Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Saturday 23 July 2016

Ang Alamat ng Mais

Tumatakas ang binata at dalaga, magsing-irog na hinahabol ng mga alagad ng batas.

Yakap ng binata ang supot ng mga alahas - mga pulseras, kuwintas, hikaw, singsing na ninakaw niya sa mga libingan.

Nakatakas si Minong sa mga guwardiya sa tulong ng dalaga at kapagkaraka ay silang dalawa na ang tinutugis ng mga ito.

Hindi nagtagal at nahuli sila. Ang babae ay pinakawalan, ang lalaki ay itinali sa puno para ubusin ng langgam.

"Sana'y hindi siya nakita ng matandang babae na nagkakataong may dinadalaw sa libingan," taghoy ni Celia habang nakalupagi sa tabi ng bangkay ng kanyang mahal, "Disin sana ay malayo na kami, at nagbabagong buhay. Pangako niya."

Pagkaraan ng ilang araw, napansin ni Celia na may mga halamang tumubo sa palibot ng punong kinamatayan ni Minong.

Kakatuwa ang bunga dahil may busil na nababalutan ng hile-hilerang mga butil na tila mga hiyas - may puti, may dilaw, may mapula-pula, mga alahas na ninakaw ni Minong at ibinaon sa malapit sa punong kinamatayan.

Inalagaan ni Celia ang halaman at pinarami pa niya ang mga ito para saan man siya magtungo ay magpapaalala sa kanya ng mahal niyang si Minong.

At iyon nga ang alamat ng Mais.

Sunday 17 July 2016

Alamat ng Saging

Naglalaba si Maring sa tabing ilog, at umaawit habang kinukusot ang mga damit, nang mapansin niyang may binatang nasa likuran niya.

"Kay ganda ng boses mo," bati ng binata.

Hindi agad nakasagot ang nabiglang dalaga, ngunit maya-maya'y ngumiti at nagsabi, "Hindi naman po. Nililibang ko lang po ang aking sarili para hindi gaanong mapagod."

Umupo ang binata sa malaking bato sa tabi ng tubig at binantayan ang paglalaba ng dalaga. Mula noon ay madalas na silang nagkikita. Hinihintay ng binata habang ang dalaga'y naglalaba at dinadala ang palanggana ng damit sa paghahatid sa kanya.

Di nga naglaon, naging magkasintahan ang dalawa. Ilang buwan din silang nagmahalan. Isang umaga, malungkot na sinalubong ng binata si Maring.

"Maring, mahal ko," sabi niya, "Aalis ako ngayon.Uuwi at may pasabi sa akin na pinapatawag daw ako ng aking ama."

"Saan?" tanong ng balisang dalaga. "Saan ka uuwi? Sasama ako."

"Babalik din ako. Hindi ka maaring sumama dahil iba ang mundo ko."

"Bakit iba? Tagasaan ka ba?"



"Engkantado ako. Hindi ka makakapasok sa tinitirahan ko. Sige, aalis na ako."

Hinawakan ni Maring ang kamay ng lalaki. "Huwag mo akong iwan. Paano ako?" sa pagpigil niya sa kamay ng lalaki, biglang natanggal ito at naiwang hawak niya. Ang binata ay naglaho sa kanyang paningin.

"Naku, ano ba ito?" Halos nawala sa ulirat si Maring. "Anong gagawin ko sa kamay na ito?"

Naisipan niyang ibaon sa tabi ng batong laging inuupuan ng mahal niya. Kinakukasan, nang tingnan niya kung ano ang nangyari sa ibinaong kamay, ang nakita niya ay isang mataas nang halaman. May mga bunga na tila mga galamay ng tao.

Hindi na niya muli pang nakita ang kasintahan. Ang tanging nagpapaalala nalang sa naunsiyaming pag-ibig ay ang puno na naglaon ay tinawag nang saging. At iyon nga ang alamat ng saging.