Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Saturday, 3 September 2016

Alamat ng Buwan at Bituwin

Noong Kauna-unahang panahon, ang langit daw ay napakababa. Abot na abot ng mga tao at maari nga raw pagsabitan ang mga alapaap ng kanilang mga gamit, mga damit at maliliit na kasangkapan.

May isang babae na kumuha ng isang salop na palay sa sako para bayuhin at gawing bigas. Ibinuhos ang palay sa lusong at handang babayuhin na nang maalalang tanggalin muna ang kanyang pulseras, kuwintas at mga singsing. Pati suklay na may mga batong makinang ay tinanggal rin. Isinabit niya ang mga alahas sa mababang alapaap at nagsimulang magbayo.

Sa bawat pagtaas niya ng pagbayo, nauumpog niya ang langit. "Sana nama'y mataas ang langit para hindi laging nauumpog kapag nagbabayo ako ng palay."

Katanghaliang tapat ng sinabi niya ito, at may paniniwala ang mga tao noon na sa oras na ganoon, ang lahat na naisin ninuman ay mangyayari.

Naalala ng babae ang isinabit niyang alahas ngunit huli na, kasama na ng langit sa pagtaas.

Hindi na niya nakuhang muli. Ang mga alahas na iyon ay nasa langit pa hanggang ngayon dahil naging maningning na buwan at mga bituwin.

Iyon ang sinasabing alamat ng buwan at bituwin.

Friday, 2 September 2016

Ang Alamat ng Ulan

Si Dakula, isang napalaking higante, ay nakatira sa madilim na yungib. Sa tabi ng yungib ay may bukal na dinadaluyan ng dalisay at matamis na tubig. Hindi mangyaring makakuhang madalas dito ang mga tao dahil bantay na bantay itong bukal ng matapang na higante.

Madalas kumukuha na lamang ang mga tao ng tubig sa dagat para magamit nila. Paminsan-minsan nasusubukan nilang tulog si Dakula, kaya panakaw na nakakasahod sila ng tubig sa bukal.

Isang hatinggabi, maraming mga tao ang pumaroon sa bukal para sumalok ng tubig. Hindi nila alam na gising pala ang madamot na higante. Walang anu-ano'y naramdaman ng mga tao na naikulong na pala sila nito sa isang malaking lambat.

Dinala ni Dakula ang lambat na puno ng tao sa kaitaasan, at ibinilanggo sa ulap.

"Diyan na kayo manirahan, gusto rin lang ninyo ng tubig."

Ang mga taong nakakulong sa ulap ay nalungkot at nagsitulo ang masaganang luha. Bumagsak sa lupa ang luha at nagsilbing unang ulan.

Mula noon, tuwing iiyak ang mga taong iyon, umuulan sa lupa.

At iyon nga ang alamat ng ulan at kung bakit tila napakalungkot ng langit tuwing umuulan na parang lumuluha.