Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Sunday 7 August 2016

Ang Alamat ng Makahiya

Nakakita ka na ba ng makahiya? Ang makahiya na may scientific name na Mimosa pudica ay makikita sa maraming bahagi ng Pilipinas gayundin sa iba't ibang bahagi ng mundo. Ito ay halamang may pinong dahon at halos nakadikit sa lupa. Madali mong makikilala ang halamang ito dahil kapag nasanggi ay ititiklop nito ang mga dahon. Ang alamat na babasahin mo ay magsasabi kung saan nagmula ang halamang ito. Halika, simulan natin ang pagbabasa.

Noong unang panahon, sa isang malayong bayan ay may nakatirang dalagang nagngangalang Maria. Maliban sa pagiging maganda ay kilala rin si Maria sa dalawa pang katangian. Una, siya ay sobrang mahiyain at pangalawa, siya ay mapagmahal sa mga halaman.

Hindi umaalis ng bahay si Maria. Kung lumalabas man ay sa bakuran lang para alagaan ang kanyang mga halaman.

"Iyang si Maria ay maganda at masipag ngunit napakamahiyain," sabi ng kapitbahay na si Aling Trining.

"Oo nga. Nang minsang madaanan ko at batiin ay biglang nagtago sa loob ng bahay," sang-ayon naman ni Aling Delia.

Walang naging kaibigan si Maria dahil hindi siya nakikipag-usap ngunit sila ng kanyang mga halaman ay tila nagkakaintindihan. Napakaganda lagi ng mga bulaklak sa kanilang hardin. Minsan, may ilang malilikot na batang pumasok sa kanyang bakuran at nanira ng mga halaman. Sa unang pagkakataon ay sumigaw si Maria. Ayaw na ayaw niyang may sumisira sa kanyang halaman. Pagkatapos nito'y naglagay siya ng mga tinik sa paligid ng bakuran para mapigilang pumasok ang mga batang malilikot.


Isang araw ay hindi na nakita ng mga kapitbahay si Maria sa hardin. Sa ikalawa at ikatlong araw ay nag-alala na ang mga kapitbahay.

"Bakit kaya hindi na lumalabas si Maria? hindi kaya siya ay nagkasakit?" tanungan ng mga ito sa isa't isa.

Dahil sa pag-aalala ay pumasok ang mga kapitbahay sa bakuran ni Maria.

"Maria! Maria! Nasaan ka ba" sigaw nina Aling Trining at Aling Delia. Walang sumasagot kaya't pumasok sila sa loob ng kubo.

Maliit lang ang kubo at makikita kaagad kung may tao sa loob o wala. Maayos ang loob nito ngunit wala si Maria.

Lumabas sila sa hardin nang biglang mapasigaw si Aling Trining.

"Aray! Ang sakit naman ng tinik na ito? Ano ba ito?" sabi niya sabay yuko upang tingnan ang natinik na paa. Napayuko rin ang iba niyang kasamahan at nagulat sila sa nakita. Isang halamang halos nakadikit sa lupa at may pinumpinong dahon ang kanilang nakita. May pinong tinik din ito na nakapalibot sa kanyang mga sanga. Nang madikit ang paa ni Aling Trining ay biglang tumiklop ang mga dahon ng halaman,

"Ngayon lang ako nakakita ng ganitong uri ng halaman. Napakamahiyain naman nito. Nasanggi ko lang ay tumiklop na. At parang ayaw palapitin ang mga tao sa mga halaman  dahil sa  mga tinik nito. Parang si Maria," sabi ni Aling Trining.

Hindi na muli nakita sa nayon si Maria. ang mahiyaing halamang tumubo sa palibot ng kanyang halamanan ay lumago pa kaya lalong naniwala ang mga kapitbahay na ito na nga si Maria.

Pinangalanan nilang makahiya ang halamang ito mula sa unang pantig ng pangalang Maria at idinugtong ang salitang kahiya dahil sa kanyang sobrang pagkamahiyain.

Saturday 23 July 2016

Ang Alamat ng Lansones

Noong unang panahon, hindi kinakain ang lansones dahil lason daw ito. May kumain daw nitong bata na sumakit agad ang tiyan at kinabukasan ay namatay.

"Kay gagandang tingnan sa puno. Puting - puti at mabibilog ngunit lason," sabi ng mga tumitingin sa mga kumpol ng lansones na nakalawit sa puno. "Pampalamuti lang sila sa bakuran. Sayang!"

Wala ngang nais magtanim ng lansones. Madalas naman ay tumutubo na lang ito dahil nga sa nalalaglag sa lupa ang ang mga bunga.

Ngunit walang tumikim na kumain uli nito dahil sa alaala ng batang namatay. "Lason! Hindi dapat kainin." iyan ang sabi ng mga matanda tungkol sa kumpol kumpol na bungang tila nang-aakit na sila ay kainin.

Isang araw, may dumating na napakagandang dalaga sa bayan. May mga taong sumusunod sa kanya habang minamasdan niya ang mga punong hitik ng bunga.

"Bakit hindi ninyo kinakain itong handog sa inyo ng kalikasan? Nalalaglag na lang sila sa lupa at nasasayang," sabi ng dalaga.

"Lason po iyon" sagot ng isang mamamayan. "Namatay daw po ang batang kumain niyan sabi ng matatanda."

Pumitas ang dalaga ng isang bunga, pinirot at inalisan ng balat, saka isinubo. "Tingnan ninyo, nalason ba ako? Kayo, tikman din ninyo."

Namangha ang mga tao. May ilang naglakas loob. "Ang tamis! Ang linamnam!" sambit nila.

Nagsipitas din ang mga naroroon. "Oo nga! Ang sarap ng laman. O, hindi naman tayo nalalason."

Mula noon ang lansones ay kinagigiliwan nang kainin ng mga tao. Inaakalang ang pagkawala ng lason ng prutas ay gawa ng dalaga na pinaniniwalaan nilang isang engkantada. Lalo pa't nababakas daw sa bunga ang pagpisil ng mga daliri ng mahiwagang babae.

Doon na nagsimula na kainin ng mga tao ang dating kinatatakutang bunga ng lansones. At iyon ang tinaguriang alamat ng lansones.