iniisip. Bagama’t walang kapangyarihan ay nagsikap pa rin itong makipag-ugnayan sa dati niyang daigdig… sukdulang hininga niya ay mapatid, mailigtas lamang ang mga mahal na anak gayundin ang nayon na kanya ngayong tahanan! Hindi naman nabigo ang dating diwata sapagkat ang nawalang kapangyarihan ay muling ibinalik sa kanya.

Sa pamamagitan ng isip ay pinaglagablab ni Tarcila ang barko ng mga pirata. Sa bilis ng pangyayari, ang mga tulisan naman ngayon ang nasindak at sa pagsabog ng mga bala na nakasabit sa kanilang katawan, sila ay naubos nang wala namang kalaban. Ngunit isang sugatang pirata ang nagkaroon pa ng pagkakataong mamaril bago ito binawian ng buhay. Sa kasawiang-palad ay tinamaan ang magkakapatid at agaw-buhay na bumagsak sa tubig.

Napasigaw ang naghihnagpis na ina! Hindi nito maatim ang nakikitang paghihingalo ng mga anak. Bilang diwata ay wala siyang kapangyarihang magdugtong ng buhay, datapuwa ang magbigay ng panibagong buhay sa bagong anyo ay kanyang magagawa. Tumingin muna si Tarcila sa asawa at…


“Ramon, nanaisin ko pa na sila’y magbagong-anyo kaysa tuluyang mawala na sa atin.”

“Nasa iyo ang kapasyahan. Gawin mo ang nararapat.”

Nabigkas ni Tarcila ang mahiwagang kataga bago nalagutan ng hininga sina Lala, Dada at Sasa kaya sa isang kisapmata ang tatlong dalaga ay naging ISDA!

Matapos masaksihan ang kababalaghang iyon ay saka pa lang nalaman ng mga kanayon ang pagiging “diwata” ni Tarcila. Lahat ay nagpasalamat sa nagawang tulong ni Tarcila at nakiramay rin sila sa sinapit ng mga anak nito. Nagilalas ang lahat at napatingin sa mga isda, sa kahanga-hanga nitong kulay na wari’y mamula-mula kaya sa halip na malungkot ay kagalakan ang kanilang nadama.

Sa huling pagkakataon ang mga isda ay nagsalita.

“INA, AMA, HUWAG KAYONG MALULUNGKOT, NARIRITO LAMANG KAMI SA DAGAT. AMING INA, IPINAGMAMALAKI KA NAMIN. IKAW PALA AY ISANG DIWATA. MAHAL NAMIN KAYO NI AMA…”

“Paalam na sa inyong lahat, mga kanayon,” ang sabay na wika nina Lala, Dada at Sasa – at marahan silang lumangoy patungong laot.

“Paalam na rin sa inyo mga dalagang-bukid…!” ang sagot ng kanilang mga kanayon habang kumakaway.


Ito ang dahilan kung bakit nasa dagat ang mga “dalagang-bukid”. 

Alamat ng Palaka


Sa gitna ng kaharian ng Renaia, isang dalaga ang nakatira sa munting palasyo. Siya si Helena, nag-iisang anak siya nina Haring Bernardo at Reyna Lorena. Pinagmamalaki ng mag-asawa ang kanilang anak dahil hindi lang maganda si Lorena kundi ay matalino at may mabuting kalooban din. Tuwing umaga ay hindi sumasablay si Helena sa pagbati sa lahat ng taong makakasalubong niya ng “ Magandang umaga po sa iyo, nawa po ay maging maganda ang iyong araw”. Hindi rin siya pumapaliya sa pagpunta sa kanilang hardin tuwing umaga at gabi sa kadahilanang meron siyang binibisitang mga alaga, ang kanyang mga palaka. Tuwang tuwa siya sa mga palaka, para sa kanya ay nakakaakit ang mga malalaki at bilugang mata ng mga ito.


Isang umaga habang siya ay naglalakad patungo sa kanilang hardin ay may nakasalubong niya ang isang binata. Binati niya ito ng “ Magandang umaga sa iyo”. Natuwa ang binata sa kanya at nagwikang “Magandang umaga din sa iyo. Mukang masaya ka ata, saan ka ba patungo at maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?” “ako nga pala si Helena, ikaw? papunta ako sa aming hardin” tugon ng dalaga. “ako nga pala si Nicolas, kinagagalak kitang makilala. Ano naman ang gagawin mo sa inyong hardin?" wika ng binata. “Dadalawin ko ang aking mga alagang palaka” sagot ng dalaga. “Palaka?” nagtatakang tanong ng binata. “Paborito ko kasi ang mga iyon. Tara! Sumama ka sa akin para makita mo kung gaano sila kaganda.” Nakangiting sagot ni Helena sa binata. Namangha si Nicolas sa kanyang narinig sapagkat unang beses lang siyang nakarinig ng dalagang natutuwa sa mga palaka. Napangiti na lang ang binata at sumama sa dalaga , simula ng araw na iyon ay lagi na silang nagkikita.


Sa araw araw na pagkikita ng dalawa ay nahulog na ang loob nila sa isat’isa. Hindi tumutol ang mga magulang ni Helena sa pag-iibigan nila ni Nicolas sa kadahilanang kampante na ang loob nila sa binata dahil nga sa halos araw araw na pagpunta ng binata sa palasyo, nakakatiyak na sina Haring Bernardo na mabuti ang intensiyon ng binata sa kanilang anak. Laging pinapasaya ni Nicolas si Helena kaya tuwang tuwa ang mga magulang nito sa kanya, itinuring na siyang kapamilya ng mga ito.


Dumating na ang araw ng pasukan. Nakatanggap si Nicolas ng sulat galing sa ninanais niyang paaralan, siya ay nakapasa dito. Ang problema niya nga lang ay sadyang malayo ang paaralan sa palasyo kaya kinausap niya si Helena tungkol sa bagay na iyon. “Natutuwa ako sa balitang iyan mahal ko. Naiintindihan kita, alam kong gustong gusto mong pumasok doon kaya’t sige humayo ka at tuparin mo mga pangarap mo basta’t ipangako mo lang sa akin na hindi mawawala ang komunikasyon sa pagitan nating dalawa, lagi kang susulat at dadalaw” sabi ng dalaga sa kanya.


Umalis na si Nicolas patungo sa paaralan. Nang simula ay hindi napuputol ang komunikasyon ng magkasintahan, araw araw na sumusulat ang binata sa dalaga at ganoon din naman ang dalaga. Tuwing sabado ay pumupunta si Nicolas sa palasyo para dalawin si Helena. Biglang dumating ang araw ng kanyang pagsusulit, naging abala si Nicolas sa kanyang pag-aaral kaya hindi siya nakakasulat at nakakadalaw sa dalaga. Nagtampo ang dalaga. Nang natapos ang araw ng pagsusulit, gumawa ng paraan ang binata para makabawi sa dalaga. Tulad ng dati ay araw araw siyang sumusulat kay Helena ngunit bihira ng sumagot ang dalaga sa mga sulat niya. Hindi rin niya inaabutan ang dalaga sa palasyo sa tuwing dadalawin niya ito.


Isang araw, naabutan ni Nicolas si Helena sa palasyo. Ang payat at namumutla ang dalaga kaya nag-alala ang binata. "Ayos ka lang ba mahal ko, bakit parang namumutla at namamayat ka?” tanong ng binata. “Ayos lang ako. Wag kang mag-alala” iyon lang ang sagot ng dalaga sa kanya. Hindi sila masiyado nakapagusap dahil nagpaalam agad ang dalaga na kailangan na niyang matulog. pagkatapos nila mag-usap at pagkapasok ni Helena sa kanyang kwarto ay nilapitan ni Haring Bernardo ang binata at kinausap ito. “Ako ay may ipagtatapat sa iyo, may sakit sa puso si Helena. Ayaw niya sanang ipaalam ito sa iyo dahil ayaw niyang mag-alala at maawa ka sa kanya.” Wika ng hari. Dahil sa pagkabigla ay hindi na nakapagsalita ang binata at ito ay napaluha na lang. Pagkatapos siyang kausapin ng hari ay dumeretso si Nicolas sa simbahan at siya ay nagdasal “ Panginoon, nawa po ay pagalingin Mo si Helena. Marami pa siyang mga pangarap sa buhay at kailangan ko pa po siya. Pawiin Mo po sana ang kanyang karamdaman. Handa ko pong gawin ang lahat para lang tuparin Mo po ang aking kahilingan. Maraming salamat po”. Araw araw niyang dinadasal ito.


Isang umaga habang si Nicolas ay nasa paaralan ay nabalitaan niya na paalis na sina Helena papunta sa ibang bansa mamayang hapon. Dali-daling umalis ang binata patungo sa palasyo. Hindi na siya pumasok para maabutan lang ang dalaga, ngunit, sa kasamaang palad hindi niya ito inabutan. Kung napaaga ng tatlumpung segundo sana ang dating niya ay naabutan pa sana niya ang karwaheng sinasakyan nina Helena. Napaluhod nalang siya sa harap ng palasyo at umiyak. Lagi na siyang tulala, hindi na siya halos nakakapasok sa paaralan at lagi lang siyang nasa simbaha’t nagdarasal.


Pagkalipas ng dalawang linggo ay nakatanggap si Nicolas ng sulat galing kay Haring Bernardo. ( ang laman ng sulat ay...) “ Kami ay umalis ng kaharian para ipagamot si Helena. Pinaoperahan namin siya, naging matangumpay naman ang operasyon, ngunit hindi na ito kinaya ng kanyang katawan. Hindi ko alam kung pano ito sasabihin, hindi na ako magpapaligoyligoy pa, si Helena ay wala na. Kaninang umaga ay bumigay na ng tuluyan ang kanyang katawan, wala ng nagawa ang mga doktor. Kami ay pabalik na diyan sa kaharian, pasensiya na sa masamang balita.” Pagkatapos mabasa ni Nicolas ang sulat, umiyak ito at sumigaw “wwaahh!!! bakit Mo siya kinuha?!! Lahat naman ng gusto mo ay ginawa ko!! Bakit ito pa ang isinukli Mo sa akin?!! walang tigil sa pag-iyak si Nicolas hanggang sa sumapit na ang gabi. Siya ay nagpunta sa simbahan, lumuhod, at nagdasal “Panginoon, ako po ay patawarin niyo sa mga hindi kaaya-ayang salitang nasabi ko kanina. Siguro po ay masyado lang po akong nabigla sa nangyari” habang siya ay nagdarasal ay bigla siyang nakarinig ng “Kokak! kokak!”. Paglingon niya, nakakita siya sa kanyang tabihan ng isang munting palaka na parang nakatinging sa kanya. Bigla niyang naalala si Helena, napatigil siya sa kanyang pag-iyak at napangiti na lang ang binata. Simula nung gabing iyon ay bumalik na ang sigla ni Nicolas at nagsimula na siyang manilbihan sa Panginoon.


"Hindi ibibigay ng Panginoon sa iyo ang isang pagsubok kung hindi mo ito kaya, magtiwala at maniwala ka lang sa Kanya."


Alamat ng Unang Matsing


Maraming taon na ang nakaraan, may isang munting baranggay sa paanan ng isang bundok. Isang maliit na kubo ang nakatayo sa itaas ng baranggay, sa tagiliran mismo ng bundok na balot ng makapal na gubat. Duon nakatira ang isang matandang babae at ang kanyang apo, isang binatilyo.


Masipag ang lola. Hanap-buhay niya ang himayin ang mga buto mula sa bulak at gawing sinulid ang bulak. Laging may buslo ng bulak sa tabi ang lola, at isang mahabang patpat na kidkiran (huso, spindle) ng sinulid. Samang-palad, tamad ang binatilyong apo, ayaw tumulong sa lola at, araw-araw, bumababa sa baranggay upang makipag-barkada at magsugal. Isang araw, umuwing mainit ang ulo ng binatilyong apo dahil natalo sa sugal. Nagsisigaw siya nang makitang wala pang hapunan.


“Maghintay ka nang kaunti,” sagot ng lola habang abalang nagta-trabaho, “at minamadali kong himayin itong bulak. Pagkatapos kong ipagbili ito, bibili ako ng pagkain natin.”


Lalong nagalit ang binatilyong apo. Pumulot siya ng mga bao ng niyog, gamit na panggatong sa apoy, at hinagis sa lola. Nasaktan, nagalit din ang lola at gumanti. Hinampas niya ng hinampas ng kidkiran ang binatilyong apo.


Kagila-gilalas! Biglang nagbago ang anyo ng apo - isang pangit na hayop na balot ng bulak na naging balahibo, at kumabit ang kidkiran sa kanyang tumbong at naging buntot. Nang matuklasan ng binatilyong apo na siya ay isang pangit na hayop na, kumarimot siya patakas sa baranggay.


Hinanap niya lahat ng kabarkada niya sa sugal at sinisi sa nangyari sa kanya. Pinaghahataw niya ng kanyang buntot at isa-isang nagbago rin ang mga ito at naging hayop tulad niya - ang tinatawag ngayong matsing o tsonggo (mono, monkey).


Nang makita ng mga taga-baranggay ang mga pangit, maingay at magulong mga hayop, itinaboy nila ang mga ito at hindi na pinayagang pumasok uli sa baranggay. Mula nuon, sa gubat namuhay ang mga matsing.

Alamat ng Hipon


Noong unang panahon, ang mundo ay sagana sa likas na yaman. Walang puno ang hindi hitik sa bunga. Walang ilog ang hindi puno ng isda. Ang mga hayop sa gubat ay naglipana din. Dahil dito ang mga tao ay laging may mga piging. Ito ay alay nila bilang pasasalamat kay Bathala. Lahat ng tao, bata man o matanda, lalake at babae, ay tumaba. Tumaba sila ng tumaba hanggang sa tuwing maliligo kahit na pa tatlong tao lang sa sapa ay umaapaw agad tubig.


Ngunit may isang bata ang may bulate kaya lagi siyang walang gana. Habang lumolobo ang mga binti ng ate nya at nagkakagilit-gilit ang leeg ng kuya niya, siya ay lumaking seksi. Ang pangalan niya ay Ipong.


Maganda si Ipong. Huwag lang haharap. Dahil kung anong ganda ng katawan ay siya namang pagkaimpakto ng mukha. Ang labi niya ay isang dipang kapal. Ang ilong nya ay matangos naman ngunit bukaka ang mga butas. Ang mga mata niyang banlag ay animo'y laging gulat.


Isang araw naglalakad si Ipong papuntang piging ng may bigla siyang nakasalubong na babaeng humihingi ng limos. Ito na yata ang pinakamatabang babae na nakilala niya. Dahil sa pandidiri ay nilayuan niya ito pero ang pulubi ay humabol at nagmakaawa.


"Aba'y lintek na babaeng ito! Ang langis mo! Paano na ako magugustuhan ni Pedro nyan!" ani ni Ipong sabay hawi ng buhok.


Nang biglang lumindol at nawala ang matabang babae, isang diwatang ubod ng ganda ang lumitaw sa harap niya.


"Ako si Minervie! Ang dyosa ng dagat! Dahil sa kasamaan mo, parurusahan kita! Simula ngayon, hindi ka na maglalakad sa lupa. Ikaw ay magiging isang nilalang sa karagatan.."


Biglang lumiwanag ang paligid at si Ipong ay naging hipon. Hanggang ngayon, makikita sa likod ng hipon ang bulate na nagmistulang sumpa nung hibi pa si Ipong.

Alamat ng Aso


Noong panahon na bata pa ang mundo, ay may isang mag-anak ang tahimik at masayang namumuhay sa loob ng kakahuyan. Ang ama, si Roque, ay mabait at mapagkalinga sa kanyang pamilya. Nagtatanim siya ng mga gulay at nanghuhuli ng mga hayop sa gubat upang kanilang pagkain. Samantalang ang ina naman, si Magda, siyang nag-aasikaso sa kanilang bahay at dalawang anak na sna Maria at Jose.

Minsan, nagulat ang pamilya sa pagdating ni Roque dahil may kasama itong lalaking may sugat. Inalagaan ito ng pamilya. At sa paglipas ng panahon, naging malakas na ang lalaki na nakilala nilang Damaso.

Isinalaysay ni Damaso na pinalayas siya ng kanyang amo dahil sa hindi niya nabantayan ang taniman nito ng ubaaas, naging dahilan upang manakaw ang bunga ng mga ito. At sa kanyang paglayas, naligaw siya sa gubat at inatake ng maraming alamid.

Naawa naman ang pamilya kay Damaso, kaya doon na pinatira sa bahay nila ito. Itinuring nila itong kapamilya at nakatulong pa kay Roque sa pang-araw-araw na pahahanap ng pagkain.

Ngunit lingid kay Roque, may namumuong lihim na pagkagusto sina Magda at Damaso sa isa't isa. At isang araw nga, nagpasya sina Damaso at Magda na tumakas at mamuhay sa ibang lugar. Nag-iyakan ang dalawang bataang sina Maria at Jose.

"Ina, huwag mo po kaming iwan!" ang iyak ni Maria.

"Oo nga po! Mang Damaso, huwag n'yong kunin an gaming ina!" ang iyak ni Jose. Ngunit hindi napigilan si Magda ng kanyang mga anak. Sumakay pa rin sila ng bangka at umalis kasabay ng agos no ilog.

Lalong nag-iyakan ang dalawang bata. Nais sanang magbago ng isip si Magda, ngunit nanaig ang kanyang pagkagusto kay Damaso. Mula sa malayo, anong gulat nila Magda nang makitang nagtalunan sa ilog sina Maria at Jose upang humabol. Napatayo si Magda sa bangka, dahil alam niyang hindi marunong lumangoy ang dalawang bata. Siyang pagdating ni Roque na agad ding tumalon sa ilog upang iligtas ang mga anak. Ngunit lumakas ang agos ng ilog, at napailalim sa tubig ang mag-aama.

Mula sa malayo, natanaw nina Magda at Damaso ang pangyayari at sising-sisi ang dalawa sa kanilang nagawa, lalo pa't hindi na nila nakitang pumaimbabaw sa tubig ang mag-aama. Bigla, mula sa tubig ay isang babae ang lumutang sa hangin.

"Masahol pa kayo sa mga hayop! Dahil sa inyong makasariling pagnanasa ay nagawa ninyong saktan ang ibang tao. Dapat lamang kayong maging kauri ng hayop," ang wika ng babaeng diwata pala ng ilog.

Bigla ang pagbabago ng anyo ni Magda at Damaso. Ang kanilang katawan ay napuno ng balahibo, humaba ang kanilang mga nguso, tumalim ang mga ngipin at nagkapangil, bagkus ay ungol at kaktwang ingay ang lumalabas sa kanilang bibig.

"Mananatili kayo sa ganyang anyo, hangga't ikaw Damaso, ay hindi natutong tumanaw ng utang na loob sa taong nagpapala sa iyo, at ikaw Magda, hangga't hindi mo naipapakita ang tunay mong pagmamahal sa iyong mga magiging anak," at nawala na ang diwata pagkawika niyon.

Ang dalawang isinumpa ay namuhay sa kakahuyan. Nagkaroon sila ng maraming anak. Sila ang unang angkan ng mga aso sa daigdig. Sa pagdami ng mga tao, ang mga aso ay naging alaga nila sa kanilang mga tahanan.

At hanggang ngayon nga ay pinatutunayan pa rin ng mga aso na sila ay tapat sa kanilang mga amo. Binabantayan nila ang mga bahay ng kanilang amo at ipinagtatanggol ang mga ito sa mga kaaway, upang patunayan na tumatanaw sila ng utang na loob, sapagkat umaasa pa rin silang mawawala ang sumpa ng diwata.

Ang mga inahing aso naman ay labis na binabantayan ang kanilang mga tuta, upang sa ganun ay papatunayan ding marunong na silang magmahal sa kanilang mga anak.

Kaya't maging maingat tayong makasakit ng ibang tao, lalo na sa mga nagpapala o tumutulong sa atin, sapagkat may kaparusahan sa mga taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob na tulad ni Damaso, at ganun din sa mga taong hndi marunong magmahal na tulad ni Magda.

Alamat ng Luya


Panahon noon ng mga Kastila ng maging mang-aawit sa simbahan ang dalagang si Meluya. Maganda at kaaya-ayang pakinggan ang boses ni Meluya kaya naman kayrami niyang tagahanga.

Maganda si Meluya kaya maraming kababaryo ang nanliligaw sa kanya. Pero ang lahat ay binigo niya.

"Ang pangarap ko ay maka-pagsilbi sa Diyos," madalas ay sina-sabi niya sa mga kaibigan. "Binigyan niya ako ng magandang tinig kaya naman iaalay ko ito sa kanya."

Dahil sa magandang tinig ay hindi na gaanong pinansin ang kapintasan ni Meluya. Mayroon kasi siyang mabibilog na mga paa na bukul-bukol pa.

Araw-araw ay nasa simbahan ang dalaga. Nang lumaon ay hindi na siya kumakanta lang sa banal na misa kung di nagtuturo narin ng mga batang aawit kasama niya.

Marami ang natuwa kay Meluya dahil karamihan sa mga dalaga ng panahong iyon ay mas nakapokus ang atensiyon na makapag-asawa ng Kastila.

Nagtaka ang mga tao ng ilang araw na ay hindi pa rin nagpapakita si Meluya sa simbahan. Nag-alala sila kaya pinuntahan ang dalaga sa bahay nito. Dinatnan nilang nagdi-deliryo na ang dalaga. Walang naka-batid sa pagkakasakit ni Meluya kaya lahat ay nalungkot nang puma-naw ang dalaga.

Lumipas ang mga araw na damang-dama ng mga tao ang pagkawala ng kanilang cantora o mang-aawit.

Minsan ay dinalaw ang puntod ni Meluya ng mga batang tinuruan niyang umawit. Napansin agad ng mga bata ang kakaibang halamang tumubo sa tabi ng puntod ni Meluya.

"Ano kaya ang halamang iyan? Ngayon lang ako nakakita ng ganyan," anang isang bata.

Ikinwento ng mga bata sa kani-lang mga ama't ina ang tungkol sa halaman.

Nang ganap nang magulang ang halaman ay hinukay nila ito at namangha sila sa bunga nitong nasa ilalim ng lupa.

Paano ay parang mga paa ni Meluya ang itsura ng bunga niyon.

Natuklasan din ng mga tao na nakapagpapaluwag ng lalamunan ang sabaw ng bunga kapag inilaga. Lumaon ay natuklasan pa nilang maganda sa boses ang pag-inom sa sabaw ng bunga.

Dahil doon ay tinawag na meluya ang bunga para sa alaala ni Meluya. Nang lumipas ang maraming mga taon ay naging luya na ang pangalan nito.


Alamat ng Kalabasa


Si Kuwala ay anak ni Aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ang ina ang nagpalaki sa kanya.

Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan.

Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy siyang Kuwalang basa nang basa.

Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral.

Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni Aling Disyang sa doktor ang anak. Nang masuri ito ng doktor ay malala na ang kondisyon.

Paralytic poliomyelitis ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala. Naging mabilis ang pagpasok nito sa katawan niya at agad siyang naparalisa. Ilang linggo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang bata.

Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay.

May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Aling Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata.

May isang nagtanong kung saan galing ang halamang iyon. Ang sabi ng tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa.


Alamat ng Kamatis

Noong unang panahon sa isang malayong bayan, ay may isang babae na masasabing walang suwerte sa buhay. Siya ay si Kamalia. May asawa't mga anak si Kamalia ngunit siya'y nagtiis ng katakut-takot na hirap.


Marami bisyo ang asawa ni Kamalia. Bukod sa hindi na siya nabibigyan ng pera ay sinasaktan pang madalas.


Dahil sa halos walatng ibili ng pagkain, naisipan ni Kamalia na pumasok na labandera sa kalapit bahay. Nagtiis siyang maglaba sa buong Maghapon. Hindi niya maatim na makitang ang kanyang mga anak ay nag-iiyakan sa gutom.


Nang malaman ng kanyang asawa ang paglala-bandera niya ay palaging kinukuha ang kinikita niya. Yao'y inuubos lamang sa alak at sugal. Pag hindi naman niya ibinibigay ay sinasaktan siya.


May mga kapitbahay na naaawa kay Kamalia. Madalas ay binibigyan ang mag-iina ng pagkain at mga lumang damit.


Gayon na lamang ang galit ng asawa ni Kamalia nang mabatid ang tungkol sa pagbibigay-tulong. Kundangan'y ayaw nitong tatanggap ang asawa't mga anak ng anumang tulong sa mga kapitbahay.


Pinagsabihan si Kamalia na pag tumanggap pa ng mga bigay ng kanilang kapitbahay ay siguradong masasaktan siya.


Bunga niyon, hindi na binigyan si Kamalia ng kahit na anong tulong ng mga mababait niyang kapitbahay. Ayaw nilang masaktan pa ang kaawa-awang babae. Nahabag ang panganay na anak ni Kamalia sa kanya, Kaya napilitang magtrabaho ito. Paglilinis ng sapatos doon sa bayan ang kanyang hinarap.


Nang matuklasan ama na kumikita ang anak sa paglilimpiyabota, katulad ng ginawa sa kanyang ina ay kinuha rin niya ang kinikita. At gaya ng dapat-asahan, inuubos din sa sugal at alak. Sa gayon, madalas na hindi kumakain ang mag—iina.


Dahil sa patung-patong na kahirapan at labis na panghihina dala ng kakulangan sa sustansiyang kailangan ng katawan, nagkasakit si Kamalia. Hindi nag tagal ay namatay siya. Bago nalagutan ng hininga ang kahabag-habag na may nasabi sa mga anak.


Ang bangkay ni Kamalia ay inilibing sa likuran ng kanilang bahay. Hindi nagtagal, may tumubo roon isang halamang ang bunga'y mapupula. Nagtaka ang lahat sa nasabing halaman, At nang kanilang subuking tikman ang bunga ay nasarapan sila.


Dumami ng dumami ang nasabing halaman. Ang bunga niyon ay naipagbibili ng magkakapatid sa mga tagabayan. At bumuti nga ang kanilang buhay, katulad ng sinabi ng kanilang ina bago ito namayapa. Nagkatotoo rin na nagbago ang ugali ng kanilang ama. Nagsisi ito sa mga nagawang pagkukulang. Minahal na niyang mabuti ang mga anak.


Ang halamang nagbigay ng bagong buhay sa mga anak ni Kamalia ay tinawag na Kamatis. Ito'y kuha sa pangalan ni Kamalia at sa kanyang pagtitiis sa buhay - Kamalia...pagtitiis. At magmula noon, ang Kamatis ay nakilala bilang isang masarap na pagkain at pampalasa sa ulam.

Alamat ng Okra

Sa isang palasyo ay may anak ang hari na nagngangalang Oka. Ang batang ito ay sadyang napakasinungaling at napakapilyo. Wala siyang kasundo kahit na isa man sa mga alagad ng hari. Ang lahat sa kanya ay nanggagalaiti sa galit sapagkat ang mga ito ay nakaranas na ng kapilyuhan ni Oka.


Minsan ay nagkaroon ng sakit ang hari at ang lahat ay nag-alala sa kanyang sitwasyon. Subalit ang batang si Oka ay walang pakialam at patuloy lamang sa paglalaro sa labas ng palasyo. Nagpatuloy si Oka sa paglalaro hanggang sa siya ay makarating sa gitna ng kagubatan. Sa kagubatan ay nakita niya ang dyosa ng kagubatan na matagal na palang nakamasid sa kanya. Kinausap ng enkantada si Oka na kinakailangan na niyang magbago sapagkat kung hindi siya magbabago ay parurusahan siya nito.




Pagkatapos niyon ay biglang naglaho ang engkantada at hindi malaman ni Oka kung saan ito nagpunta. Sa kabila ng pagpapaalala ng engkantada kay Oka ay wala itong ginawa kundi magpatuloy pa rin sa kanyang nakasanayan.


Ang mga araw ay lumipas at ang hari ay lumakas at nanumbalik ang kaniyang kaniyang sigla. Subalit ganoon pa rin ang pag-uugali ni Oka. Isa parin siyang batang pilyo at sinungaling. Lingid sa kaalaman ni Oka ang engkantada na kaniyang nakausap sa kagubatan ay ang kaniyang ama rin pala. Ito ay nagpanggap lamang na isang engkantada upang takutin ang kaniyang anak subalit nagkamali siya sa kaniyang akala na magbabago nga ito.


Kaya’t walang nagawa ang hari kundi ang patawan ito ng parusa. Ginawa ng hari si Oka na isang halamang gulay na may madulas at makating mga katangian. 


Tinawag niya itong Okra ang anak na hindi marunong magtanda at walang pagnanais na magbago.